PATULOY ang pag-aangkin ng Nueva Vizcaya at Pangasinan sa isang baryo na may potensyal na maging sikat na destinasyon ng mga turista dahil sa angkin nitong ganda at klimang mas malamig kaysa sa Baguio City, ang ‘Summer Capital’ ng Pilipinas.
Ayon kay Nueva Vizcaya Provincial Governor Atty. Jose Gambito, sa kaniyang lalawigan ang Malico ay bahagi ng bayan ng Sta. Fe subalit, para kay Pangasinan Governor Rommel Guico, bahagi ang Malico ng San Nicolas na isang munisipalidad sa kanyang lalawigan.
Nauna lamang nagawa ang kalsada mula sa Sta. Fe ng Nueva Vizcaya kung kaya naging mas madali para rito ang magtungo sa Malico samantalang nitong 2020 lamang nabuksan ang 23-kilometerong Pangasinan-Nueva Vizcaya Road, ayon kay Guico.
Pinagkakagastusan ng Pangasinan ang Malico
May dalawang dekada na ang pag-aagawan sa Malico at sa loob ng maraming taon, naglalaan ng mga serbisyo publiko at pondo ang lalawigan ng Pangasinan dito.
Nagpagawa ng poso sa lugar ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan sa ilalim ng nakaraan pang administrasyon ni dating Governor Victor Agbayani upang solusyunan ang kakulangan ng irigasyon sa naturang lugar.
Nakasaad ito sa isang Memorandum of Agreement (MoA) na nilagdaan noon nina Gov. Agbayani ng noon ay punong barangay ng Malico na si Joseph Tindaan.
May dalawang paaralan din — isang elementarya at isang sekondarya — ang nasa Sta. Fe at dibisyon ng Department of Education ng Pangasinan ang nakasasakop sa mga paaralang ito.
Noong Oktubre 19, 2022, nagtungo sa kauna-unahang pagkakataon is Governor Guico sa Malico at nakinig sa mga hinaing ng mga residente doon na nangangailangan ng mga serbisyo publiko.
Sa pagbabalik ng gobernador noong Marso 20, 2023 pinangunahan niya ang Barangay Disaster Operations Center.
Sinundan ito ng pagsasanay sa ‘Climate Change Adaptation and Mitigation-Disaster Risk Reduction and Basic Life Support’ na isinagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pangasinan.
Bukod sa barangay disaster operations center, plano rin ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan na magtayo doon ng tourism office at barracks ng Philippine National Police (PNP).
Kamakailan nga lamang, naglaan ng P200 milyon ang pamahalaang panlalawigan para sa pagde-develop ng lugar para maging ‘Summer Capital’ ng Pangasinan at makapaglaan ng mga serbisyo medikal at iba pa.
Makakasuhan ng CoA
Binalaan ni Governor Gambito ng Nueva Vizcaya ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan na maaari silang makasuhan ng Commission on Audit (CoA) kung itutuloy nito ang paglalaan ng pondo sa hindi naman nila teritoryo.
Aniya, panay ang pagpopondo ng Pangasinan gamit ang iba’t ibang proyekto upang makuha nito ang kontrol sa Malico gayong wala namang usapin sa hangganan kung tutuusin dahil bahagi ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya ito.
Katunayan aniya, Nueva Vizcaya Electric Cooperative (Nuvelco) ang nagsusupply ng kuryente sa Malico.
Higit sa lahat, ayon kay Gambito, lumalabas sa resulta ng survey na isinagawa ng National Mapping and Resource Information Authority (Namria), na sa kanila ang Malico.
Pinagbabasehan, aniya, pagdating sa mga hangganan ng mga lalawigan ang survey ng Namria at hindi ang cadastral survey.
Binigyang-diin din ni Governor Gambito ang di pagtupad ng Pangasinan sa usapan na pareho silang magbabayad ng P600,000 para sa pagsusurvey ng Namria.
Hindi, aniya, tumupad ang Pangasinan dahil nalaman nitong hindi pumabor sa kanila ang resulta ng Namria.
Kakaibang set-up sa Malico
Tahimik ang pamumuhay ng mga taga Malico sa kabila ng pag-aagawan ng dalawang lalawigan ngunit tunay na hindi malinaw kung alin ang kanilang lalawigan.
Tatlong bayan ang umaangkin sa Malico — ang bayan ng San Nicolas na sakop ng Pangasinan at ang Sta. Fe at Sta. Cruz, Bagabag ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Roy Bitgan, isang konsehal ng barangay Malico, bago pa man sya naupo sa pwesto, kakaiba na ang set-up sa kanilang barangay, base sa ulat ng Philippine News Agency.
Magkatabi ang barangay hall ng Malico na nasa Sta. Fe na sakop ng Nueva Vizcaya at ang high school ng Malico na rehistrado naman sa San Nicolas ng Pangasinan.
Pero kung nasa Nueva Vizcaya ang barangay hall, may kapitbahay naman si konsehal Bitgan na rehistradong botante ng San Nicolas.
Sa kabila ng kalituhan, nagbebenepisyo naman ang mga residente sa kakaibang sitwasyon na ito dahil dalawang lalawigan ang nagbibigay sa kanila ang serbisyo publiko.
Subalit, pagdating sa koleksyon sa turismo, tatlong bayan din ang naghahati-hati rito.
Gayundin, dalawa rin ang nagbibigay ng ordinansa kung kaya kailangan din ng mga residente na maging malinaw kung saan nga ba sila kabilang na lalawigan upang maipatupad ng maayos ang mga ito.