Bakit, Juan?

Kasi, Uncle, gusto kong tulungan yung officemate ko na biglang nagkasakit ang Mommy n’ya.

Huh? Bakit? Anong naging sakit?

Cancer, Uncle. Kaya nagpapa-chemo daw ngayon. Eh, ang mahal ng bawa’t session pati mga gamot. Mga P40-50k daw ang dapat nakahanda kada session.

Wala ba kayong HMO na kasama ang parents ang coverage? O PhilHealth? O di ba nakakuha ng health insurance ang mother nya nung bata pa sya?


Yun na nga, Uncle, Kulang pa rin kahit may HMO o PhilHealth. Wala ring health insurance. At  hindi lang naman kasi isang session lang. Madami. Kaya kulang talaga

Mahirap talaga ang magkasakit sa panahong kasalukuyan. Mahal ang magkasakit. Lalo na sa pampribadong gamutan. Kahit sa public na ospital, may konting gastos din at maghihintay ka para mabigyan ka ng atensyon. Kaya yung iba’t hindi na talaga nakakaabot at namamatay na lang.

Sabi nga, “health is wealth” o ang mabuting kalusugan ay kayamanan. Tama naman. Yan ang nararanasan ng madami sa atin na nauubos ang naipon, sabay pa nito ang pangungutang,  sa pagkakasakit.

Sa isang banda, kung inalagaan mo ang kalusugusan mo ng mas maaga, maaring naiwasan mo ang pagkakasakit at puede din na mas mabilis na lumago ang pera o kayamanan mo.

- Advertisement -

Suriin  natin ang relasyon ng ating kalusugang pangkatawan sa kalusugan ng ating personal na finances.

Una, mataas ang singil ng mga di kanais-nais na pag-uugali o pagtrato sa katawan at kalusugan.

Halimbawa, kung ikaw ay naninigarilyo at gumagastos ka ng P100 kada pakete at nakakaubos ka ng sampung pakete kada buwan, na-miss mo ang oportunidad na makaipon ng P1,000 sa isang buwan o P12,000 sa isang taon. At kung ininvest mo ito sa bangko na  magbibigay sa yo ng 3 porsiyento na interest kada taon, meron ka pang ekstrang kita na P360 sa isang taon.

Ayon sa isang pananaliksik sa Amerika, ang net worth o ang halaga ng kayamanan ng isang hindi naninigarilyo ay 50 porsiyento na mas mataas sa mga light smokers o doble pa sa mga heavy smokers.

Pangalawa, ang pagkakaroon ng tamang timbang ng isang tao ayon sa kanyang edad at laki ay makakatulong sa pagbagsak ng posibleng medical expenses lalo na kung ikaw ay overweight. Kasi pag tayo’y overweight, lumalabas na ang lahat ng puedeng sakit na konektado sa diabetes, heart diseases at iba pa. Mahaba at magastos na gamutan ang mga sakit na Ito.

Pangatlo, tumataas lalo ang ating medical expenses o utang dahil sa hindi natin kaagad na pagpapagamot kung tayo ay may nararamdaman, stress o anxiety dahil sa problema sa pera, kawalan ng pondo sa retirement o di kaya’y bagsak na credit history kaya hindi tayo nabigyan ng loan o credit card.

- Advertisement -

Pang-apat, marami na rin sa mga kumpanya ang nagbibigay ng incentives sa kanilang mga empleyado para maengganyo sila na magkaroon ng healthy lifestyle. Kasi mas malaki ang epekto sa finances at productivity ng kumpanya kung ang mga empleyado nila ay madalas magkasakit o mag-absent dahil sa karamdaman.

Pang-lima, ang isang healthy lifestyle ay nakapagpapataas ng posibilidad na mabuhay ng mas mahaba ang isang tao at ma-enjoy n’ya ang kanyang retirement pension, senior citizen benefits, PhilHealth benefits at iba pa.

Ayon sa datos ng World Health Organization  o WHO para sa taong 2000-2021, ang life expectancy o ang average na dami ng taon na puedeng mabuhay ang isang Pilipino ay 66 na taon.

Sabi din ng WHO, ang leading cause ng kamatayan dito sa bansa natin ay heart failure.

Ang ibig sabihin nito ay hindi masyadong tumatanda ang Pinoy para mapakinabangan n’ya ang kanyang retirement pension o ang mapalago pa n’ya ang ipon o investments n’ya para sa kanyang sarili at sa maiiwan nyang pamilya.

Kaya dapat mas patindiin pa ang edukasyon at awareness tungkol sa health at wellness  para mas matuto ang mga Pilipino na habang bata pa’y mapangalagaan na ang kalusugan at magpundar para sa sa isang mahaba’t magandang buhay.

At pang-huli, ang hindi na mapigilang pagtaas ng presyo ng gamot, professional fees ng mga doktor, at serbisyo ng ospital ay kakain talaga sa mga kita o income na dapat sana’y naiipon o naiinvest sa iba pang bagay. Mataas na rin ang mga premiums ng mga health insurance.

Mula sa datos ng Philippine Statistical Authority, ang mga households sa Pilipinas ay gumastos ng 44.4 porsiyento ng total na health spending ng ating bansa nung 2023. Ang total na household spending sa health nung 2023  ay P686.4 billion.

Kung titingnan natin ito sa perspektibo ng kabuuan nating populasyon, ang bawat Pilipino ay gumastos ng halagang P11,083 sa taong 2023, o umakyat ng 8.3 porsiyento mula P10,238 na gastos nung  2022.

Maliwanag na hindi lang kasabihan ang “health is wealth”. Ang mabuting kalusugan ang susi sa mas matatag na pundasyon ng pinansyal na aspeto ng buhay natin. Ang masamang kalusugan sa katawan ay parang anay na unti-unting magpapahina ng ating kalusugang pinansyal at maguho ito at mawala na parang bula.

O, Juan, sige tulungan natin Mommy ng kaopisina mo. Magkano bang kailangan?