LABING-ANIM (16) na Wildlife Special Use Permit ng mga buhay-ilang ang sinubaybayan ng mga kawani ng Enforcement Division ng DENR National Capital Region sa isinigawang “AnimalCon 2024” noong ika-23 hanggang ika-25 ng Agosto sa isang mall sa lungsod ng Pasay.
Ang mga pinahintulutang mga permittee ay nagtampok ng mga hayop katulad ng Ball Python, Bearded Dragon, Hognose Snake, Philippine Freshwater Crocodile, Chameleon, Iguanas, African Spurred Tortoise, Umbrella Cockatoo, Parakeet, Camel, Palawan Bearcat, Long-tailed Macaque at iba pa. Sa isinigawang inspeksyon, sinigurado ng tanggapan na ang mga naka-display na alagang hayop at ibang gawain sa nasabing aktibidad ay nakaayon sa nakasaad na mga kondisyon o probisyon ng nasabing permit.
Ang mga ganitong klaseng kaganapan at inspeksyon ay alinsunod sa Biodiversity Conservation Program ng ahensya na nagpapatibay sa mandato na mapangalagaan at maprotektahan ang buhay-ilang batay sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.
Muling paalala sa publiko ng DENR-NCR, alamin ang mga dokumento o permit na kailangang kuhanin upang mapahintulutan ang pag-aalaga at iba pang gawain na may kaugnayan sa mga buhay-ilang upang maiwasan ang paglabag sa nasabing batas.