27.4 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Ang makukulay na aklat ni Rene O. Villanueva

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawa sa serye tungkol sa manunulat na si Rene O. Villanueva

MARAMI ang nakatatanda sa namayapang manunulat na si Rene O. Villanueva bilang awtor ng ‘Ang Unang Baboy sa Langit.’ Pero bago pa nailathala ang kuwentong pambatang ito, nakapaglathala na si Rene ng ilang aklat pambata sa Adarna House. Ikinuwento niya na noong 1977 ay tinipon sila ni G. Virgilio S. Almario (na noo’y bahagi pa ng Nutrition Council of the Philippines at ngayo’y isa ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan) sa isang isinagawang writing workshop sa Lake Caliraya, Laguna upang lumikha ng mga kuwentong pambata na ilalathala ng naturang ahensiya.

Dito sa naturang workshop nasulat ni Rene ang kanyang unang aklat pambata na ‘Si Emang Engkantada at ang Tatlong Haragan’ na hanggang ngayon ay inilalathala pa rin ng Adarna House. Kuwento nga ni G. Almario, sobrang kinulit daw siya ni Rene na maipabasa sa kanya ang kuwentong ito at talagang nais nitong makuha agad ang kanyang komento o palagay sa nasulat na kuwento. Nagpakita na agad ng sigasig si Rene na seryosohin ang pagsusulat para sa mga bata.  Ito na pala ang pasimula nang pagbababad ni Rene sa daigdig ng kuwentong pambata bagama’t nagsimula muna siya bilang isang mandudula (playwright).

Natatandaan ko pang sinabi sa akin ni Rene na kung may maituturing siyang literary father, ito ay walang iba kundi si G. Virgilio S. Almario, ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, na isa ring haligi ng panitikang pambata sa bansa at tagapagtatag ng kauna-unahang publishing house na naglalathala ng aklat pambata – ang Adarna House. Sa gabay ni G. Almario ay lalong napaghusay ni ROV ang kaniyang sensibilidad sa mga sulating pambata at makabata. Hindi nakapagtatakang marami ring aklat na nalathala si Rene sa Adarna House, kabilang na rito ang Pik Pak Bum, Si Nemo ang Batang Papel, Ang Pambihirang Buhok ni Lola, Dalawang Bayani, at iba pa.

Pagkatapos ng kanyang karera sa popular na TV show na Batibot, kinuha siyang editor ni Reni Roxas ng Tahanan Books. Pinamahalaan niya roon ang produksiyon ng mga aklat pambata. Doon ko na rin naging editor si Rene nang magkaroon ng special project ang Tahanan Books in partnership with UNICEF Manila. Maglalabas noon ang UNICEF ng sampung aklat – ang ‘Children First’ Storybook Series, kung saan ako’y nahilingan niyang sumulat ng dalawang aklat sa seryeng ito. Dito ko nasulat ang ‘May Gumagapang sa Ulo ni Tina’ (tungkol sa kuto) at ang ‘Si Miyawsi Kasi’ (na tungkol naman sa domestic violence). Ito kasi ang tuong paksa na hiniling ng UNICEF.


Noon ko lalong nakita si Rene dahil nakatrabaho ko siya nang malapitan. Hindi ko malilimutan ang kanyang naging payo sa akin nang sinabi kong uncomfortable ako sa pagsulat ng kuwento na naka-assign sa akin — ang domestic violence. Sabi niya, “subukan mong huwag nang gumamit ng karakter na tao. Gawin mo na lang na mga hayop (animals) ang mga characters. Hindi masyadong masakit ‘pag animals ang ginawa mong karakter.”

Salamat sa kanyang gabay. Doon ko naisulat ang kuwento ng isang bagong panganak na pusa na naging mapagpabaya sa mga pangangailangan ng kanyang mga kuting. Sa kuwento, ipinakita ko na palaging iniiwan ng inahing pusa ang kaaanak na mga kuting. Hindi man lang makadede nang sapat na gatas ang mga ito dahil sa gala nang gala ang inahing pusa. Ang mga kuting pa naman, kapag kaaanak pa lang, ay hindi pa naididilat ang mata. Sa kuwento kong ito, itinampok ko na ang pagpapabaya o ‘neglect’ ay maituturing na mas matinding anyo ng karahasan.

Nais ko ring ibahagi sa inyo ang ilang aspekto ng pagkatao ni Rene na sinulat ko para sa blurb ng isang aklat tungkol kay Rene – ang aklat na BATA, HIWAGA, BANSA (na pinamatnugutan nina Dr. Eugene Evasco at Dr. Cheeno Sayuno) na inilathala ng UP Press. Sa naturang blurb ay binanggit ko na ‘isa siyang  magandang regalo sa mga bata.’  At bakit hindi ko sasabihin ‘yun gayong nag-alay siya sa bata at bayan ng maririkit na kuwentong pambata na nagtatampok sa galing, talino, at kakayahan ng batang Pilipino. Hitik sa danas, drama, at hiwaga ang buhay ni ROV kaya makulay ang kaniyang naging panulat. Masisilip natin ito sa mga rebyu at pagtalakay na ginawa ng iba’t ibang manunulat sa aklat na ‘Bata, Hiwaga, Bansa.’

Nang minsang maging panauhin ko si ROV sa aking programang pang-storytelling sa radio – ang “Wan Dey Isang Araw” na iniere dati ng DZAS tuwing Sabado ng umaga – at may binasa kaming isang mapangahas niyang kuwento, biniro ko siya na ‘lagot ka kapag pinag-aralan ng susunod na henerasyon ang iyong mga akda!” Humagalpak siya ng tawa. Iyong klase ng halakhak na para bang nakaisa! Ang kuwentong binabanggit ko ay bahagi ng kanyang aklat na tumalakay sa pasko: Ang ‘12 Kuwentong Pamasko,’ na inilathala ng Tahanan Books at nilagyan ng mga ilustrasyon ni May Tobias-Papa.  

- Advertisement -

Pinamagatang ‘Segunda-manong Fruitcake,” ito ay tungkol kay Fruity, isang ‘shala’ (o sosyalin) na fruitcake na ang pakiwari sa sarili’y siya ang pinakaespesyal na handa sa Noche Buena, ang ‘Reyna ng mga Pagkaing Pamasko.’ Pero ang nangyari, siya ang hindi kinain ng mga bata dahil di nila nagustuhan ang lasa ng nakahalong alak sa fruitcake. Dahil dito, si Fruity ang nag-iisang naiwang handa sa loob ng refrigerator. Siya rin ang regalong pinagpasa-pasahan sa mga Christmas party at exchange gifts hanggang sa maiuwi sa bahay ng taong nakakuha. Sa dakong dulo ng kuwento, naging pulutan si Fruity ng grupo ng magbabarkadang lalaki nang maghanap sila ng pulutan o matsitsibog.

Ganito ang kanyang mga naging linya sa aklat patungkol sa ‘Segunda-manong Fruitcake’: ‘At dinukwang si Fruity ni Ivan mula sa ilalim ng maliit na Krismas Tri at saka inihagis kay Bernard. Pinagpasa-pasahan siya ng apat na lasing habang naghaharutan. Naroong ihagis siya kay Cesar. Naroong ibato siya kay Paolo. Hagikgik nang hagikgik si Fruity. Pero sumasal ang kaba niya nang bigla siyang daklutin nang lasing na lasing na si Cesar at punitin ang kanyang balot na palara.”

Sabi ko kay Rene, hindi ba’t parang ‘gang rape’ ang nangyari kay Fruity? Na tinawanan niya nang todo. Yung tawang nakaisa. Masiste talaga si ROV! Bukod sa kuwento ng sosyaling fruitcake, may isa pa siyang kuwento na aliw na aliw rin siya nang ikuwento niya ito sa akin. Ito ay ang ‘Ang Alamat ng Atis’ na tungkol kay Prinsesa Sita (binaligtad na salitang ‘atis’) na bagama’t maganda sa labas ay saksakan naman ng sama ang ugali. Di ba’t ang lamukot ng atis ay puti sa labas pero maiitim ang buto? May palakang character sa naturang kuwento. Akalain mong ang isang linya ni Rene tungkol sa pagkain ng buto ng atis ay ganito, “Hinimod ng pinatigas na dila ng palaka ang buto ng atis.” Sabi ko kay Rene noon, kailangan ba talagang ‘hinimod’ ang ginamit mong verb? Hindi basta’t tinikman lang o dinilaan lang? Sabi ko pa ulit sa kanya, ‘ano na lang ang sasabihin ng mga mag-aaral sa akda niya kapag wala na siya?’ Ang lakas talaga ng halakhak niya!

Pero kung may isang kuwento si Rene na talagang naging kontrobersyal, ito ay ang ‘Ang Batang Ayaw Gumising’ na tumalakay sa incest. Inilathala ito ng UNICEF Manila. Natatandaan ko pa na noong ginawan ito ng storytelling ni Kuya Bodjie (Pascua) sa TV show na Batibot, maraming magulang ang umalma at nag-react. Bakit daw ipinalalabas ang ganitong paksa sa TV? Ang pangyayaring ito’y nagbigay-daan upang kami sa grupong KUTING (o Kuwentista ng mga Tsikiting), isang organisasyon dati ng mga manunulat pambata, ay magpulong at pag-usapan kung may paksa nga bang taboo sa panitikang pambata. O kung may nilabag ba si ROV sa kanyang ginawa?

Noon kami nagkaroon ng consensus na ‘walang dapat ituring na taboo sa panitikang pambata’ kung ito mismo ay nagiging karanasan ng ibang bata. Sabi ng manunulat na si Dean Francis Alfar, hindi raw dapat limitahan ng manunulat ang kanyang sarili sa mga kuwentong ‘safe.’ Push boundaries, sabi niya. ‘You may write about dark things, uncomfortable things like child abuse, emotional abuse, neglect, violence, exploitation dahil ‘karanasan yun ng ibang tao.”

Nasa maingat na kamay na lamang ng isang manunulat kung paano ito tatalakayin. At saka may tamang lugar kung saan dapat gamitin o ikuwento ang isang librong pumapaksa sa isang maselang paksa (halimbawa na nga’y incest). Maaaring hindi ito angkop para sa general audience o general readership pero tiyak na magagamit ito sa mga ahensiyang kumakandili sa mga batang naging biktima ng sexual abuses, at ng mga psychologists na karaniwang kinokonsulta kapag may mga kaso ng sexual abuses.

- Advertisement -

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -