MULING bumilis sa 4.3 porsyento ang antas ng inflation para sa buwan ng Hulyo sa lalawigan, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) Oriental Mindoro.
“Ang headline inflation o ang pagtaas ng mga produkto at serbisyo sa probinsya ay bumilis sa antas na 4.3 porsyento nitong Hulyo 2024. Noong buwan ng Hunyo 2024, naitala ang inflation sa antas na 3.3 porsyento,” pahayag ni PSA Oriental Mindoro Chief Administrative at Officer-In-Charge Dr. Charlyn Romero-Cantos.
Ang karaniwang inflation sa lalawigan mula Enero hanggang Hulyo ay nasa antas na 3.1 porsyento at may 56.8 percent shares sa pagtaas ng pangkalahatang inflation.
Ayon pa kay Cantos, ang pangunahing nag-ambag sa mabilis na pagtaas ng inflation ay ang pagtaas ng presyo ng karne ng manok sa antas na 8.9 porsyento kumpara sa datos noong Hunyo na 3.8 porsyento.
Ang pangalawang dahilan ng pagtaas ng inflation noong Hulyo ay ang mabilis na pagtaas ng halaga ng kuryente na nakapagtala ng 22.2 porsyento kumpara sa 6.0 porsyento noong buwan ng Hunyo.
Sumunod naman ang transportasyon na kung saan naitala noong Hunyo sa antas na 0.8 porsyento at tumaas sa antas na 4.4 porsyento noong Hulyo 2024 bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo at epekto ng dagdag presyo sa pandaigdigang merkado. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)