SINABI ni Senador Win Gatchalian na plano niyang maghain ng resolusyon para imbestigahan ang kabiguan ng mga bangko na sitahin at usisain ang financial transactions na maaaring nagbigay-daan sa pagtatatag ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nauugnay sa mga kriminal na aktibidad sa bansa.
“Ang money laundering ay isa sa pinakamalaking krimen na ginawa ng mga POGO na ni-raid ng mga awtoridad,” sabi ni Gatchalian. Halimbawa, ang mga kumpanyang pag-aari ni Guo Hua Ping, na mas kilala bilang Alice Guo, ay sangkot sa bank transactions na nagkakahalaga ng daang daang milyong piso na maaaring nagbigay-daan sa pagpapatayo ng POGO sa Bamban.
“Bakit umabot ng apat hanggang limang taon bago naimbestigahan? Kung ang mga bangko ay sumunod sa mga iniaatas ng batas laban sa money laundering, naiwasan na sana ito sa simula, ” diin ni Gatchalian, kasunod ng kahina-hinalang mga transaksyon sa bangko na kinasasangkutan ng mga kumpanya ng pamilya Guo simula pa noong 2019.
Hinala ng senador na ang mga kumpanyang itinatag ng pamilya Guo, tulad ng QJJ Farms at QJJ Embroidery, ay malamang na ginamit lang upang gawing daan para sa money laundering at mapondohan ang pagpapatayo ng POGO hub sa Bamban, na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P6 bilyon.
Ayon kay Gatchalian, ang mga transaksyon sa bangko ng mga kumpanya ng Guo ay umabot sa daan-daang milyong piso – higit pa sa ipinahihiwatig ng kanilang mga financial statement o kanilang kakayahan sa pananalapi.
“Kung susuriin mo ang mga financial statement ng mga negosyong nauugnay sa Guo, kasama ang kanilang mga tax return, hindi mo matutunton kung saan nanggaling ang mga pera. Para sa akin, ito ay isang kaso ng money laundering, dahil hindi natin matukoy ang pinagmulan ng mga pondo, “sabi niya.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang kasong money laundering na isinampa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban kay Guo at 35 na iba pa. Kabilang sa kaso ang mga pondo, na dapat na pambayad sa electricity bill ng Baofu Land Development, na sistematikong nilinis sa pamamagitan ng maraming bank account upang itago kung saan talaga nanggaling ang mga perang ito. Ang Baofu ang property developer na nagmamay-ari ng lupa kung saan itinayo ang POGO hub sa Bamban. “Ang mas malaking krimen ay kung paano sila nakapagtayo ng mga gusali, at hindi pa natin alam kung paano pumasok ang pera. Sigurado ako na ganoon din ang nangyari sa POGO sa Porac,” sabi ni Gatchalian.
Bukod sa POGO sa Bamban, tinitingnan din ng AMLC ang ilang compliance issues na may kaugnayan sa Porac POGO hub.