30.3 C
Manila
Miyerkules, Enero 22, 2025

Bakit hindi pwedeng sa Capas, Tarlac RTC dinggin ang kaso ni Alice Guo

- Advertisement -
- Advertisement -

 SA Valenzuela City Regional Trial Court, sa Setyembre 19, ira-raffle kung sino ang hukom na dirinig sa mga kasong korapsyon na isinampa sa pinatalsik na alkalde ng Bamban na si Alice Guo matapos ilipat ang mga ito mula sa Capas, Tarlac Regional Trial Court.

Larawan kuha ni Mike Alquinto/The Manila Times

Ayon sa ulat ng The Manila Times, dalawang kaso ng korapsyon ang natanggap ng RTC ng Valenzuela laban sa dating alkalde.

Matapos magsampa ng mga kaso ang Department of Interior and Local Government (DILG) na umakusang ginamit ni Guo ang kaniyang kapangyarihan bilang alkalde upang mabigyan ng permit ang ilegal na Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Bamban, naglabas ng warrant of arrest ang Capas, Tarlac RTC Branch 109 dahil sa umano’y paglabag ni Guo sa Anti-Graft  and Corrupt Practices Act.

Ngunit kinontra ni Senator Francis Tolentino ang paglalabas ng arrest warrant na ito ng Capas, Tarlac RTC dahil aniya, labag ito sa RA 10660 partikular na sa Seksyon 2.

Sakop ng lalawigan ng Tarlac ang bayan ng Bamban kung saan naging alkalde si Guo.


Kaya naman kinuwestyon ito ni Senador Francis Tolentino.

Sa isang pahayag, binanggit ng Senador ang Republic Act 10660 kung saan sinasabi dito na kailangan  labas sa rehiyon ng hukumang nakakasakop sa bayan kung saan nagtatrabaho ang nasasakdal ito dinggin.

“…the cases falling under the jurisdiction of the Regional Trial Court under this section shall be tried in a judicial region other than where the official holds office,” ayon sa Seksyon 2 ng RA 10660.

Aniya, isinampa ang mga kaso ni Guo sa Capas na sakop ng Regional Trial Court Region 3, na nakakasakop din sa Bamban.

- Advertisement -

Humiling ng kaliwanagan si Judge Sarah Vedaña-delos Santos ng Tarlac RTC Branch 109 sa Office of the Court Administrator.

Ipinaliwanag ng OCA na kinulang ang Capas RTC Branch 109 sa pagsaad sa Seksyon 2 ng RA 10660 dahil hindi nito binanggit ang “(a)ll other national and local officials classified as Grade “27” and higher under the Compensation and Position Classification Act of 1989″ na binaggit din sa A.M. No. 19-05-131-RTC gamit ang terminong “public official.”

Ginagawa ito upang maiwasang maimpluwensyahan ng nasasakdal ang kaso, ayon kay Tolentino.

Ayon sa  Circular 10-2024   ng Office of the Court Administrator, sa pinakamalapit na kasunod na RTC dapat isampa ang kaso.

At natukoy na Valenzuela RTC nga ito.

Kung kaya ibinalik ni Judge delos Santos ang mga kaso kay Capas RTC Executive Judge Ronald Leo Haban,   na siya namang nag-utos na ilipat ito sa Valenzuela City Regional Trial Court.

- Advertisement -

Dahil walang hurisdiksyon ang Capas RTC, ayon kay Senador Tolentino, tanging ang warrant of arrest na lamang ng Senado ang may bisa laban kay Guo.

Ayon kay Valenzuela City Clerk of Court Gemma Perino maaaring hilingin ng Senado sa Valenzuela Regional Trial Court na padaluhin si Guo sa pagdinig sa Senado sa Setyembre 17 habang nira-raffle kung kaninong hukuman mapupunta ang mga kaso ng dating alkalde ng Bamban.

Ayon pa sa ulat ng The Manila Times, hindi rin tutol ang korte sa suhestyon ni Tolentino na ibigay muna ang kustodiya ni Guo sa Philippine National Police.

Bukod sa mga kasong graft, nahaharap din si Guo sa kasong human trafficking, tax evasion, at money laundering.

Meron din siyang kaso sa Commission on Elections (Comelec) dahil sa material misrepresentation dahil sa hindi niya pagsasabi ng kaniyang tunay na pagkakakilanlan.

Inaasahan na madaragdagan pa ito, ayon kay DoJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, ayon sa ulat ng RMN News.

Marami pa, aniyang, kasong may kaugnayan sa money laundering na isasampa laban kay Guo.

Naniniwala si Clavano na ‘tip of the iceberg’ pa lamang ito sa mga nangyayaring iregularidad.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -