BINIGYANG-PUGAY ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos ang lalawigan ng Bulacan bilang isang matatag na haligi ng demokrasya sa Pilipinas.
Ang mataas na pagpapahalagang ito ang sentro ng kanyang mensahe na natunghayan at napakinggan ng mga Bulakenyo sa pamamagitan ng official video na ipinadala ng kanyang tanggapan sa pagdiriwang ng Ika-446 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan bilang isang lalawigan.
Kinilala rin ng Unang Ginang ang malaking papel na ginagampanan ng lalawigan sa pag-a-ambag sa bisyon na matamo ang isang Bagong Pilipinas.
Matatandaan na kabilang ang Bulacan sa walong probinsya na unang nag-aklas laban sa pananakop noon ng mga Kastila, at ito ay sinisimbulo ng isa sa walong sinag ng araw na nasa watawat ng bansa.
Higit sa lahat, sa Bulacan, partikular sa simbahan ng Barasoain sa Malolos, pinasinayaan ang Pilipinas bilang Unang Republika sa Asya sa bisa ng binalangkas na kauna-unahang Saligang Batas ng 1899.
Samantala, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na ang mayamang kasaysayan ng lalawigan ay nagsilbing pundasyon upang maging matatag ang mga Bulakenyo sa mga pinagdaanang hamon at unos tulad ng mga kalamidad at ang nakalipas na pandemya.
Ito rin aniya ang nagpalakas sa karakter ng pagka-Bulakenyo ng mga mamamayan na dapat mapangalagaan para sa susunod na henerasyon.
Para sa gobernador, patunay na nananalaytay ang katangiang ito sa pagkakatamo ng Bulacan ng maraming mga parangal tulad ng pitong beses na pagkamit nito ng Seal of Good Local Governance mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sinasalamin aniya nito ang mapanagutan at responsableng pamamahala sa pamahalaang panlalawigan na pinapatakbo ng mga epektibong kawani at opisyal.
Pinakabago sa mga parangal na ito ang Presidential Recognition on Outstanding Development Partner for Northern Luzon in the Improving Business Climate Category na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Provincial Cooperative and Enterprise Development Office dahil sa epektibong pagpapatupad nito sa Invest Bulacan campaign program.
Nagresulta ito sa pagdagsa ng malalaking pamumuhunan at nagbukas ng bagong mga oportunidad sa trabaho. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)