NAGKAROON ng magkahiwalay na pagdinig sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng koneksyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pampanga at Tarlac kay dating Bamban Mayor Alice Guo.
Nitong nakaraang Myerkules, Agosto 28, 2024, sinimulan ng quad committee ng Mababang Kapulungan ang pagkwestyon sa ilang tao na nasangkot sa mga korporasyong may kinalaman sa mga POGO hubs na iniimbestigahan, kasama na rito si Katherine Cassandra Ong, isa sa mga ipinadeport mula Indonesia pabalik ng Pilipinas.
Sa simula sinabi ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang mga kondisyon kung saan lang nya maaaring magamit ang “right to self-incrimination.”
Muntik na ma-contempt
Sa umpisa, ayaw ni Ong magbigay ng testimonya at piniling manahimik sa simula ng pagdinig.
Ayon kay Kongresista Luistro hindi katanggap-tanggap na hindi magsalita ang resource speaker at gamiting palusot ang right against self-incrimination.
Kalaunan, nagsalita na si Ong upang hindi na siya masampahan ng “contempt” dahil sa hindi nya pagsagot.
Binalaan syang makukulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City habang nagkakaroon ng pagdinig ang quad committee.
Kabilang sa dumalo sa pagdinig at nagbigay ng testimonya ay sina Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) Assistant Vice President Atty. Jessa Mariz Fernandez, ang sekretarya ni Ong na si Ronalyn Baterna, dating katrabaho na si Stephanie Mascareñas at si Alberto Rodolfo De la Serna, na pawang nagsabing kilala nila si Ong.
Sino si Ong sa kompanya?
Sa pagkakaalam ni Mascarenas, pareho lang silang ordinaryong empleyado ni Ong sa umpisa pero naging translator siya ng kanilang boss na isang Chinese, isang Mr. Wu.
Sabi ni Ong, kaya nyang magsalita ng Fukkien at Mandarin at medyo nakakabasa at nakakasulat din siya ng konti ng mga wikang ito.
Kalaunan, bago siya tuluyang tanggalin sa trabaho, sabi ni Mascarenas, hinawakan na ni Ong ang aplikasyon ng Lucky South 99 at Whirlwind Corp. pati ang pakikipagpulong sa mahahalagang tao at mga Chinese manager sa kompanya.
Ayon naman kay Baterna, siya ang tagapirma ng chekeng nasa kanyang pangalan na ginagamit ni Ong. Inuutusan, umano, siya ni Ong na pumirma ng mga cheke at sinasabi ang halaga at kung ilang piraso, pagkatapos, bahala na si Ong kung saan niya gagamitin ang mga ito.
Ayon naman kay Atty. Fernandez bumisita si Ong sa kanilang opisina sa Pagcor kasama si Atty. Harry Roque noong 2023 upang magbayad ng mga bayarin ng Lucky South 99.
Si Ong din ang nagpahintulot na makatira si Dela Serna ng libre sa compound ng Lucky South 99 sa Porac habang nag-aaral syang maging piloto sa isang aviation school malapit dito.
Inalok ng closed-door session
Inalok si Ong ng komite ng isang executive o closed-door session sa pangunguna ni Cong. Dan Fernandez upang isiwalat nya ang lahat ng kanyang nalalaman sa POGO operations sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Cong. Fernandez, maaari syang mabigyan ng immunity at hindi ibubunyag ng Kongreso kung ano man ang sabihin nya sa executive session.
Sinagot ito ni Ong na pinag-iisian pa niya ito.
Direchahang sinabi ni Cong. Fernandez na nakapanghihinayang na makukulong siya nang walang pyansa sa batang edad niya. Edad 24 si Ong.
Ayon naman kay Cong. Luistro, naniniwala siya na “tip of the berg” lamang si Ong.
Pinayagan rin ng quad committee na dumalo sa pagdinig sa Senado si Ong na gaganapin sa Setyembre 2.
Tagapirma din si Dela Serna
Bukod kay Ong, naging mahaba rin ang pagtatanong kay Dela Serna na dating social media manager ni dating spokesman Atty Harry Roque at isa sa mga incorporators ng Biancham Holdings and Trading Inc.
Makailang ulit siyang natanong kung gaano siya kalapit kay Roque at gaano siya ka-espesyal para sa maikling panahon ng pagkakakilala nila ay gawin na siyang shareholder ng Biancham.
Ayon kay Dela Serna, nakilala niya si Roque sa inagurasyon ng covered court sa barangay kung saan kapitan ang kaniyang ina. Pagkaraan, naging social media manager siya ni Roque bago nagkapwesto bilang Executive Assistant to the Office of the Presidential Spokesman.
Si Atty. Percival Ortega, aniya, ang nagpapirma sa kaniya ng mga dokumento para makumpleto na ang incorporation papers ng naturang kompanya.
Ang Biancham ang itinuturong nagmamay-ari ng PH2 Corp. na nagmamay-ari sa isang bahay sa Tuba, Benguet na ni-raid ng mga awtoridad dahil ginamit umano ito ng mga dayuhang na-link sa ilegal na Pogo.
Ayon kay Dela Serna, pumirma na siya ng papeles na naglilipat ng kaniyang share kay Mylah Roque.
Si Mylah Roque ang maybahay ni Atty. Harry Roque.
Senado, inaalam ang detalye ng pagtakas
Samantala, sa pagdinig sa Senado nitong Agosto 27, humarap si Shiela Guo na kasamang nadakip ni Ong sa Indonesia.
Dinirinig ng Senado ang umano’y ilegal na aktibidad ng mga POGO hub sa Pampanga at Tarlac.
Tinanong si Shiela Guo ni Senador Joel Villanueva kung paano sila nakarating ng Indonesia. Sinabi niyang mula sa kanilang farm, nagbyahe sila ng limang oras sakay ng van.
Hindi niya tinukoy kung ano ang mga eksaktong lugar, halimbawa kung saang pantalan sila dinala ng van bago sila unang sumakay ng bangka. Hindi, aniya, nya alam.
Matapos ang pagsakay sa van, sumakay sila ng isang maliit na bangka, tapos malaking barko at isa uling maliit na bangka bago nakarating sa Siam Pen ayon kay Shiela dahil ito umano ang sabi ni Wesley Guo.
Maaaring isla ng Sipadan ang tinutukoy ni Shiela, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Mula naman sa Malaysia, sinabi ni Shiela na unang pagkakataon niyang nakita ng personal si Ong at sama-sama silang apat kasama si Wesley Guo at Alice Guo, na pumunta sa Singapore sakay ng eroplano.
Nang nasa Singapore na, naunang umalis si Wesley dahil naiinip na umano ito, at sumunod na lamang silang tatlo sa Indonesia. Pasakay na sila ng ferry pabalik sana ng Singapore nang hulihin sila ng immigration ng Indonesia at ipadeport sa Pilipinas.
Panibagong kaso ng identity theft?
Ipinakita sa pagdinig sa Senado ang isang NBI clearance ng isang babaeng nagngangalang Shiela Leal Guo ngunit hindi si Shiela na kinukwestyon sa Senado ang nasa larawan nito
Nagpahayag ng pagdududa si Senadora Risa Hontiveros sa identitad ng Shiela Guo na humarap sa Senado, na aniya, lalo pang lumalalim ang misteryo sa imbestigasyon habang tumatagal.
Inamin ni Shiela sa pagdinig, na base sa ibinigay na Philippine passport ng kaniyang “daddy,” si Amelia Leal ang kanyang ina ngunit inamin nyang nasa China ang kaniyang tunay na ina.
Idinagdag rin niyang hindi niya totoong ama ang tinatawag nilang daddy ni Alice Guo, bagama’t ito umano ang nagrequest sa kaniya na pumunta ng Pilipinas upang tumulong sa kaniyang negosyo may dalawang dekada na ang nakararaan.
‘Hindi ko alam’
Sa maraming pagkakataon, sumagot si Shiela ng “hindi ko alam.”
Ipinaliwanag ni Senador Villanueva na maaari siyang makasuhan ng perjury at ipinaliwanag niyang kahit hindi nya alam, maaari pa rin syang maparusahan.
Hindi rin niya inamin kung sino ang tunay na nagmamando ng operasyon ng mga POGO sa Bamban.
Gaya ni Alice, “simple” lang umano ang kaniyang buhay. “Embroidery lang po.”
Pinanindigan din niyang wala siyang alam sa P200 milyong ibinayad para sa pagtakas at pagligtas sa nga totoong Guo.
Madaming butas
Sa panayam kay Senador Win Gatchalian sa Kapihan sa Senado, sinabi nitong napakaraming butas sa kwento ni Shiela Guo.
Una, bakit sabi ni Shiela hindi sya nagtatanong bakit sila aalis at saan sila pupunta. Pangalawa, hindi rin totoong first time sila nagkita ni Ong sa Malaysia pero maraming beses na pala silang nagkasama sa mga byahe at kasama pa, umano ang mastermind ng POGO sa Porac na si Dwarren Yu, ayon kay Gatchalian.
At sa sinabi ni Shiela na wala siyang kinalaman sa negosyo, ayon kay Gatchalian, corporate secretary si Shiela base sa mga nakita nilang corporate papers.
“Pumirma siya ilang beses. Pumirma rin siya sa audited financial statements bilang treasurer and CFO. In fact, over the span of 9 to 10 years, 90 plus times, 93 times siya pumirma sa iba’t ibang dokumento. So ibig sabihin, sa documents alone, sentro siya sa aktibidad ng Guo-family. Sentro siya sa negosyo, sentro siya sa mga financial transactions nila,” ayon kay Gatchalian.