ANG balitang pagkakahuli sa Indonesia kay Guo Hua Ping o mas kilala bilang Alice Guo ay isang mahalagang hakbang sa ating patuloy na pagsugpo sa mga katiwaliang kanyang kinasasangkutan. Ang kanyang pagtakas at pagtatago mula sa kanyang mga pananagutan dito sa Pilipinas ay malinaw na nagpapakita ng tahasang pag-iwas sa hustisya.
Patuloy nating tututukan ang takbo ng imbestigasyon upang matiyak na masusing matalakay at mabigyang linaw ang bawat aspeto ng kasong ito. Kailangang maisaalang-alang ang buong kwento ng katiwalian, malaman ang buong katotohanan nang walang halong pagtatakip, at matukoy ang lahat ng sangkot upang mabigyan ng karampatang aksyon at parusa ang anumang paglabag sa batas–mula sa ilegal na mga aktibidad kaugnay sa POGO tulad ng human trafficking, identity theft, money laundering, at kung ano pang ilegal na transaksyon.
Hindi natin dapat pahintulutan ang ganitong uri ng katiwalian sa ating bayan. Ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino–huwag natin hayaan na tayo pa ang maging biktima sa sarili nating bansa ng mga dayuhang ang hangad ay magsamantala at magdulot ng kapahamakan sa ating mamamayan at lipunan.