26.5 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Tolentino: DoST, dapat suportahan para mas epektibong makatugon ang bansa sa ASF outbreak, lindol at pagsabog ng bulkan

- Advertisement -
- Advertisement -

“Hindi dapat mapag-iwananan ang agham at teknolohiya sa mga prayoridad ng Senado.”

Ito ang binigyang diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino nitong Lunes, Setyembre 9.

Sa kanyang programang ‘Usapang Tol,’ hiningan ng update ni Tolentino si Department of Science and Technology (DoST) Secretary Renato Solidum Jr. ukol sa status ng pagdedebelop ng ahensya ng sariling bakuna ng bansa laban sa African Swine Fever (ASF) virus.

Kasalukuyang nananalasa ang ASF sa local swine sector na nakitaan ng lubhang pagbaba ng produksyon ng baboy. Nagresulta naman ito sa pag-taas ng presyo ng karneng baboy, kung kaya’t umaaray ang milyun-milyong mamimili.

Pero sagot ni Solidum, wala pang kakayahan ang DoST na gumawa ng bakuna, lalo na’t nakabinbin pa rin ang pagpasa ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VVIP) Act.

Dagdag pa ni Solidum, limitado lang ang DoST sa pamamahagi ng ASF detection kits, mobile laboratories, at pananaliksik — na  hindi umano sapat para maapula ang pagkalat ng mabalasik na virus.

Binigyang-diin din ni Solidum ang kahalagahan ng pagpasa ng Senado sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Modernization Act.

“Kailangang dagdagan ng Phivolcs ang staff nito para mas makatulong sa mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa lindol at pagsabog ng bulkan,” aniya, sabay paliwanag na ang Phivolcs ang isa sa pinakamaliit na geological warning agencies sa buong mundo.

Sumang-ayon si Tolentino kay Solidum: “Kailangan talagang matutukan ang VVIP at Phivolcs modernization para mas epektibong makatugon ang ating bansa sa mga ganitong uri ng emergencies and disasters.”

Si Tolentino ang may akda ng Philippine Senate Resolution (PSR) No. 565, na nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng national state of calamity para tugunan ang ASF outbreak, na kumalat na sa 54 sa 82 probinsya ng bansa, at pagkalugi ng P100 bilyon sa swine sector.

Sinimulan ng Senado nitong Lunes ang pag-iimbestiga sa epekto ng ASF outbreak sa agriktultura at seguridad sa pagkain ng bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -