31.9 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Teacher-Coach ni Carlos Yulo, saksi sa kanyang humble beginnings bilang gymnast

- Advertisement -
- Advertisement -
“As his coach and one of Caloy’s subject teachers in Grade 6, I could say he was an average student, but he is more inclined toward sports—gymnastics. Hilig at passion niya talaga ‘yan.”
Ito ang kwento ni Ma’am Ezra Canlas, Teacher-Coach ng ngayong two-time gold medalist sa Paris Olympics 2024 na si Carlos Edriel “Caloy” Yulo.
Proud graduate ng Aurora A. Quezon Elementary School (AAQES), SDO Manila si Caloy kung saan din siya nagsimulang sumali sa larangan ng Artistic Gymnastics sa Palarong Pambansa. Isa sa mga unang nagsanay at nag-alaga sa kaniya bilang mag-aaral at atleta ay si Ma’am Ezra o Mommy Ez kung tawagin nila.
Para kay Ma’am Ezra, isang mabait at tahimik na bata si Caloy. Bilang pride ng paaralan sa gymnastics, palagi silang nagtatanghal sa mga school events kasama ang mga ka-team nito na sina Ivan Cruz at John Matthew Vergara na kapwa mga Filipino Gymnasts na rin ngayon.
“Si Caloy bilang gymnast ay disiplinado, naka-program ang bawat gagawin niya. Nababalanse niya ang school, laro, at pagte-training. Sa mga laban niya naka-focus yan sa mga gagawin niya.”
“Likas sa kanya ang pagiging magaling na hinubog ng iba’t ibang trainers na humawak sa kanya. Kapag sinasabihan ko siya na “Ang galing-galing mo na talaga,” sasagot yan, “Di po, madami pang mas magaling sa akin, tyamba lang, ma’am,” pagbabahagi ni Ma’am Ezra.
Dahil sa puspusang pagte-training pa noon ni Caloy, may mga pagkakataon pa raw na dumudugo na ang kamay nito, ngunit dahil sa desididong maging mas mahusay pa, “No pain, no gain” ang mindset ng batang Caloy.
Dahil sa kasikatang tinatamasa ngayon ng dati niyang mag-aaral at trainee, hindi mawawala kay Ma’am Ezra ang lahat ng memorable moments at pagka-proud para sa Olympic medalist na ngayong si Caloy.
“Sa Zamboanga del Norte, 16 days kaming magkasama, malayo ang tinutuluyan naming school sa venue ng laro. Two hours ang byahe namin papuntang Polanco Gym. Bilang coach pinaglalaba ko ‘yan ng damit, inaasikaso mga isusuot niya, pinaiinom ng vitamins, sinasamahan sa pagkain para masiguro na ok siya kasi may hika yan bawal magkasakit kasi malayo kami sa pamilya niya,” kwento ni Ma’am Ezra.
Batid na ni Ma’am Ezra na malayo ang mararating ng batang Caloy lalo’t kakaiba ang husay at passion na ipinamalas nito sa gymnastics noon pa man.
“Alam ko malayo ang mararating niya kasi ‘yan talaga ang gusto niya, ang gymnastics. Nung nasa Cagayan de Oro kami sa isang national competition outside DepEd, may lagnat yan, kinabukasan Individual All Around pa si Caloy at sweep niya lahat ng gold.”
Bilang isang teacher-coach, walang pagsidlan ng tuwa at pagmamalaki si Ma’am Ezra para sa dati niyang mag-aaral at trainee at ngayo’y dangal ng Pilipinas sa Paris Olympics 2024 na si Carlos Yulo.
“Congratulations, Caloy! Proud na proud ako sa’yo! Nagbunga na ang mga paghihirap mo sa training. Sabi mo nga, “No pain, no gain!” Now you made it! Olympic gold medalist ka na, di lang isa kundi dalawa pa! Salamat sa karangalang binigay mo sa ating bansa. Your AAQES family is so proud and happy for your achievements!” pagbati ni Ma’am Ezra.
Si Caloy ang unang Pilipinong nagkamit ng dalawang gold medal sa Olympics at kauna-unahang medalya sa Olympics Gymnastics event sa kasaysayan ng Pilipinas. Mula sa Facebook page ng DepEd Philippines
(Mga larawang ibinihagi ng DepEd NCR, SDO Manila, at ni Ma’am Ezra Canlas)
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -