SA harap ng tumitinding digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, tumitindi rin ang mga parusa at mga babalang parusa ng mga kaalyado ng Ukraine tulad ng Estados Unidos at European Union sa mga bansa, kompanya at institusyong pananalapi na nakikipagkalakalan sa Russia upang mapalakas ang kakayahan nitong makapagprodyus ng mga kagamitang militar.
Dahil sa isinagawang embargo ng Estados Unidos, European Union (EU) at iba pang Kanluraning bansa sa Russia sa pagsakop nito sa Ukraine noong 2022 ang akses sa mga materyal, makabagong teknolohiya at salapi ng Russia ay lubhang kumitid. Ganoon pa man, humanap ng iba’t ibang paraan ang Russia upang makakuha ng mga kinakailangang suplay, teknolohiya at salapi. Dahil may mga bansa tulad ng China na hindi sumama sa embargo naipagpatuloy pa rin ng Russia na palawakin at palakasin ang kanilang armas at iba pang kagamitang militar sa paggamit ng Chinese yuan bilang pamagitang salapi sa mga transaksiyong internasyonal. Ang mga bansang hindi sumama sa embargo ay naging pinagkukunan ng suplay at salapi at naging tulay din upang mga mga materyal at pondo mula sa mga Kanluraning bansa ay makapasok sa Russia kasama na ang suplay ng US dolyar at euro.
Sa harap ng mga butas upang lusutan ng Russia ang embargo at upang mapalakas ang epekto ng embargo halos 4000 kompanya sa Russia ang pinatawan ng sari saring parusa ng Estados Unidos upang mapigilan ang pagdaloy ng mga produkto, serbisyo at salapi sa Russia na magpapalakas sa kakayahan nitong ipagpatuloy ang digmaan sa sinasakupang Ukraine.
Upang mabigyan pa ng malalakas na ngipin ang embargo, may mga panibagong 300 parusa ang inilunsad ng Estados Unidos na nakatuon sa pagpigil sa mga indibidwal at kompanya sa mga bansa kabilang ang China, United Arab Emirates at Turkey sa pagtulong sa Russia ipang maiwasan o lusutan ang mga hadlang sa pagkuha ng mga teknolohiya, suplay at salapi. Kabilang din sa mga panukalang parusa ay nakatutok sa mga bangko at iba ang institusyong pananalapi na nakikipag-kalakalan sa Russia.
Matatandaan na ang Estados Unidos at iba pang Kanluraning bansa ay itinigil ang pagpapahiram ng kanilang mga salapi na magagamit sa kalakalan nang sakupin ng Russia ang Ukraine. Kaya’t ang naging pangunahing dayuhang salapi na ginagami sa Russia ay Chinese yuan sa mga transaksiyon nito sa mga kompanyang Chino. Dahil sa takot ng mga bangko sa China sa mga panukulang parusa itinigil ng mga ito ang pagpapautang ng Chinese yuan sa Russia. Ngayong lumiliit na ang suplay ng Chinese yuan sa Russia, halos wala na itong salaping magamit sa kanilang pakikipagkalakalan sa bansang China. Dahil sa kakulangan ng suplay ng Chinese yuan sa Russia nauwi ito sa depresasyon ng Russian ruble.
Ang kinakatakutan ng mga bangko sa China ay mawalan ng akses sa suplay ng US dolyar at matigil ang mga serbisyong pananalapi upang mailipat ang pondo ng kanilang kliyente sa Estados Unidos at iba pang bansa. Isang pang kinakatakutan ng mga bangko ay ang posibilidad ng pagkukumpiska ng kanilang yamang pananalapi na nakalagak sa mga bilihan ng pananalapi sa Estados Unidos at European Union. Bunga nito umaayaw na ang mga bangko sa China na maging tagapamagitan sa pagsasagawa ng mga transaksyon ng kanilang kliyente sa Russia.
Sa kasalukuyan, nararamdaman na ng Russia ang epekto ng mga pangambang parusa ng Estados Unidos sa mga bangko sa China dahil ang suplay ng kanilang Chinese yuan ay lubhang lumiit na. Dahil halos wala ng US dolyar, euro at ngayon Chinese yuan ang Russia, ang kakayahan nitong umangkat ng mga kagamitan at teknolohiya sa pagpapatuloy ng kanilang pagsakop sa Ukraine ay lalo pang kumitid.
Ito na ba ng simula ng pag-atras ng Russia sa isinagawang pagsakop nito sa Ukraine? Parang hurno ng bibingkahan ang nangyayayari sa Russia sa kasalukuyan. Sa itaas o ang eksternal na lugar, nagkukulang na ito ng pondo mula sa labas ng bansa bunga ng embargo at parusa sa mga nakikipagkalakalan sa Russia. Sa ibaba o loob ng bansa, naglalagablab na sa galit ang mga mamamayan ng Russia sa mataas na presyo ng mga bilihin at kakulangan ng mga pangunahing produkto at serbisyo bunga ng embargo at dahil inilalaan ng pamahalaan ang mga yaman nito sa produksyon ng mga armas. Kahit na may malaking reserba ng langis ang Russia, nagkakaproblema ito sa pagbebenta dahil magdadalawang isip ang mga bansang gustong bumili ng langis mula sa Russia dahil sa panganib na maparusahan sila ng Estados Unidos at mga Kanluraning bansa.
Sa harap ng hurno ng bibingkahan, hirap na hirap na ang Russia na humanap ng mga susuporta sa kanyang pagsakop at digmaan sa Ukraine.