25.4 C
Manila
Martes, Disyembre 31, 2024

Buffex epektibong mekanismo para sa digitization ng mga MSMEs sa Bulacan

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGSISILBING epektibong mekanismo ang Bulacan Food Fair and Exposition (Buffex) na maparami ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan na maging digitized ang paraan ng pakikipagtransaksiyon sa pamamagitan ng iba’t ibang mga E-commerce platform.

Ipinapaliwanag ni Department of Trade and Industry OIC-Provincial Director Cristina Valenzuela, sa ginanap na Bulacan Food Fair and Exposition 2024, ang kahalagahan na mai-onboard ang mga micro, small and medium enterprises sa mga E-commerce platform upang mas lumawak ang naaabot na merkado. (DTI Bulacan)

Iyan ang idineklara ni Department of Trade and Industry (DTI) OIC-Provincial Director Cristina Valenzuela sa ginanap na DTI Day na bahagi ng Buffex 2024 sa Hiyas ng Bulacan Convention Center.

Binigyang diin niya na hindi lamang basta isang trade fair o market matching ang Buffex.

Isa na rin aniyang pamamaraan ito upang mahikayat ang mga MSMEs na yakapin nang husto ang digitization upang makapasok sa mas malawak na merkado.

Pangunahin sa mga rekisito upang makalahok ang isang MSME sa Buffex ay kinakailangang naka-on board na ito sa anumang E-commerce platform.

Bukod dito, sinabi pa ni Valenzuela na modelo ang Buffex ng public-private partnership sa larangan ng pagpapaunlad ng mga maliliit at katamtamang negosyo.

Ang Buffex ay pinasimulan ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) noong 2012 bilang isang high-standard trade fair.

Ayon kay BCCI President Korina Tengco-Bautista, itinatampok dito ang mga matatagumpay na mga MSMEs na pumasa sa pamantayan ng DTI sa ilalim ng One Town, One Product Next Generation Program.

Taun-taon na idinadaos ang Buffex tuwing Setyembre sa panahon ng pagdiriwang ng Singkaban Festival.

Base sa tala ng DTI Bulacan, pinakamataas ang bilang ng mga MSMEs na nai-on board sa iba’t ibang mga E-commerce platform noong 2022 na umabot sa 4,826 na sinundan ng 4,554 noong 2023. Hindi pa natatapos ang 2024, nasa 3,748 na mga MSMEs na nitong Agosto ang on-board na.

Nagsimula lamang sa 146 noong 2019, 1,096 noong 2020 at 3,190 noong 2021 sa kasagsagan ng pandemya.

Sa kabuuan, ang nasa 17,560 na mga MSMEs na nai-on board ay pawang nakapasok na sa mas malawak na merkado ng online shopping. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -