PINAG-AARALAN ng Makabayan bloc ng Mababang Kapulungan na patalsikin sa pwesto si Bise President Sara Duterte dahil sa “betrayal of public trust” nang hindi nito direktang sagutin ang mga tanong na may kinalaman sa nakaraang confidential funds ng kaniyang tanggapan sa pagdinig ng 2025 budget proposal ng Office of the Vice President.
Ayon sa Seksyon 1 ng Article XI ng 1987 Constitution, ”Public office is a public trust. Public officers and employees must, at all times, be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency; act with patriotism and justice, and lead modest lives.”
Sabi ni Makabayan co-chair at dating Gabriela representative Liza Maza, pinag-aaralan na nila ng kanilang abogado at mga miyembro ang posibilidad na kasuhan ang pangalawang pangulo ng “impeachment” dahil sa asal nito sa pagdinig ng panukalang budget ng OVP para sa taong 2025.
Sa pagdinig ng Committee on Finance sa pangunguna ni Senior Co-Chair Congresswoman Stella Luz Quimbo kamakailan, nairita ang ilang myembro ng komite sa hindi pagsagot ni Duterte ng mga tanong nilang may kinalaman sa confidential funds ng OVP ng mga nagdaang taon.
Nagkaroon ng P125 milyong halaga ng confidential funds ng tanggapan ng Bise-Presidente na ginastos nito sa loob ng 11 araw noong 2022.
Sa pagdinig ng committee on finance para sa budget proposal ng OVP para sa susunod na taon, tinanong si Duterte patungkol sa confidential funds na ito.
Hiningan ng paliwanag ni Cong. France Castro ng ACT partylist si Duterte patungkol sa Notice of Disallowance na inilabas ng Commission on Audit kaugnay ng confidential funds.
Ani Castro, may P73.287 milyon notice of disallowance na inilabas ang CoA, na aniya, nangangahulugan na ilegal ang naging paggamit dito.
Dagdag pa ni Castro, ilegal umano ang paggamit ni Sara ng pondo, kwestyonable rin aniya ang P10 milyong pondo na inilaan sa 11 rewards ng OVP.
Ayon kay Cong. Raoul Danniel Manuel, ayon sa Section 162, magiging bahagi ang mga ruling at pagtatanong ng mga myembro ng komite ng parliamentary practice ng kapulungan kung kaya dapat bahagi rin ng talakayan ang naging performance na nagdaan.
Idinagdag ni Castro na P40 milyong halaga ng food aid at medical aids ang nagastos sa loob lamang ng 11 araw o katumbas ng 3.64 milyon kada araw.
Sa bawat tanong ng mga miyembro ng komite, binigyang-diin ni Duterte na 2025 budget proposal ang dapat na paksa ng pagdinig.
Nagpahayag naman si dating pangulo at ngayon ay kongresista Gloria Macapagal Arroyo na sa kaniyang obserbasyon, aniya, kung nais talakayin ang performance, dapat kwestyunin ang 2024 budget at hindi ang 2023 budget na matagal ding tinalakay sa pagdinig noong nakaraang taon sa kongreso kung kaya nga tinanggal ng kapulungan ang confidential funds para sa taong 2024.
Ayon kay Quimbo may report na hindi agad natapos ng COA at sinabihan ito ng kongreso na tapusin kung kaya ito aniya ang dahilan kung bakit tinatalakay ito ngayon ng komite.
Kinuwestyon din ni Cong. Arlene Brosas ng Gabriela Partylist na hindi sumunod sa joint circular ng COA ang OVP
Nagtanong rin si Cong. Bienvenido Abante Jr at Cong. Janette Garin na vice-chairman ng komite.
At ito lamang ang paulit-ulit na naging sagot ni VP Sara sa kanila: “I will forego the opportunity to defend the Office of the Vice President 2025 budget proposal by question and answer and leave it to the House of Representatives to decide on the proposal as presented.”