31 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Filipino bilang wikang mapagpalaya at sagisag ng pagiging isang Pilipino

- Advertisement -
- Advertisement -

NANANATILI bilang isa sa pinakamahalagang instrumento ng bansa ang wikang Filipino upang maipadama at makamit ang kalayaan.

Ang halaga ng wikang Filipino sa pagkamit ng kalayaan ay matagal ng napatunayan noon pa mang panahon ng kolonisasyon, kung saan ipinabatid ng ilang mga bayaning manunulat ang kanilang saloobin at paglaban sa pamamagitan ng wika tulad na lamang nina Dr. Jose P. Rizal, Francisco Balagtas, Herminigildo Flores, Marcelo H. del Pilar at iba pa.

Ayon kay Arthur Casanova, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, hindi maikakaila ang ambag ng wika para sa pagkaka-buklod buklod ng bansa para sa iisang mithiin.

“Ang atin pong tema na Filipino: Wikang Mapagpalaya ay malawak po ang sakop at tulad ng nabanggit ko, isang mahalagang instrumento ang wika partikular na ang wikang pambansang Filipino na atin pong ipinagdiriwang na sana po ay hindi lamang rin ipinagdiriwang tuwing Agosto kung hindi araw-araw sapagkat ito po ay identidad natin bilang mga Pilipino.”

Sa makabagong panahon, naniniwala si Casanova na tulad ng pagnanasa ng bawat Pilipino noon na makamit ang kalayaan ay malaya rin ang wikang pambansang Filipino na magbago sapagkat ito ay dinamiko at ang pagsusulong ng wika ay hindi mapipigilan, patuloy na magbabago at mapagyayaman.

Bilang sagisag ng pagiging isang Pilipino, maraming konsepto ng kalayaan na maaaring maiparating sa pamamagitan ng wika na ginagamit natin sa araw-araw sa maraming paraan tulad ng pakikipagtalastasan, komunikasyon, pagpapaliwanag, pagsasalaysay, paglalarawan at iba pa.

“Ang paggamit po ng wikang Filipino ay tunay pong mabisa sapagkat yon po ang ating wikang sarili, wikang higit natin nauunawaan, kaya’t isinusulong po ng Komisyon sa Wikang Filipino ang patuloy pang paggamit ng ating wikang Pambansa, mahalin po natin ang ating wikang Pambansang Filipino. Ito po ay simbolo o sagisag ng ating pagka-Pilipino.”

Sa temang Filipino: Wikang Mapagpalaya, layunin ng KWF na maipabatid sa publiko ang kapakinabangan at katangian ng wika bilang “mapagpalaya” na ating ginagamit sa pagpapahayag ng damdamin at saloobin upang higit na magkaunawaan.

“Ang bawat isa sa ating bansa na may iba’t ibang katutubong wika at ang wikang Pambansang Filipino ay nagsisilbi pong tulay o instrumento upang tayo ay magkaintindihan at kapag tayo ay nagkakaintindihan, ito po ay magsusulong ng pagkakaunawaan at pagkakaisa nang sa gayon ay magkaroon po tayo ng pagbabago at kaunlaran sa ating bansa, sa ating lipunan.”

Sa buong buwan ng Agosto, nagkaroon ng demonstrasyon, mga pagsasanay, at pagtitipong inorganisa ang KWF na may iba’t ibang tema at kalahok mula sa piling sektor ng lipunan upang bigyan pa ng mas malalim na kahulugan, kaalaman, at importansya ang ating sariling wika hanggang sa mga susunod pang henerasyon. (CO/PIA-4A)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -