26.5 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Cayetano itinutulak ang pagpapaunlad ng Laguna Lake

- Advertisement -
- Advertisement -

KAILANGANG magbuo ng isang corporate entity na siyang magpapaunlad sa Laguna Lake upang makamit ang buong potensyal nito.

Ito ang panawagan ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules, September 11, 2024, sa kanyang sponsorship sa Senate Bill No. 2647 na nagsusulong ng pagpapalakas ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Aniya, sa pagpapalakas ng BCDA, marapat ding bigyang pansin ang Laguna Lake Development Authority (LLDA).

“I hope we can come up with some kind of corporate entity that is partly government, partly private to actually develop the Laguna Lake and the ancestral lands of the indigenous peoples of the Philippines,” wika ng senador.

Noong nakaraang Lunes, hinimok ni Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng masusing pag-aaral at posibleng maglatag ng isang komprehensibong plano para sa pagpapaunlad ng Laguna Lake.

Sa pagdinig ng Finance Committee noong September 9, 2024 sa panukalang 2025 budget ng ahensya, binigyang diin ni Cayetano ang mga nakaraang isyu sa proyekto.

“In 1998, my first privilege speech was about Laguna Lake. Sabi ko, ‘LLDA – Laguna Lake Development Authority. I see the ‘Laguna Lake,’ I see the ‘Authority,’ but where is the ‘Development’? 1998 po ‘yon. Pare-pareho na tayong tumanda. Nando’n pa rin ang Laguna Lake. Nando’n pa rin ‘yong Authority. Pero wala pa rin y’ung Development,” wika ng senador sa DPWH.

Pinakamalaking lawa sa bansa ang Laguna Lake. Kasalukuyan itong ginagamit para sa pangingisda, pagkontrol sa baha, pagbuo ng kuryente, panglibangan, patubig, industrial cooling, pagtatapon ng basura, at para sa suplay ng tubig sa mga tahanan.

Gayunpaman, may mga pag-aaral ang LLDA na nagpapakita na ang lawa ay nahaharap sa mga seryosong isyu sa ekolohiya, kabilang ang mahinang pamamahala ng basura, kalinisan, kasikipan, sedimentation, polusyon, mababang kalidad ng tubig, pagbaha, at pagkawala ng biodiversity.

Ani Cayetano, kailangang lutasin ang mga problemang ito habang naghahanap din ng mga bagong pagkakataon sa pag-unlad.

Binigyang diin niya ang pangangailangan para sa maingat na pagpaplano upang matiyak na ang proyekto ay pakikinabangan ng lahat at upang maiwasan ang mga negatibong epekto sa kapaligiran at lipunan.

Iminungkahi ng senador ang pagsasagawa ng malalim na pag-aaral, na posibleng pangunahan ng Asian Development Bank (ADB), para sa pagpapaunlad ng lawa.

“It’s bigger than Singapore, at may one third pa na kasya sa loob ng Laguna Lake, Mister Secretary. Pakitingnan lang po kung baka pwedeng may gumawa ng study [to maximize the lake],” wika ni Cayetano kay DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Bagama’t binanggit na mayroong mga fish pen at on-going floating solar farm projects sa lawa, sinabi ng senador na ang LLDA ay maaari pa ring magbukas ng mas maraming potensyal na katulad ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na matagumpay na nakabuo ng mga lugar tulad ng Fort Bonifacio at Clark.

Ipinunto rin niya na kulang ang LLDA sa pondo at development focus na mayroon ang BCDA. Binigyang diin niya ang pangangailangan para sa isang matibay na plano upang ipakita ang mga potensyal nito, lalo na mula sa mga proyekto sa kalsada at reclamation.

“Napakaganda ng Laguna Lake… In terms of areas to develop, [it covers the provinces of] Rizal and Laguna, and then the cities of Muntinlupa and Taguig in Metro Manila,” wika ni Cayetano.

“Ang dami nating pwedeng i-develop sa Laguna Lake, but it has to be done the right way,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -