26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

DFA magpapadala ng mga tagapagsalita sa mga mag-aaral ng Bulacan upang ipaunawa ang tungkol sa WPS

- Advertisement -
- Advertisement -

NABUO ang plano na mapataas ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa mga usapin sa West Philippine Sea (WPS) matapos magsagawa ng panayam ang Dangal ng Bulacan Foundation, Inc. (DBFI) kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Bilateral Relations and Asean Affairs Ma. Theresa Lazaro.

Detalyadong ipinaliwanag ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro (kaliwa) ang mga hakbang ng Pilipinas upang ipagtanggol ang karapatan sa teritoryo sa West Philippine Sea, sa ginanap na panayam ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng ahensiya na idinaos sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ayon kay Lazaro, makatwiran na hindi lamang maipaalam kundi mas mapaunawa kung anu-ano ang epekto ng nasabing usapin sa buhay ng karaniwang Pilipino sa aspeto ng pagkain, enerhiya, langis, kalikasan at iba pa.

Upang mangyari ito, magsasagawa angn DFA ng mga pagsasanay sa mga kasapi ng DBFI at iba pang kwalipikadong indibidwal upang magturo kung paano talakayin ang mga usapin sa WPS.

Ang mga makukuhang tagapagsalita ay ipapadala sa mga paaralan at makikipagpanayam sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng forum.

Sa nasabing forum ay tatalakayin din sa mga kabataan ang mga kongkretong hakbang ng pamahalaan hinggil sa pagtatanggol ng teritoryo ng bansa.

Samantala, sinabi naman ni  De La Salle University-Manila professor at Dangal ng Lipi 2019 awardee Antonio Ligon na mahaba at malalim ang usapin sa West Philippine Sea mula nang unang magpahayag ng pang-aangkin ang China simula taong 1947. Kaya’t makatwiran na detalyado itong maipaliwanag sa mga kabataan na dapat magmamana ng teritoryong ito.

Naniniwala si Lazaro na kapag naunawaan ng mga kabataan ang mga usapin, magkakaroon ito ng talab sa kakayahan nilang magdesisyon at tumulong na ipagtanggol ang WPS.

Sa isang banda naman, ang pagnanais ng mga karaniwang mamamayan na maipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas ay karagdagang inspirasyon sa mga nasa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Positibo naman ang Department of Education (DepEd) sa inisyatibong ito ng DFA at ng DBFI. (PIA Region 3-Bulacan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -