26.5 C
Manila
Biyernes, Setyembre 20, 2024

Hiling ni Sen Robin: Dulo ng Senate hearing, matapos ang kalbaryo ng KOJC

- Advertisement -
- Advertisement -

MANAIG sana ang Saligang Batas, at matapos na ang ilang buwang kalbaryo ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ito ang hiling ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla nitong Biyernes, sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa KOJC na ginanap sa Sangguniang Panlungsod sa Davao City.

“Sana, ang maging dulo nitong pagdinig na ito ay matapos ang kalbaryo ng KOJC… kawawa ang pulis doon tinatanong ko 24 hours palit-palit. Ngayon kung sa tingin nyo lahat na nakakatulong sa bayan ito e nasa inyo yan,” ani Padilla.

“Pero sa akin, ang pakiusap ko sa inyo malinaw ang Saligang Batas sa paghiwalay ng simbahan at estado. Sana doon tayong lahat magumpisa. Bago tayo ito palakihin, bago tayo magsisihan, ang KOJC, simbahan po ito,” dagdag niya.

Noong Hunyo, naghain ng resolusyon si Padilla para imbestigahan ang diumano’y pag-aabuso ng Philippine National Police (PNP) sa operasyon nito sa KOJC, diumano’y nagpapatupad ng arrest warrant kay KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy.

Ani Padilla, dapat sumunod sa 1987 Constitution — na  pinakamataas na batas — ang  lahat na Pilipino, kasama ang PNP at taga-gobyerno, at mga kasama sa KOJC.

Dagdag niya, bagama’t dapat managot sa batas ang mga inirereklamo, malinaw na may karapatan ang mga taong walang kinalaman dahil may paghiwalay ng estado at simbahan sa Saligang Batas.

“Tayo po lahat ay Pilipino at tayo minsan ay nagkasama-sama dahil sa pagmamahal po natin sa bayan natin at tayo po ay sumusunod sa Constitution,” aniya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -