KINAKLARO ng DILG na tuloy pa rin ang paghahanap kay Apollo Quiboloy sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
Malinaw na hindi pinatitigil ng Temporary Protection Order (TPO) ng Davao City Regional Trial Court Branch 15 ang pagsisilbi ng warrant of arrest. Hindi rin nito pinapaalis ang mga pulis mula sa KOJC compound.
Ang nakasaad lamang sa TPO ay: “immediately cease and desist from any act or omission that threatens the life, liberty, or security as well as the properties of the petitioners.” Dagdag pa rito, inatasan din ng TPO ang PNP PRO XI na “remove all forms of barricades, barriers or blockades that bar the access to and from the subject compound and hinder petitioners’ religious, academic and propriety rights and the pursuit thereof by its officers and members within and surrounding the premises.”
Kaugnay nito, hihingi kami sa korte ng paglilinaw sa Order na ito dahil ang mga operasyon ng pulisya at mga barikada ay alinsunod din sa arrest warrants na utos din ng korte. Hindi naman ito nagdudulot ng banta sa buhay, kalayaan, o seguridad ng mga miyembro ng KOJC.
Gayunpaman, ipagpapatuloy ng PNP ang kanilang tungkulin na isilbi ang mga warrant of arrest laban kay Apollo Quiboloy, na may angkop na paggalang sa karapatang pantao at sa legal na proseso.
Tiyakin nating mananatiling manaig ang katarungan at ang batas.