PINURI ni Department of Agriculture Undersecretary for High Value Crops Development Program Cherry Marie Natividad-Caballero ang mga lokal na pamahalaan at mga magsasaka sa lalawigan ng Nueva Vizcaya dahil sa kanilang pagtutulungan sa pagtataguyod ng mga programa upang maiangat ang estado ng agrikultura sa lalawigan.
Bumisita sa lalawigan kamakailan si Caballero upang inspeksiyunin ang ginagawang Onion Cold Storage facility sa bayan ng Dupax Del Sur.
Nagtungo rin si Caballero sa bayan ng Aritao para tingnan naman ang isa pang Cold Storage facility na pinondohan ng tanggapan para sa mga onion farmers.
Tiningnan din nito ang processing facility ng ‘packed’ gulay products sa nasabi ring bayan at nakipag-talakayan sa mga opisyal at miyembro ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal sa bayan naman ng Bambang.
“Dahil sa pagtutulungan at dedikasyon ng ating mga lokal na opisyal at farmer cooperatives, nailalapit ang kanilang mga produkto sa iba’t-ibang mamimili sa bansa,” pahayag ni Caballero. (OTB/BME/ PIA Nueva Vizcaya)