26.8 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Pinag-usapan namin paano kung nagpapatuloy ang pag-ibig

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin ng Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

NAGSIMULA nang magbago ang kulay ng mga dahon, at parang pagpasok larawan na ginto at kalawang ang pagmamaneho sa West Newton. Sa Detroit, lalong lumala ang strike ng mga manggagawa, at nagbatuhan ng bintang ang magkabilang panig na kulang sila sa komunikasyon. Malagim din ang mga balita sa telebisyon.

Sa isang ilang na lugar sa Kentucky, itinapon ng tatlong lalaki ang mga bahagi ng lapida sa isang tulay, at nabasag nila ang salamin ng isang dumaraang sasakyan at namatay ang iang dalagang nagbibiyahe lamang kasama ng mga magulang para dumalaw sa isang relihiyosong lugar. Sa California, malapit nang matapos ang paghuhukom kay O.J. Simpson, at parang ito na lamang ang tinututukan ng buong bansa. Kahit na sa mga paliparan, may mga nakasabit na TV sets na nakalipat sa istasyon ng CNN para makakuha ka ng pinakauling balita kay O.J. habang naglalakad ka sa gate bago makalipad.

Ilang beses ko nang sinubukang tawagan ang kapatid ko sa Espanya. Nag-iwan ako ng mga mensaheng nagsasabi na gusto ko talaga siyang makausap, na kamakaila’y marami akong iniisip tungkol sa aming dalawa. Ilang linggo matapos ito, nakatanggap ako ng isang maigsing mensahe na nagsasabing okay naman daw siya, at pasensiya na, ayaw talaga niyang pag-usapan ang kanyang sakit.

Para sa aking matandang propesor, hindi naman kami nag-uusap palagi tungkol sa kanyang sakit, pero ito mismo ang nagpapalubog na sa kanya. Mula nang huli kong pagbisita, may isang nars na nagpasok ng isang catheter sa kanyang ari, na kinukuha ang kanyang ihi sa pamamagitan ng isang tubo at papunta sa isang bag na nakaupo sa may paanan ng kanyang silya. Ang kanyang mga binti’y nangangailangan pa rin ng madalas na pag-aalaga (nakakaramdam pa rin siya, kahit hindi na niya maigalaw ang kanyang mga binti, isa sa mga malulupit at maliliit na ironiya ng ALS), at kapag ang kanyang mga paa’y hindi nakabitin ng tamang pulgada mula mga pad na gawa sa kama, ang pakiramdam niya’y tinutusok siya ng isang tinidor.


Sa gitna ng aming pag-uusap, sasabihan ni Morrie ang kausap na pakitaas ang kanyang paa at iurong ito ng isang pulgada, o kaya nama’y ayusin ang kanyang ulo para magkasya ito sa mga palad ng kanyang de-kulay na mga unan. Maiisip mo ba kung paano kapag hindi mo na maigalaw ang iyong sariling ulo?

Sa bawat pagdalaw, para bang natutunaw si Morrie sa kanyang silya, at ang mga buto sa kanyang likod ay nahuhulma na sa hugis nito. Pero kahit na ganito, tuwing umaga’y gusto pa rin ni Morrie na buhatin siya mula sa kanyang kama papunta sa kanyang silid aklatan, kasama ang kanyang mga libro at papeles at ang gumamela sa may pasemano ng binata.  Sa kanyang tipikal na paraan, nakakita siya ng pilosopikal dito.

“Masusuma total ko ito sa aking pinakabagong kasabihan,” ayon kay Morrie.

Pakinggan nga natin.

- Advertisement -

“Kapag nasa kama ka, patay ka na.”

Ngumiti siya. Si Morrie lang ang maaaring ngumiti sa isang bagay na tulad nito.

Nakakatanggap siyang muli ng mga tawag mula sa mga tao sa “Nightline” at maging kay Ted Koppel mismo.

“Gusto nilang pumunta at gumawa ng isa pang show kasama ako,” sabi niya. “Pero ang sabi nila’y gusto pa nilang maghintay.”

Hanggang saan? Kapag huling hininga mo na?

“Siguro. Pero hindi na naman malayong mangyari ‘yun.”

- Advertisement -

Huwag mong sabihin ‘yan.

“Pasensiya ka na.”

Hindi ko ‘yan gusto, ang paghihintay nila hanggang matuyo ka na.

Ngumiti siya. “Mitch, siguro’y ginagamit nila ako para sa isang drama. Okay lang ‘yan. Baka naman ginagamit ko rin sila. Tinutulungan nila akong maipaabot ang aking mensahe sa miyun-milyong mga tao. Hindi ko ito magagawa kung hindi dahil sa tulong nila, hindi ba? Kaya’t isa itong kompromiso.”

Umubo siya, at tumagal pa ito nang tumagal at nagtapos sa isang namumuo nang plema sa kusot na tisyu.

“Ang sabi ko sa kanila,” dagdag ni Morrie, “ay huwag nang maghintay pa nang masyadong matagal, dahil baka mawala na ang aking boses. Kapag ang sakit na ito’y tumama na sa aking baga, imposible na para sa akin ang magsalita. Ngayon nga lang ay hindi na ako makapagsalita nang matagal nang hindi nangangailangan ng pahinga. Hindi ko na pinayagan ang ilang tao na gusto pa akong makita. Mitch, masyado silang marami. Pero masyado na akong napapagod. Kapag hindi ko naman sila mabigyan ng sapat na atensyon, hindi ko rin sila matutulungan.”

Tumingin ako sa aking tape recorder, nakaramdam ng pagsisisi, na para bang ninanakaw ko pa ang kokonting oras na natitira pa sa kanya. “Huwag na lang kaya tayong mag-interbyu ngayon?” tanong ko. “Baka masyado kang mapagod.”

Ipinikit ni Morrie ang kanyang mga mata at umiling. Parang may pinadaraan siyang isang sakit sa kanyang katawan. “Hindi,” sabi niya sa wakas, “kailangan nating magpatuloy.”

“Ito na ang huling tesis natin, hindi ba?”

Ang huli nating tesis.

“Gusto nating makuha ito nang tama.”

Naisip ko ang unang klase na magkasama kami, sa kolehiyo. Siyempre, ideya ito ni Morrie. Sinabi niyang mahusay akong estudyante at kaya kong sumulat ng isang honors project—isang bagay na hindi ko man lang inisip.

Ngayon ay narito kami muli, sabay na gumagawa ng isang bagay. Nagsimula sa isang ideya. Ang isang nag-aagaw-buhay na lalaki’y kinausap ang isang buhay na lalaki, sinabi rito ang mga dapat niyang malaman. Pero ngayon, hindi na ako tulad ng dati, na nagmamadaling matapos na agad ang aming proyekto.

“May nagtanong kahapon sa akin,” sabi ni Morrie ngayon, nakatingin sa likod ng aking balikat, sa mga nakasabit sa kanilang pader. May isang quilt ng mga mensaheng puno ng pag-asa na ginawa ng mga kaibigan para sa kanyang ika-pitumpong kaarawan. Ang bawat bahagi ng quilt ay may iba’t ibang mga mensahe: HUWAG KANG PAPALYA, DARATING PA ANG MAGANDA, MORRIE—LAGING NUMERO UNO, BASTA KALUSUGAN NG ISIP!

Ano ang tanong? sabi ko.

“Kung nag-aalala raw ba ako na baka ako makalimutan kapag patay na ako?”

Well? Ano ang isinagot mo?

“Sa palagay ko’y hindi. Marami nang mga taong nakasama ko na malapit sa akin. At nabubuhay ka lamang dahil sa pag-ibig ng mga nakilala mo, kahit wala ka na.”

Parang mga linya sa isang kanta—“nabubuhay ka lamang dahil sa pag-ibig.”

Tumawa si Morrie. “Siguro nga. Pero, Mitch, itong ginagawa nating pag-uusap? Hindi mo ba naririnig ang boses ko minsan kapag pauwi ka na sa iyong bahay? Kapag mag-isa ka na?O kaya nama’y nakasakay na sa eroplano? O nasa loob na ng iyong kotse?”

Oo, inamin ko.

“Kung ganoon, hindi mo na ako malilimutan kapat wala na ako. Isipin mo lang ang boses ko at nariyan na ako.”

Isipin mo lamang ang boses ko.

“At kung gusto mong umiyak ng konti, okay lang ‘yan.”

Morrie. Gusto na niya akong paiyakin kahit na unang taon ko pa lamang sa kolehiyo. “Isang araw ay magagawa ko rin ito,” sabi niya.

Oo, oo, ang aking sagot.

*

“Alam ko na kung ano ang ilalagay ko sa aking lapida,” sabi niya.

Ayaw kong makarinig ng tungkol sa mga lapida.

“Bakit? Ninenerbiyos ka ba?”

Nagkibit-balikat lamang ako.

“Kalimutan na lang natin ito.”

Hindi, sige, Ano na ang napag-desisyunan mo?

Pinatunog ni Morrie ang kanyang mga labi. “Iniisip ko ito: Isang Guro Hanggang sa Dulo.”

Naghintay siya habang pinag-iisipan ko ito.

Isang Guro Hanggang sa Dulo.

“Maganda ba?” sabi niya.

Oo, sagot ko. Magandang-maganda.

 

*

 

Ikinatuwa ko ang parang pagliliwanag ng mukha ni Morrie kapag pumapasok na ako sa kanyang kuwarto.  Ginagawa niya ito para sa maraming mga tao. Alam ko naman ito, pero ang espesyal na talento ni Morrie ay ang ipadama sa bawat bisita niya na para sa kanya lamang ang ngiting iyon.

“Ahhhhh. Andyan na ang aking kaibigan,” agad niyang sinasabi kapag nakita na niya ako, sa kanyang mausok at matinis na boses. At hindi siya huminto sa kanyang pagbati. Kapag kasama mo si Morrie, talagang kasama mo siya. Titingin siya ng diretso sa iyong mga mata, at makikinig siya na parang ikaw lang ang tao sa mundo. Hndi kaya magiging mas matino ang pakikisalamuha ng mga tao sa isa’t isa kung ganito ang una nilang makaka-enkuwentro sa bawat araw—sa halip na isang reklamo mula sa isang waitress o drayber ng bus o ang iyong boss mismo?

“Naniniwala ako na dapat ay kumpletong naroroon ako,” sabi ni Morrie. “Ang ibig sabihin niya’y dapat talagang kasama mo ang taong kasama mo. Kapag kinakausap kita, Mitch, sinusubukan kung tutukan lamang kung ano ang nangyayari sa ating dalawa. Hindi ko iniisip ang pinag-usapan natin noong nakaraang linggo. Hindi ko iniisip ang mangyayari sa darating na Biyernes. Hindi ko iniisip ang paggawa ng isa pang show para kay Koppel, o kung ano ang mga gamot na iniinom ko ngayon.

“Ikaw ang kinakausap ko. Ikaw ang iniisip ko.”

Naalala ko kung paano niya itinuturo ang ideyang ito sa aming klase sa Group Process noon sa Brandeis. Hindi ko ito binigyan ng halaga noon, dahil iniisip ko na hindi ito isang lesson plan para sa isang kurso sa pamantasan. Ang matutong makinig sa kinakausap? Gaano ba kahalaga ang bagay na ito? Ngayo’y alam ko nang mas mahalaga ito kaysa sa halos lahat ng mga itinuro sa amin sa kolehiyo.

Inabot ni Morrie ang aking kamay, at tinamaan ako ng pagsisisi. Heto ang isang tao na, kung gugustuhin lang niya, ay puwede namang maawa na lang sa kanyang sarili, dinarama ang kanyang nabubulok na katawan, binibilang ang kanyang mga hininga. Mas maraming tao na may mas maliliit na problema ang sobrang nakatutok lamang sa kanilang mga sarili, ang mga mata nila’y magdidilim kapag nagsalita ka ng lagpas sa tatlumpong segundo. Mayroon na silang mga iniisip—isang kaibigan na kailangang tawagan, isang mensahe sa fax na kailangang ipadala, isang taong kanilang pinagpapantasyahan. Ibabalik lang nila ang kanilang atensyon sa iyo kapag tapos ka nang magsalita, at sa puntong ito’y sasabihin nilang “Uh-huh”o kaya nama’y  “Talaga ba?” at magkukunwaring babalik sa inyong pinag-uusapan.

“Ang bahagi ng problema, Mitch, ay ang pagmamadali ng lahat ng mga tao,” sabi ni Morrie. “Hindi pa nakikita ng mga tao ang mahalaga sa kanilang mga buhay, kaya takbo sila nang takbo buong buhay nila para mahanap nila ito. Iniisip nila ang susunod nilang kotse, ang susunod na bahay, ang susunod na trabaho. At pagkatapos ay madidiskubre nilang wala rin palang ibig sabihin ang mga bagay na ito, at magpapatuloy sila sa pagtakbo.”

Kapag nagsimula ka nang tumakbo, sabi ko, mahirap nang pabagalin pa ang iyong sarili.

“Hindi naman mahirap,” sabi niya, umiiling. “Alam mo ba ang ginagawa ko? Kapag may gustong mauna sa akin sa traffic—noong nakakapagmaneho pa ako—itinataas ko ang aking kamay—“

Sinubukan niyang gawin ito ngayon, pero mahina lang niyang naitaas ang kanyang kamay, anim na pulgada lamang.

“. . . Itataas ko ang aking kamay, na para bang gagawa ako ng isang aksyon na negatibo, at kakaway ako at ngingiti. Sa halip na bigyan sila ng aking daliri, hinahayaan ko na lang sila at ngumingiti pa ako.

“Alam mo ba? Ang karamihan sa kanila’y ngumingiti rin.

“Ang katotohanan ay, hindi ko naman talaga kailangang magmadali sa pagmamaneho ng aking kotse. Mas gugustuhin ko pang ibigay ang aking enerhiya sa mga tao.”

Nagawa niya ito nang mas mahusay kaysa sa sinumang tao na nakilala ko. Ang mga kausap niya’y nakita kung paano nabasa ang kanyang mga mata kapag may sinabi silang masamang nangyari sa kanila, o lumiit sa tuwa kapag may sinabi silang birong hindi naman nakakatawa. Lagi siyang handang ipakita ang kanyang emosyon, isang ugaling wala sa amin na kasama sa henerasyong baby boomer. Magaling lang kami sa mabababaw na usapan: “Ano ang ginagawa mo?” “Saan ka nakatira?” Pero ang totoong makinig sa ibang tao—na wala ka namang bagay na ibinebenta, o hindi mo nama sila pini-pick up, isinasama sa isang grupo, ang magkaroon ng magandang imahen na kapalit nito—gaano natin kadalas makita ang ganitong gawa? Naniniwala ako na ang karamihan sa mga bisita ni Morrie sa mga huling buwan ng kanyang buhay ay nagpunta roon hindi dahil sa atensyon na ibibigay nila kay Morrie, kung hindi dahil sa atensyon na ibibigay niya sa kanila.

Sinabi  ko sa kanya na gusto ng mga kakilala niya na siya na lang sana ang naging tatay nila.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nagsalita, “May konti akong karanasan sa larangan na ‘yan. . .

 

*

 

Huling nakita ni Morrie ang kanyang sariling tatay sa morge ng kanilang lungsod. Si Charlie Schwartz ay isang tahimik na lalaking mahilig magbasa ng kanyang dyaryo, nag-iisa, sa ilalim ng mga posteng ilaw sa Tremont Avenue sa Bronx. Tuwing gabi, noong maliit pa si Morrie, naglalakad si Charlie matapos maghapunan. Isa siyang maliit na Ruso, mapula ang balat at abuhin ang makapal na buhok. Si Morrie at ang kapatid niyang si Daniel ay titingin sa labas ng bintana at makikita nila siyang nakasandal sa posteng may ilaw, at hiniling ni Morrie na sana’y pumasok ito at kausapin sila, pero madalang niya itong ginawa. Hindi rin sila nito tiningnan bago matulog, o hinalikan man lang sa gabi.

Lagi na lang ipinangako ni Morrie sa kanyang sarili na gagawin niya ang mga bagay na ito sa kanyang mga anak, kung magkakaroon man siya ng mga anak. At nang dumating nga ang kanyang mga anak matapos ang ilang taon, ginawa nga niya ang mga ito.

Samantala, habang pinalalaki ni Morrie ang sariling mga anak, si Charlie nama’y nakatira pa rin sa Bronx. Naglalakad pa rin siya pagkatapos ng hapunan. Nagbabasa pa rin siya ng dyaryo. Isang gabi, lumabas siya matapos maghapunan. Hinarangan siya ng dalawang magnanakaw ilang bloke mula sa kanyang bahay.

“Ibigay mo sa amin ang pera mo,” ang sabi ng isa, sabay bunot ng baril.

Takot na itinapon ni Charlie ang kanyang wallet at nagsimula itong tumakbo. Tumakbo siya sa mga kalye, at nagpatuloy lang siya sa pagtakbo hanggang makarating sa hagdanan ng bahay ng isang kamag-anak, kung saan siya hinimatay sa balkonahe.

Atake sa puso.

Namatay siya ng gabing iyon.

Ipinatawag si Morrie para kilalanin ang bangkay. Lumipad siya papuntang New York at dumiretso na siya sa morge. Dinala sila sa ibaba, sa isang malamig na kuwarto kung saan nakalagak ang mga bangkay.

“Ito ba ang tatay mo?” tanong ng attendant.

Tiningnan ni Morrie ang katawan sa likod ng salamin, ang katawan ng lalaking pinagalitan siya at inihulma siya at tinuruan siyang magtrabaho, na tahimik lamang kahit na gusto sana ni Morrie na ito’y magsalita, na nag-utos kay Morrie na burahin na lang nito ang mga alaala ng kanyang nanay kahit na gusto niyang ibahagi ang mga alaala nito sa mundo.

Tumango siya at lumakad palayo. Ang nakapanghihilakbot na kuwarto, sinabi niya pagkaraan, ay sumipsip sa lahat ng mga bagay na puwede pa sana niyang gawin. Nakaiyak lang siya makaraan ang ilang araw.

Pero kahit anupaman, ang kamatayan ng kanyang tatay ay naghanda kay Morrie para sa sarili niyang kamatayan.  Ito lamang ang alam niya: magkakaroon ng maraming hawakan ng kamay at pag-uusap at tawanan at walang paalam na hindi sasabihin, lahat ng mga bagay na hindi niya naranasan sa kanyang tatay at nanay.

Nang dumating ang kanyang huling sandali, gusto ni Morrie na napaliligiran siya ng kanyang mga mahal sa buhay, alam ang lahat ng mga nangyayari. Walang makatatanggap ng tawag sa telepono, o isang telegram, o sasabihang tumingin sa isang bintanang salamin sa isang kuwarto na estranghero at malamig.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -