Ni Aurora E. Batnag
Usapang wika, usaping pangwika tayo sa bahaging ito ng ating paboritong Pinoy Peryodiko. At dahil Agosto ngayon, ano pa ba ang pinakaangkop na paksa kundi ang Buwan ng Wika na tinatawag ding Buwan ng Wikang Pambansa/Buwan ng mga Wika sa Pilipinas? Bakit ba tayo may taunang paggunita, pagpapahalaga at pagpupugay sa ating (mga) wika?
Tuwing Agosto, ipinagdiriwang natin ang tinatawag na Buwan ng Wika. Dati, isang buong linggo lamang ang taunang paggunita na ito, mula Agosto 13 hanggang Agosto 19. Pumapatak ang huling araw sa kaarawan ng yumaong Manuel L. Quezon, ang Ama ng Wikang Pambansa. Naging isang buong buwan ang pagdiriwang ayon sa Proklamasyon 1041 na nilagdaan noong 1997 ng Pangulo ng bansa noon, na si Fidel V. Ramos. Nagsimula ang isang buwang pagdiriwang noong Agosto 1998.
Isang hakbang na pasulong, ganito siguro ang pananaw ng marami, dahil mas humaba ang panahong iniuukol sa wika. Mas pinapahalagahan na ang wika. Pero alam ba ninyo na sa buong mundo, sa Pilipinas lamang may ganitong uri ng pagdiriwang?
Sa totoo lang, 11 buwan ng taon na isinasantabi natin ang sariling wika, at naaalala lamang itong pahalagahan kapag buwan ng Agosto.
Puro paimbabaw ang mga gawain – pagsusuot ng Filipiniana, talumpatian, atbp. Salamat na lamang at ngayon, marami nang makabuluhang gawain sa akademya tulad ng mga talakayang pangwika, mga paraan para lalong mapayaman at mapaunlad ang mga wika sa Pilipinas, mga patuluyang hakbang sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino, at iba pang kaugnay na mga proyekto.
Wika, diyalekto, bernakular
Kailangan munang linawin natin ang ilang mahalagang konsepto. Ano ba ang pagkakaiba ng wika sa diyalekto? Ano ang bernakular?
Una, linawin natin na ang Ilokano, Cebuano, Binisaya, Hiligaynon, Kapampangan, Pangasinan, Tausug, Boholano, Bikol, Maranao, at iba pa, ay mga hiwalay na wika, hindi diyalekto. Kapag nag-usap ang isang Tagalog at isang Boholano gamit ang sariling wika ng bawat isa, tiyak na hindi sila magkakaintindihan. Kasi, dalawang magkaibang wika ang gamit ng bawat isa. Samantala, kapag nag-usap ang isang Kabitenyo at isang Bulakenyo gamit ang sarili nilang anyo ng wikang Tagalog, tiyak na magkakaintindihan sila. Maaaring may kaunting pagkakaiba sa bigkas ng ilang salita, sa paggamit ng mga panlapi, o sa pagpili ng bokabularyo, pero magkakaintindihan pa rin sila. Bakit? Sapagkat iisang wika ang gamit nila, na maaring diyalekto ng Bulacan ang isa samantalang diyalekto naman ng Cavite ang isa pa.
Samakatuwid, ang diyalekto ay varayti ng isang wika.
Ano naman ang bernakular? Bahagi ng pananakop ang pagsupil, hindi lamang sa katawan ng mga sinasakop, kundi lalo na ang pagdurog sa kaakuhan at kaisipan ng mga ito. Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila (o Espanyol), napanatili nila nang matagal na panahon ang pangingibabaw dahil itinanim sa isip ng ating mga ninuno na tayo ay bayan ng mga alipin, na walang sariling kultura, ni wala ngang sariling wika. Isa lamang ang wika, ayon sa kanila, at ito ay ang wikang Kastila (o Espanyol). Ang wikang sinasalita ng ating mga ninuno ay tinawag nilang bernakular, o mga salitang ginagamit lamang sa mga gilid-gilid, sa mga laylayan o sa mga lugar na malayo sa sibilisasyon at kapangyarihan. Hindi wika ang mga ito. Hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa utak ng marami ang ganyang kaisipan, kaya nananatili rin ang paggamit ng mga salitang diyalekto at bernakular sa pagtukoy sa mga wika sa Pilipinas.
Panahon na para kilalanin ang mga wika sa Pilipinas bilang mga hiwalay na wika, hindi diyalekto, hindi rin bernakular. Dati, tinatawag na “mga wikang rehiyonal” ang Ilokano, Bisaya, Bikol, at iba pa. Pero ngayon, marami ang nagsasabing hindi na “politically correct” ang ganitong termino, dahil para bang sinasabi na rin na “second class languages” ang mga ito. Ang totoo, walang hirerkiya o pag-aantas-antas ng mga wika. Lahat ng wika ay mahalaga, milyon-milyon man ang tagapagsalita nito, o kaunti lamang. Bawat wika ay singhalaga ng iba pa. dahil taglay ng bawat wika ang natatanging kultura ng mga tagapagsalita nito.
Samakatwid, ang tamang termino ay “mga wika sa Pilipinas.”
Ilan ang wika sa Pilipinas?
May nagsasabing 120 -187 ang mga buhay na katutubong wika sa Pilipinas. Sa Komisyon sa Wikang Filipino, 130 ang mga wika natin.
Magkakaiba man ang bilang, sinasabi ng mga datos na mahigit sandaan ang mga wikang katutubo sa ating bansa. Isang patunay ito sa mayamang dibersidad ng ating bansa. Dapat natin itong pahalagahan at pagyamanin. Sa kasamaang palad, may mga wikang namamatay na, may mga wikang nanganganib nang mawala, at may mga wika namang malakas at masigla. Namamatay ang wika, pati na ang mga diyalekto nito, dahil sa maraming factor, halimbawa, migrasyon o paglipat ng populasyon sa ibang lugar, o pagkaunti at pagkamatay ng populasyon.
Ayon sa 2020 survey, ang Tagalog ang may pinakaraming tagapagsalita, na may 10,522,507 o 39.875% ng populasyon (batay sa 26,388,864 households). Sinundan ito ng Bisaya/Binisaya, 4,214,122 o 15.969%, at ng Hiligaynon/Ilonggo, 1,933,512 o 7.327%. Ang iba pang mga wika ay Ilocano, 1,863,409 (7.061%); Cebuano, Bikol, Kapampangan, Maguindanao, Pangasinan, Boholano, Tausug, Maranao, at iba pa.