27.4 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Ang kakaibang siste ni Rene O. Villanueva

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa 3-bahagi

KAMAKAILAN ay naanyayahan akong magbigay ng keynote address sa Ikalawang Palihang Rene O. Villanueva para sa kuwentong pambata. Ginanap ito sa UP Diliman sa pakikipagtulungan ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at ng IBBY-Philippines. Ang sumusunod ay bahagi ng aking talumpati:

Isa sa maituturing na haligi ng modernong panitikang pambata sa bansa ay si Rene O. Villanueva. Hayaan n’yong kuwentuhan ko kayo tungkol kay Rene O. Villanueva o ROV (take note na laging inilalagay ni Rene ang kanyang middle initial na ‘O’ sa kanyang byline).

Mapalad akong naging kaibigan si Rene O. Villanueva, mandudula, manunulat sa telebisyon, at awtor ng higit 60 aklat pambata. Nakilala ko siya nang ako ay nagsimulang lumusong sa daigdig ng panitikang pambata. Isa siya sa nanguna sa panitikang pambata sa ating bansa kahit na nagsimula muna siyang nagpakita ng interes sa pagsulat ng dula. Maraming dula ang kaniyang naisulat at naitanghal ng mga mahuhusay na theater companies gaya ng Philippine Educational Theater Association (PETA). Si Rene O. Villanueva ay maituturing na isa sa haligi ng modernong panitikang pambata sa bansa. Nasaksihan ko ang kanyang marubdob na pagnanais na maitampok ang kulturang Pilipino sa kaniyang mga aklat pambata. Masasabi kong malaki ang naging ambag ng kanyang pagiging head writer, at kalaunan ay creative director, ng sikat na programang pambatang “Batibot” sa telebisyon noong dekada ’80 sa kanyang pagbababad sa daigdig ng mga bata.

Sa Palanca Awards, nauna muna siyang nanalo para sa kanyang mga dula bago sa kategoriyang kuwentong pambata. Siya yata ang manunulat na nagwagi ng pinakamaraming Palanca sa kasaysayan ng pambansang patimpalak na ito. Kung hindi ako nagkakamali, higit 20 (baka nasa 28) ang kanyang nasungkit na Palanca. Hindi nakapagtatakang isa siya sa unang pinarangalan ng Palanca Awards ng Hall of Fame award nung itinatag ang ‘Palanca Hall of Fame’ noong taong 1995.


Sa isang workshop sa na idinaos ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY) sa UP College of Fine Arts noong 1996, doon ko unang nakilala si Rene. Isa siya sa aming tagapagsalita. Ang naturang workshop ay itinaguyod ng PBBY sa pakikipagtulungan ng Asia-Pacific Cultural Center for Unesco (ACCU) ng Japan kung kaya’t kabilang sa speakers ang Australian children’s book author na si Jackie French at isang Japanese illustrator. Kilala ko na si Rene noon pa man dahil sa popularidad ng pambatang TV show na Batibot kung saan siya ang creative director at headwriter. Nang panahong maging fellow ako sa Unesco workshop na ito, dadalawa o tatlo pa lamang ang aklat pambatang naisusulat ko.

Natuwa ako nang makilala ko siya nang personal sapagkat noong medical student pa ako at di pa nahahalinang magsulat para sa mga bata, nabasa ko na sa National Bookstore ang kanyang aklat pambatang ‘Ang Unang Baboy sa Langit’ (inilathala ng Cacho Publishing at iginuhit ni Ibarra Crisostomo). Nanalo ng Unang Gantimpala sa Palanca sa kategoriyang kuwentong pambata ang naturang akda. Aliw na aliw ako sa kuwento ni Butsiki, ang baboy na ipinanganak na saksakan ng linis (ni ayaw tumapak sa putik) at siyang unang baboy na nakarating sa langit.

Naibigan ko ang istilo ng kanyang panulat. Magaan ito at puno ng siste. Inilarawan niya si Butsiki bilang ‘biik na ipinanganak na may tala sa noo at kumikinang ang kuko.’ Lalo na akong natuwa nang banggitin ni Butsiki sa kanyang magulang na baboy na ‘marumi po ang ating kural,’ na labis na ikinabigla ng kanyang magulang. Ang mga butete ay nagalit din sa inaasal ni Butsiki kung kaya’t nasabi nilang, “anong klaseng baboy ‘yan? Bakit nagmamalinis?”

Tinanong ko si Rene kung paano niya nasulat ang kuwentong ‘Ang Unang Baboy sa Langit’? Inalam ko rin sa kanya kung paano niya pinangalanan ang bidang baboy sa kuwento. Bakit Butsiki? Noong minsan daw na naanyayahan siya ng PBBY na magsagawa ng isang storytelling sa Rizal Park, nainip ang mga bata kasi’y na-delay ang paghahain ng miryenda para sa kanila. Upang aliwin ang mga bata, nakaisip siya ng kuwento na ang bida ay isang ‘malinis na baboy.’ Umisip daw siya ng isang hayop na kilala sa pagiging marumi kaya naisip niya ang baboy. Tapos, naisip niyang gawin ang kabaligtaran nito. Ginawa niyang ‘ubod ng linis ang baboy na ito!’ Nang akmang papangalan  na niya ang tauhang ito, saktong nakarinig siya sa labas ng library ng kanta ng novelty singer na si Yoyoy Villame – ang popular na awitin nitong ‘Butchikik.’ Kaya hayun, naging Butsiki bigla ang pangalan ng bidang baboy. Noon din ay gumawa siya ng kuwento oraorada, on-the-spot, sa harap ng mga bata.

- Advertisement -

Aaminin kong isa ito sa mga kuwentong paborito kong isalaysay. May pagkakataon naman kasi na hindi lamang mga aklat ko ang ikinukuwento ko (kapag awtor ka kasi, gusto ng mga taong marinig ang mismong manunulat na umakda ng kuwento). Isa pa, may health aspect din kasi ang kuwento; tumalakay sa kalinisan o kahalagahan ng pagiging malinis.

Natatandaan ko pa ang isang eksena sa libro na nakaaliw sa akin ay nang isuplong at hatulan si Butsiki ng Punong Baboy dahil sa kanyang kampanya sa komunidad na panatilihing malinis ang kapaligiran. Siyempre pa, hindi ito nagustuhan ng mga daga, ipis, langaw, lamok at iba pang insekto. Isinuplong nila si Butsiki sa Punong Baboy na sa sobrang galit ay napahiyaw nang ‘walang himala! Baboy tayo! Dapat nating ikarangal ang pagiging salaula!’ (O, di ba, hindi lang si Nora Aunor ang nagsabi ng ‘walang himala!’)

Pero nagulat ako nang dumating ang puntong nilitson si Butsiki sa kuwento. Tanong ko sa sarili noon, bakit hinayaan ni Rene na malitson si Butsiki gayong siya naman ang may kontrol sa kuwento? Paano na ang mga mambabasang nagmahal kay Butsiki? Mabuti na lamang at nang mabusog na ang mga taong kumain ng nilitsong si Butsiki, naramdaman mismo ni Butsiki na gumaan ang kanyang pakiramdam (‘yun pala, may kaluluwa siya!). At unti-unting tumaas ang kanyang kaluluwa paakyat ng langit. Habang paakyat ang kaluluwa niya patungong langit ay maririnig ang isang nakatutuwanng chant mula sa mga anghel:

“Walang silbi ang baboy na di naging litson/

Walang halaga ang baboy na di naging sitsaron/

Ipahayag sa lahat –

- Advertisement -

Si Santa Butsiki ang unang baboy na patron.”

Pagkatapos ng chant ay sinalubong ang kaluluwa ni Butsiki ng tunog ng watusi at mga bulaklak ng calachuchi! “O, di ba, what can be more Pinoy than watusi and calachuchi?” komento ng isang kaibigang tuwang-tuwa rin sa kuwento.

Nang magpapirma ako ng kopya ng aklat niyang ito, ganito ang nabasa ko sa kaniyang isinulat na dedication para sa akin: “Kay Luis. Patnubayan nawa ni Butsiki ang ating mga kababayan!” Aba, may pagka-nationalistic pa! Pero nang lumisan na si Rene, at aksidente kong nakita ang lumang kopya ko ng naturang aklat, natunghayan ko ulit ang kanyang isinulat na dedication. Dito na ako napahagalpak ng tawa! “Kay Luis. Patnubayan nawa ni Butsiki ang ating mga kababuyan.” Ito pala ang nakasulat — ‘kababuyan’ at hindi ‘kababayan’ ang nakasulat sa dedication. Sadyang may kakaiba siyang humor o siste!

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -