25.1 C
Manila
Miyerkules, Enero 22, 2025

Kwidaw kayo sa Kano

- Advertisement -
- Advertisement -

MALAKAS ang hiyaw ng Maisug, ang kilusan na maliwanag na naglalayong pababain sa pwesto si Pangulo Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr.

Sa isang banda, maari nating sang-ayunan ang sigaw sa dahilan na pagkaraan ng dalawang taon, patuloy sa pagtaas ang gastos sa kabuhayan ng sambayanan, taliwas sa mga binitawang pangako ni Bongbong noong panahon ng kampanya.

Ang bigas na ipinangako niyang ibababa ang presyo sa P20 kada kilo ay nananatili sa P55 ang kilo, kung hindi hanggang P75 ang itataas ng bawat kilo para doon sa mga mahiligin sa primera  klaseng bigas.

Samantala, patuloy pa rin sa pagtaas ang presyo ng iba pang pangunahing bilihing pagkain na nagdudulot ng matinding hirap sa buhay ng milyun-milyong mga salat at hikahos.

Kaya kung totoo man na dumarami ang nakikinig sa mga hiyaw ng Maisug, hindi ibig sabihin na sang-ayon sila na ihalili na bilang pangulo si Bise Presidente Sara Duterte kundi humihingi lamang sila na ituon ng pamahalaan ang atensyon sa tunay na pangangailangan ng sambayanan: tugon sa gutom ng kanilang mga tiyan.

Alalahanin na ang pagbagsak ng rehimen ni Czar Nicholas II sa Rusya noong 1917 ay hindi bunsod ng anomang kadahilanang pulitikal kundi ng napakapayak na kahilingan: “Tinapay! Tinapay! Tinapay!”

Hindi dumating ang tinapay. Bumagsak ang Tzaristang rehimen.

At pumaimbulog ang kauna-unahang sosyalistang estado sa kasaysayan, ang Union of Soviet Socialist Republic (USSR).

Hindi ang nakakasuka nang sigawan na “pulvoronic” si Bongbong ang magpapabagsak sa kanya kundi ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain.

Tuparin ni Bongbong ang pangako na ibababa ang presyo ng bigas sa P20 ang kilo pag hindi mabilis pa sa alas kwatro, lusaw na iyang Maisug.

Hindi ba natin nahahalata? Pilit inihahawig ang kilos ng Maisug sa pagpalit ng gobyerno noong panahon ni Erap.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang isang presidente na nakapaghalili na bilang pangulo nang mahigit sa apat na taon ay hindi na kwalipikadong tumakbo bilang presidente. Nahalinhan ni Gloria Macapagal Arroyo si Erap bilang presidente sa People Power 2 noong Enero 2001 – mahigit dalawang taon na ang nakalilipas sa termino ni Erap. Wala nang apat na taon ang ipinagsilbi ni Gloria bilang presidente, kaya kwalipikado pa siyang tumakbo bilang presidente sa eleksyon noong 2004.

Kung, ayon sa mga ipinahihiwatig ng mga kalagayan, intensyon ng Maisug na iluklok si Sara kapalit ni Bongbong, kailangan munang lumipas ang mahigit dalawang taon ng termino ni Bongbong at kung hindi ay hindi na siya kwalipikadong tumakbong presidente sa susunod na eleksyon dahil makapagsisilbi na siya bilang pangulo nang mahigit apat na taon.

Ang mga kilos ng Maisug ay kwentado na upang mapantayan ni Sara ang rekord ni Gloria bilang pinakamahabang naglingkurang presidente ng Pilipinas maliban sa matandang Marcos?

Kailan nanumpa si Bongbong bilang presidente? Hunyo 30, 2022. Upang mapantayan ni Sara si Gloria sa haba ng panunungkulan, kailangang maging presidente siya nang hindi aaga sa Hulyo 1, 2024. Lampas na ang Hulyo 1, kaya anumang oras pagkaraan ng petsang iyun na humalili si Sara bilang presidente, kwalipikado na siyang tumakbo pang presidente sa susunod na eleksyong pampanguluhan sa 2027.

Mahirap bang intindihin ito?

Hindi naman. Maliwanag na ito ang aritmetik na sinunod sa paghalili ni Gloria kay Erap. Kung inagahan pa niya ng konti, halimbawa sa pagtatapos ng 2000, lalabas na mahigit na apat nang taon ang kanyang paninilbihan kung kaya sa eleksyon pampanguluhan noong 2004 ay hindi na siya kwalipikado pang tumakbo.

Ano ang tinutumbok ng pag-uusap na ito?

Na maging ang mga extra-constitutional na pagpapalit ng presidente sa Pilipinas ay iniaayon pa rin sa mga probisyon ng konstitusyon upang masagad ang mga biyaya na ibig tamuhin. Layunin ng Amerika na pigilan ang pagdurog ni Erap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaya kailangang tanggalin siya sa pwesto at palitan ng kaya nilang pasunurin sa kanilang naisin.

Sa administrasyon ni Gloria muntik nang matapyas ang Mindanao sa Pilipinas at sa gayon ay napagaan sana ang pagtatayo rito ng mga panibagong base militar ng Amerika. Hindi na kayang gawin ito kung dadaanin pa sa Senado  ng Pilipinas, na siyang kumitil sa Military Bases Agreement (MBA) sa Amerika noong 1991.

Handa nang lagdaan ang trinabaho ng Amerika na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD), ang pakikipagkasundo ng gobiyerno sa MILF tungkol sa paghihiwalay ng Mindanao. Subalit nagpetisyon sa Korte Suprema ang Cotabato, Zamboanga at Palawan, na tutol sa kasunduang biyakin ang republika. Bago pa nakapagdesisyon ang Korte Suprema, inutusan ni Gloria ang government panel sa negosasyon na huwag pumirna.

Sa pangalawang pagkakataon, unsiyami ang Estados Unidos sa paghahangad na muling buhayin ang kanyang mga base militar sa Pilipinas.

Naririto tayo ngayon sa kaguluhan ng Maisug. Sa pamamaraan ng pag-oorganisa, sa timing, kumbaga kaparehong-kapareho ng sa mga naunang people power, at sa tinutumbok na layuning pabagsakin ang nakaupong presidente, hindi maiiwasang hakain na itong bagong people power ay sa katunayan supling ng magulang ng people power sa Pilipinas?

Dito tayo dapat kilabutan. Sino ang magulang ng mga naunang people power? Di ba Amerika?

Ngayon, kung ang sukatan ng pagiging matagumpay ng people power ay ang pagiging supling nito ng Amerika, masasabi na sa tatlong people power na naganap sa Pilipinas, ang unang dalawa lamang ang supling ng Amerika. Nagbunga ang mga iyun ng pagbagsak ng nakaupong presidente at paghalili ng nilayong ipalit ng Amerika . Ang ikatlo na naglayong ibalik si Erap, ay iniatras gayong kubkob na nito ang Malakanyang.

Tandaan lagi, para sa people power sa Pilipinas ang maging matagumpay, ito ay dapat na pakana ng Kano.

Kung hindi, humanda kang mabigo.

Ngayon, saan papunta ang Maisug? Sa kabiguan o sa tagumpay?

Pero, unang tanong muna.

Ang Maisug ba ay supling o hindi ng Kano?

Kwidaw.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -