HINIHILING ng mga magsasaka na maipagpatuloy ang pagtataripa sa inaangkat na bigas at amyendahan ang Rice Tariffication Law upang maipagpatuloy ito hanggang 2031 at mabigyan ng mas malaking pondo upang mas mapaangat ang industriya ng bigas sa Pilipinas.
Sa sponsorship speech ni Senador Cynthia Villar nitong nakaraang Agosto 13, 2024, inilahad nya ang mga pagbabago na iminumungkahi nya sa pag-aamyenda sa Republic Act 11203, “An Act Liberalizing the Importation, Exportation and Trading of Rice, Lifting for the Purpose the Quantitative Import Restriction on Rice, and For Other Purposes” na matatapos ngayong taon.
Mahahalagang nilalaman ng panukala ni Senador Villar
Narito ang mga mahahalagang laman ng kaniyang panukala na amyenda sa naturang batas:
1. Palawigin pa ito ng dagdag na anim na taon hanggnag 2031.
2. Kabuuang halagang saklaw: P30B na magmumula sa taripa sa inangkat na bigas na kung kulang ay kukunin sa GAA (General Appropriations Act).
3. Palakasin ang Department of Agriculture (DA)- Bureau of Plant Industry Regulatory Functions – isama ang pagrerehistro ng lahat ng mga grains warehouse.
4. Palakasin ang kapangyarihan ng DA Secretary upang makaresponde sa deklarasyon ng kakulangan sa pagkain at pambihirang pagtaas ng presyo ng bigas, kung saan maaring magbenta ang DA sa pamamagitan ng mga ahensya ng gobyerno gaya ng mga ospital, kulungan, Kadiwa outlets at makapag-imbak sa pamamagitan ng pagbili ng mga bigas mula sa mga lokal na magsasaka at kooperatiba.
5. Makapag-import ang DA kung walang lokal na bigas. At maglaan ng isang importing authority, hindi NFA (National Food Authority), kung saan ang kita ay babalik sa buffer fund.
6. Maglabas ng mga lumang stock apat na linggo bago ang expiration.
7. Maaaring ipagbawal ng Pangulo ang pag-aangkat o magbigay ng tiyak na dami ng aangkatin kung may sobra-sobrang supply ng imported at lokal na bigas sa pamilihan, na may tiyak na kung kailan at tiyak na dami.
8. Pagbuo ng Program Management Office na magmomonitor sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at sa National Rice Program.
9. Kunin ang serbisyo ng isang independent at magkaroon ng Mid-term and End Term Evaluation ng RCEF upang tingnan ang performance nito kung saan ipapasa at pag-uusapan ang resulta kasama ang Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization (COCAFM).
Rice Tariffication Law ng 2019
Isinaalang-alang ang kapakanan ng mga konsyumer at magsasaka kung kaya nagkaroon ng Rice Tariffication Law (RTL) na may opisyala na ngalang Republic Act 11203, “An Act Liberalizing the Importation, Exportation and Trading of Rice, Lifting for the Purpose the Quantitative Import Restriction on Rice, and For Other Purposes,” o kilala rin sa tawag na Rice Tariffication Act.
Inalis nito ang paglilimita sa dami ng pwedeng angkatin, sa halip, papatawan na lamang ang mga inangkat na bigas ng 35-40 porsyentong buwis.
Sa batas na ito na nilagdaan noong Pebrero 14, 2019 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ipinatupad noong Marso 5, 2019, nawalan ng kapangyarihan ang NFA na mag-angkat at magbenta ng bigas sa mababang halaga.
Bago ang rice tariffication law, maaaring mag-angkat ang NFA para may buffer stock ang pamahalaan nang sa gayon, hindi kakapusin sa bigas ang bansa at magagawa ng pamahalaan na makapagbigay ng murang bigas.
Sa kasalukuyang batas, sa mga lokal na magsasaka na lamang maaaring kumuha ng bigas ang NFA.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang pahayag mula sa Malakanyang nitong Mayo 25, nais niyang maibalik ang kapangyarihan ng NFA na makapag-angkat. Makatutulong, aniya, ang pag-angkat ng NFA hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa lahat lalo na sa mga konsyumer dahil mapapatatag sa mababang presyo ang bigas sa mga pamilihan.
“Kaya’t kung pagbibigyan tayo ng ating Kongreso na makapag-import na [ang NFA], makikipagsabayan na ito. Ito naman talaga ang unang [dahilan] kung bakit tinayo ang NFA,” ani Marcos.
Naging mabilis ang pagpapatupad ng RTL dahil sa tumataas na presyo ng bigas ng mga huling buwan ng 2018 dahil sa papaubos nang stock ng NFA.
Maganda at di-magandang epekto ng RTL
Sa pagpapatupad nito, inaasahan ang maraming benepisyo hindi lamang sa mga konsyumer kundi maging sa mga magsasaka.
Inaasahan ng gobyerno na sa pamamagitan ng bagong batas na ito magiging mababa na ang presyo, maiibsan ang kakulangan, bababa ang inflation rate, at magkakaroon ng pondo para matulungan ang mga magsasakang Pilipino.
Ngunit kung may benepisyo, mayroon ding negatibong epekto ang RTL. Inilahad ang mga ito sa artikulo ni Annette Tobias, isang Science Research Specialist III sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development na nalathala sa website ng Food and Fertilizer Technology Center for the Asian and Pacific Region.
Unang-una na, walang masyadong proteksyon na ibinibigay ang batas para sa mga magsasaka sa kabila ng katotohanang halos wala na silang kikitain kung makikipagsabayan sila sa presyo ng mga imported na bigas.
Mawawalan rin o mababawasan ang mga magsasaka, mga empleyado ng NFA at ng mga rice millers, at mga gumagawa ng mga by-products ng palay gaya ng mga empleyado ng mga pabrika ng serbesa, pakain sa hayop, biomass at materyales sa konstruksyon na gumagamit ng ipa ng palay.
Wala ring garantiya na sa katagalan, bababa ang presyo ng bigas dahil sa pag-iimport ayon pa sa artikulo.
Hindi na kontrolado ng pamahalaan kung magkaroon ng pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan kung magdesisyon ang mga rice exporting countries na limitahan o itigil ang paglalabas nila ng kanilang bigas.
Sa kasalukuyan pumapalo na ang presyo ng bigas sa P58 kada kilo ngayong buwan samantalang nasa P45 per kilo lamang ito bago ipatupad ang RTL.
Mga isyu sa RTL
Una, binigyang-diin nito na mura ang imported na bigas kaysa sa mga lokal na bigas kaya sa pagdagsa ng imported, hahatakin nito pababa ang presyo ng lokal na bigas sa merkado.
Makakatulong din ang liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas, upang mapababa ang presyo ngunit hindi nito mapipigilan ang problema ng Pilipinas sa inflation, ayon pa dito.
Sa 35% kung galing sa Asean countries at 40% sa hindi myembro ng Asean ang buwis na ipapataw, mahal pa rin ang presyong kalalabasan ayon sa mga eksperto. Kung layuning pababain ang presyo ng bigas para sa mga konsyumer, dapat umanong ibaba ang taripa sa 10% hanggang 20% lamang.
Ngunit kung pabababain ang taripa, malaking hamon naman ito sa mga magsasaka sa Pilipinas na ayon sa isang pag-aaral ng International Food Policy Research Institute (IFPRI), nahaharap sa posibleng paghinto na ng mga magsasaka na magtanim dahil wala na silang kikitain.
Base sa kanilang pag-aaral, may 342,000 ektarya ng lupa ang maaaring hindi na taniman ng palay dahil sa pagbagsak ng presyo ng bigas pagdating ng 2025 dulot ng RTL.
Bunga ng Rice Fund
Sa kabilang banda, kasama sa batas na ito ang paglalaan ng Rice Fund o ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) kung saan maglalaan ng P10 bilyon taun-taon galing sa mga buwis na nasingil mula sa mga inangkat na bigas upang ipantulong sa mga magsasaka.
Ilalaan ang kalahati ng Rice Fund para sa mga machine at equipmment na ipamamahagi sa mga magsasaka at kooperatiba. May 30% naman para sa pagdedevelop ng Philippine Rice Research Institute ng mga binhi para magamit ng mga magsasaka. Tig-10 porsyento naman para sa Expanded Rice Credit Assistance kung saan maaaring makahiram ng puhunan na may mababang interes ang mga magsasaka, at para sa rice extension services ng PhilMech, PhilRice, Agricultural Training Institute at Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) nagtuturo ng mga kasanayan sa pagsasaka, mga makabagong teknik sa pagsasaka ng bigas, pagbibinhi, farm mechanization at gastusin para sa knowledge/technology transfer ng mga paaralan sa buong bansa.
Sa isang pahayag ng Department of Finance (DoF), sinabi nito na sa unang tatlong taon simula ng ipatupad ang RTL, kumita ng P46.6 billion ang pamahalaan mula sa rice import duties.
Gaya ng isinasaad sa batas, P10 bilyon nito ang inilaan sa RCEF.
Inalaan naman ang sumobra sa Rice Farmer Financial Assistance or RFFA.
Inilahad din sa pahayag ng DOF ang mga datos mula sa Department of Agriculture (DA) ang mga naging bunga ng pagkakaroon ng RCEF. Ayon dito, mahigit isang milyong magsasaka ang nakatanggap ng mahigit 8.6 milyong bag ng certified inbred rice seeds na mas mabunga kaysa sa tradisyonal na binhi na ginagamit nila.
May 950,000 magsasaka ang nakagagamit ng 19,542 units ng makinarya. Mahigit 90,000 magsasaka ang nakapag-training at 14,459 specialists, trainers, at extension intermediaries din ang nakapagsanay kaugnay ng makabagong paraan ng pagsasaka.
Nakapagtayo rin ng 220 farm schools at 49,649 magsasaka naman ang nakautang ng kabuuang mahigit P1.5 bilyon mula sa Land Bank of the Philippines (LandBank) and Development Bank of the Philippines (DBP) tulad ng isinasaad sa RCEF.
Ayon pa sa pag-aaral ng IFPRI, dahil sa pondong ilalaan sa research and development upang mapadami ang bunga ng mga tanim na palay, mga makabagong pamamaraan, makinarya at kagamitan na magpapadami sa ani at mga irigasyon, pagdating ng 2040, hindi na masyadong kakailanganing umangkat. Bababa na ang importasyon ng hanggang 88% pero hindi gasinong bababa ang presyo, ayon sa IFPRI.
Ayon sa ulat ng The Manila Times, inihayag ng DA ang plano nitong i-overhaul ang Masagana Rice Industry Development Plan (MRIDP) upang mas mapalakas ang produksyon ng bigas.
Ayon sa DA, nasa 4.51 metric tons (MT) kada ektarya ang produksyon ng palay sa mga may irigasyon at 3.34 MT naman sa walang irigasyon. Nasa 4.17 MT kada ektarya ang total national average.
Nais ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na palakasin pa ang produksyon sa 7.5 MT kada ektarya o katumbas ng 150 sako (50 kg/bag) mula sa kasalukuyang 84 sako kada ektarya.
Bago ipatupad ang RTL noong 2019, nasa 3.97 MT lamang ang naaani kada ektarya noong 2018.
Sa panukala ni Senador Villar, nais niyang maging P30 bilyon sa halip na P10 bilyon ang ilaan sa RCEF. Nais niyang magkaroon ng P9 bilyong pondo para sa rice farm machineries and equipment; P6 bilyon para sa mataas na kalidad ng butil, pagpapadami, distribusyon at promosyon; P8 bilyon para sa tulong pinansyal para sa mga magsasakang nagsasaka ng dalawang ektarya pababa; P2 bilyon para sa expanded rice credit assistance; P2.2 bilyon para sa training and extension; P1.4B para sa mga solar-powered na irigasyon at water impounding irrigation project; at P1.4 bilyon para sa composting facilities.
###