26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Mpox, banta sa kalusugan kaya dapat iwasan

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG matinding virus na naman ang muling umaatake ngayon sa mundo, kasama na ang Pilipinas — ang  Mpox, o ang dating tinatawag na monkeypox.

Pinayuhan ng Department of Health (DoH) sa isang public advisory na inilabas kamakailan ang publiko na mag-ingat at ugaliing maghugas ng kamay upang makaiwas  na mahawa sa naturang virus na mayroon nang bagong naitalang kaso sa Pilipinas.

Inilabas ang naturang public advisory kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization na isang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) ang mpox.

Pinagmulan ng mpox

Ayon sa World Health Organization (WHO, unang nadiskubre ang  mpox sa Denmark noong 1958 sa mga unggoy na ginagamit sa pananaliksik at isang siyam na buwang gulang na sanggol ang unang kaso sa tao na naitala sa Congo noong 1970.

Dagdag pa ng WHO,  nakahahawa ang mpox hindi lamang sa kapwa tao kundi maging mula sa hayop patungo sa tao.

Matapos ang pagkawala ng smallpox noong 1980 at matapos ang pagbabakuna kontra rito, patuloy na nanatili naman ang mpox sa central, silangan at kanlurang Africa. Taong 2022-2023 nang magkaroon ng global outbreak nito.

Hindi pa tiyak ang pinagmulan ng mpox ngunit madaling mahawa nito ang mga maliliit na hayop gaya ng unggoy at mga squirrel.

Mga sintomas ng mpox

Mula sa monkeypox virus na may enveloped double stranded DNA virus ng Orthopoxvirus genus ng Poxviridae na pamilyang kinabibilangan ng variola, cowpox, vaccinia at iba pang mga virus ang mpox. Mayroong dalawang klase ng mpox — ang  clades 1 at 2.

Nakahahawa ang mpox. Dahil isa itong viral disease, kusa itong magtatagal o aalis sa katawan ng isang tao. Lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at likod, pagkakaroon ng kulani, at pagkakaroon ng rashes sa mukha, kamay, bibig at ari ang karaniwang mga sintomas nito.

May mga yugto ang rashes nito – pamumula, pamamaltos, at paglalangib.

Nasa 7-14 araw o 5-21 araw ang incubation period ng mpox.

Paano ito maiiwasan

Ayon sa WHO, maaaring mahawa ng mpox, tao sa tao, sa pamamagitan ng paghawak, paghalik o pakikipagtalik.

Mahahawa naman sa mga hayop sa pamamagitan ng pangangaso, pagbabalat at pagluluto nito.

Naiiwan din ito sa mga damit, higaan at karayom. Maaaari ring mahawahan ng isang buntis na ina ang dinadala nito.

Kung kaya, ayon sa WHO, kung mayroon nito ang isang tao kinakailangan nitong ipagbigay-alam ito sa kaniyang mga nakahalubilo, manatili sa bahay hanggang tuluyang mawala ang mga sugat, takpan ang mga sugat at magsuot ng face mask, at umiwas magkaroon ng physical contact.

Ayon pa kay Health Secretary Ted Herbosa maaaring mahawa ang kahit sino at makatutulong ang madalas na paghuhugas ng kamay dahil namamatay ang virus gamit ang sabon at tubig.

Gumamit din, aniya, ng gwantes kapag maghuhugas ng mga kontaminadong gamit ng taong maysakit nito.

Mpox sa Pilipinas

Naitala ang kauna-unahang kaso  ng mpox sa Pilipinas noong Setyembre 1, 2022 mula sa isang Pilipino na nag-abroad. May mga sumunod pa dito na pawang nanggaling sa ibang bansa na may oubtreak ng mpox.

Pagkaraan nito, muling nakapagtala ng bagong kaso ang DoH nitong Agosto 18 sa isang tao na hindi naman nagbyahe sa ibang bansa.

Ayon sa DoH, umamin ang taong ito na nakipagtalik sya tatlong linggo bago sya nilagnat.  Sumunod nito nagkaroon na sya ng rashes sa mukha, likod, batok, katawan, ari, palad at maging sa talampakan apat na araw matapos syang lagnatin.

Isang pagsusuri sa pamamagitan ng polymerase chain reaction (PCR) test ang nagpatunay na may mpox virus sya.

Bago ito, naitala noong Disyembre 2023 ang huling kaso ng mpox sa bansa.

Gumaling ang lahat ng nahawa nito sa bansa.

Posible bang magkapandemic muli?

Sa ulat na inilathala ng The Manila Times, sinabi dito na mabagal ang pagkalat ng virus ng mpox kumpara sa Covid-19 virus.

Sa Covid-19, tatlong buwan pa lamang simula ng magkaroon ng pagkakakilanlan ito, may 126,000 na ang nahawa at 4,600 na ang namatay.

Samantala, sa mpox, 100,000 lamang ang naitala sa buong mundo na nahawa hanggang 2022 na mayroon lamang 200 na namatay, ayon sa WHO.

Dagdag pa rito, may mga bakuna at paglulunas para sa mpox hindi gaya ng sa Covid-19 pandemic.

Mula monkeypox naging mpox

Sa isang press release na may petsang Nobyembre 28, 2022, inirekomenda ng WHO na tawaging mpox na lamang ang monkeypox dahil sa mga racist na komento at stigma na naging kaakibat nito sa mga maysakit.

Kabilang sa trabaho ng WHO ang magbigay ng pangalan sa mga sakit sa ilalim ng International Classification of Diseases (ICD) at ng WHO Family of International Health Related Classifications. Nagkaroon ng konsultasyon sa mga bansa at napagkasunduan na tawagin  itong mpox. Gayunman, mananatili ang terminong “monkeypox” sa mga talaan ng ICD para sa historic information.

Larawan mula sa Department of Health

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -