NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Sen. Robinhood “Robin” Padilla ngayong Martes sa dagdag na tulong at suporta na ipinangako ng Senado para sa trabaho ng Marawi Compensation Board (MCB) para sa 2025.
Ani Padilla, kailangan ng MCB ng dagdag na tauhan para hindi magkamali sa pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng paglaban para palayain ang Marawi sa armadong grupo noong 2017.
“Napakahalaga sa mga Muslim ang pag ganitong pera hindi namin pera ito, pera po ito ng taumbayan na ibinigay sa amin, sa kanila ang kapangyarihan ito po ay ipamahagi at bayaran ang mga nasalanta, tinamaan ng gyera,” aniya sa pagdinig para sa 2025 budget ng MCB.
“Kaya napakasarap pong marinig na nakasuporta ang committee na ito. Katunayan may mga, siguro ang luha na pumatak sa aming mga mata ay kasagutan sa aming mga panalangin,” dagdag niya.
Sa pagdinig ng Senado sa budget ng MCB, nangakong tumulong si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III at Finance Subcommittee Chairperson Sen. Risa Hontiveros na tiyaking makamit ng MCB ang karampatang suporta.
Giit ni Padilla, kinatatakutan ng MCB sa unang araw pa lang ng panunumpa ang magkamali sa trabaho nitong magbayad sa mga naapektuhan ng labanan – lalo na’t kulang sila sa tao.
Ang pangalawang kinatatakutan nila ay mapagbintangan lalo na sa usaping pera.
“Huwag nyo mamasamain ang salitang ito – jihad – ito ang jihad nila, ibig sabihin parte ng faith itong ginagawa nila,” aniya.
Nagpasalamat si MCB Chairperson Atty. Maisara Latiph sa mga senador sa kanilang pangakong tulong para sa ahensya.