PARA palakasin ang kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa international maritime disputes, partikular sa mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea, iginiit ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na panahon nang bumuo ng isang ‘specialized unit’ ng mga abogado ng pamahalaan na hahawak sa mga kasong may kinalaman sa admiralty at maritime laws.
Ito ang binigyang-diin ni Tolentino sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng Department of Justice (DoJ) nitong Miyerkules (Agosto 28).
Tinanong ni Tolentino, pinuno ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, si Solicitor General Menardo Guevarra hinggil sa status ng specialized unit, na taun-taong binabanggit ng senador sa budget deliberations ng ahensya mula pa noong 2022.
“Dalawang taon ko na itong ipinapanawagan sa Office of the Solicitor General (OSG), at halos magmakaawa na nga ako para matugunan natin ang mga kasong nakaugnay sa maritime claims, ship collision at allision, maritime insurance, oil spills… at harassment at bullying sa loob ng ating Exclusive Economic Zone. Naisagawa na po ba ito?” tanong ni Tolentino kay Guevarra.
Dagdag pa ng senador na sa pagkakaalam nya ay nagbabayad pa ang OSG ng mga banyagang abogado para sa mga kasong ito: “Kung ang gagawin naman pala natin ay kukuha tayo ng admiralty lawyer sa bawat kaso ng harassment, hindi ba’t mas mabuti kung bubuo na lang tayo ng isang special admiralty unit sa loob ng OSG?”
Umayon si Guevarra sa obserbasyon ng senador ukol sa pagkuha ng mga banyagang abogado. “Batid namin na malaki ang nagagastos na pondo sa mga banyagang abogado para tumulong sa international litigation at arbitration.”
Para tugunan ito, pinaliwanag ni Guevarra na sumasailalim sa pagsasanay ang mga abogado ng OSG na tumutulong sa iba’t ibang task forces ng gobyerno sa mga isyung may kinalaman sa international law, gaya ng West Philippine Sea at International Criminal Court.
Kinilala ni Tolentino ang mga hakbang ng OSG ngunit binigyang-diin pa rin nito ang kahalagahan ng isang permanenteng grupo na binubuo ng mahuhusay na abogado.