Naku, Juan, 11 years old na yan. Naalala ko pa nung inuwi sa bahay yan. Ang cute cute na baby poodle ni Moji!
Bakit, Uncle, hindi na nadagdagan si Moji? May kaibigan ako na lima ang doggies nila. Masaya daw pag madami sila.
Juan, hindi madali ang mag-alaga ng aso. Parang tao din, kailangan mong alagaan ng mabuti para hindi magkasakit at para magawa mo ito, dapat may oras ka at ang pinakamahalaga sa lahat ay may budget ka.
Akala ng marami, ganun lang kasimple ang magkaroon ng alagang aso. Mabigat ang obligasyon nito lalo na sa pinansyal na aspeto. Nakakatuwa talaga ang may alagang pet pero ano nga ba ang kailangang budget buwan-buwan? At ito nga ba’y mahirap sa bulsa lalo na kung wala kang naitabi pag nagkasakit sila na di inaasahan? Handa ka ba talagang mag-alaga ng aso?
Ang pagkakaroon ng aso ay pang-mahabang commitment, lalo na sa pinansyal na bagay, at base sa average na haba ng buhay ng isang aso. Ang aso ay may average na life span na 10-15 years. Ibig sabihin ay ganito din katagal ang paghahandaan mong gastos para mabuhay sya at matagal mong makapiling ang iyong alaga. At kapag sa iyong sobrang tuwa ay ini-spoil mo pa sila, talagang puede kang maubusan ng ipon na di mo namamalayan.
Ano ba ang mga gastusin sa pag-alaga ng aso kada buwan? Siguro pag-usapan natin ang typical na gastos sa isang maliit na poodle katulad ni Moji.
Unahin na natin ang pagbili ng aso sa pet shop, kung hindi ka man nag-ampon, nakapulot ng stray dog o di kaya’y nabigyan ng kaibigan o kamag-anak.
Kung toy poodle na katulad ni Moji, makakaltasan ka na kaagad ng P15,000-25,000, lalo na kung may mga hinahanap ka na kulay ng buhok o di kaya’y special breed.
Kung bagong panganak o di kaya’y isa o dalawang buwan na at hindi pa sya nabigyan ng vaccine, gagastos ka ng P5,000-10,000 bago mo sya iuwi sa iyong bahay.
Pag nauwi mo na, parang baby yan na aalagaan mo ng puno ng pagmamahal at buhos ng oras mo.
Sa bawa’t buwan, ito ang karaniwang gastusin:
- Vitamins – P500
- Anti-tick, fleas, heartworm, parasites-P1,500
- Canned dog food – P1,500
- Cooked meat- P500
- Dental care- P100
- Grooming- Php 1,000
- Panglinis sa kapaligiran- P500
Sa buong taon, magkakaroon ka rin ng iba pang gastusin tulad ng:
- Vaccines- P5,000
- Diagnostics- P6,000
- Vet Med’s fee- P5,000
- Emergencies/Hospitalization- P20,000-50,000
- Deworm- P1,000
At kung ikaw ay spoiler, puede kang gumastos sa pagbili ng:
- Stroller
- Collars/leash
- Toys
- Treats
- Blankets/mats
- Diapers
- Clothes/shoes/ribbons
- Pet insurance
- CCTV for monitoring
Suma tutal, dapat may handa kang P5-6,000 sa regular na gastusin kada buwan at kung isasama natin ang P50,000-70,000 sa mga taunang gastusin at mga P10,000-15,000 sa mga pamper items, kailangan mo ng budget na humigit kumulang sa P120,000-150,000 sa buong taon.
Handa ka ba? At kung hindi lang isa ang poodle mo, alam mo na. Paano pa kaya sa mas malalaking aso na mga imported at kakaiba ang breed?
Anong puede mong gawin para mas maging handa ka sa pagkakaroon ng alagang dog?
Tulad ng sinasabi ko tungkol sa financial planning, gawin mo itong MOJI stratehiya na ginagawa ko:
M-ag-ipon ng emergency fund para sa mga di inaasahang pangyayari o pagkakasakit ng dog mo;
O-nly the best ang ibigay natin sa ating dog lalo na pagdating sa mga Vet na mag-alaga sa kanila. Kadalasan, pag hindi magaling ang Vet, mas magastos ang resulta kasi maaring paulit-ulit ang kalagayan ng ating dog o puedeng lumala pa nga.
J- ust treat our dogs with love and affection. Kasi pag nararamdaman nila ang ating atensyon at alaga, mas masaya at malakas sila. Umiwas din sa mga pagkakataon na sila’y puedeng mahawaan ng sakit.
I-sakripisyo ang oras at budget para sa mahabang buhay ng ating alaga. Ang desisyon na mag-alaga ng dog ay hindi biro. Malaki ang responsibilidad sa oras at sa pera na kailangan. Unpredictable din ang biglaang pagbabago ng kalusugan ng ating alaga.
Juan, sana maunawaan mo kung gaano ko kamahal si Moji. Minsan, sumulat ako ng love letter para iparamdam sa kanya na wala syang katulad at sya ang nagpapasaya sa buhay ko. Basahin mo Ito sa Loving Moji – White-Haired Thinking Fella.
O, Juan, handa ka bang dagdagan natin si Moji?