BINIGYANG-DIIN ni Senador Alan Peter Cayetano noong Miyerkules ang pangangailangan ng bansa na bumuo ng mga digital na imprastraktura upang lubos na magamit ang E-governance at umunlad sa digital age.
Sa kanyang sponsorship speech para sa E-Governance Act (Senate Bill No. 2781), itinampok ng senador ang potensyal ng makabagong teknolohiya upang i-streamline ang mga serbisyo ng gobyerno, isulong ang transparency, at mapabuti ang paghahatid ng serbisyo.
“Only God knows the limitation of E-governance in the digital age. Halos unlimited ang opportunities dito. Think of it, and it can be done,” wika ni Cayetano, chairman ng Senate Committee on Science and Technology, sa plenary session nitong September 11, 2024.
Ipinaliwanag niya na ang paggamit ng mga digital tool tulad ng e-payment, pinadaling mga proseso, at facial recognition ay maaaring magbago sa pakikipag-ugnayan ng mamamayang Pilipino sa gobyerno dahil magiging mas mabilis, madali, at accessible ang mga serbisyo.
Sinabi niyang bagama’t hindi malulutas ng digital transition ang lahat ng problema, magbibigay pa rin ito ng pagkakataon para sa pagpapabuti ng mga serbisyo ng gobyerno.
“With the available technologies, and with the right people in the Department of Information and Communications Technology (DICT) and other agencies, magagawa po ito. It will not be a magic bullet, hindi naman po lahat ng problema natin immediately mawawala but it would provide a good platform,” paliwanag niya.
Ayon kay Cayetano, noong Foreign Affairs Secretary pa siya ay may mga ibang foreign ministers na inihalintulad ang digital infrastructure sa pisikal na imprastraktura tulad ng mga highway at tulay.
“[They said] it’s the same with the digital age. Hindi mo lang makita y’ung highway, pero kung hindi ibi-build ang structures sa digital age, hindi mo makukuha ang benefits nito,” aniya.
Binigyang diin din ni Cayetano ang kahalagahan ng pagsasanib ng E-Governance Act sa iba pang mga panukala, tulad ng Konektadong Pinoy Act (Senate Bill No. 2699) at mga cybersecurity bill upang mapangalagaan ang mga Pilipino mula sa mga online scam at pandaraya.
Sinabi ng senador na ang mga pondong inilaan sa DICT, Department of Science and Technology (DoST), at iba pang kaugnay na mapagkukunan sa General Appropriations Act ay dapat isama sa pagsisikap ng gobyerno na lumipat sa e-governance.
“Kung ang problema natin ay red tape, corruption, duplication, or human mistakes, mapapabilis, maiiwasan, at masasakop ito sa E-Gov. … Dito sa E-gov ay may solusyon,” sabi niya.