IKINATUWA ng Department of Education (DepEd) Mimaropa ang karagdagang benepisyo para sa mga guro na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA).
Sinabi ni DepEd Assistant Regional Director Cherrylou Repia, sa ginanap kamakailan na 2nd Quarter Regional Virtual Press Conference, na ang naghihintay na mga dagdag-benepisyo sa mga guro ay maituturing na pagbibigay-halaga at pagkilala sa kontribusyon ng mga ito sa lipunan.
Naniniwala si Repia na malaki ang magagawa ng mga dagdag-benepisyo upang higit pang ma-motivate sa kanilang gawain ang mga guro at mas tumaas ang dedikasyon sa pagtuturo sa mga batang Pilipino.
Sinangayunan naman ni Occidental Mindoro Schools Division Superintendent Loida Adornado ang mga pahayag ni Repia.
Ayon kay Adornado, nakatutuwa na marinig mula mismo sa Pangulo na aprubado ang taas-sahod sa mga guro gayundin ang iba pang mga benepisyo partikular ang medical allowance.
Umaasa rin sya na sasapat ang mga dagdag-benepisyo upang mas magkaroon ng inspirasyon ang mahuhusay na guro na maglingkod sa bansa sa halip na magtrabaho sa ibayong dagat.
Samantala, ipinaliwanag din ni Adornado na tinutugunan ng Kagawaran ang usapin sa non-teaching tasks.
Ayon sa kanya, upang makatutok sa pagtuturo ang mga guro, kumuha ng mga non-teaching personnel ang DepEd na tutulong sa mga administrative task sa paaralan.
Sinabi pa ni Adornado na bagama’t hindi pa sapat ang bilang ng mga non-teaching personnel, malaking tulong pa rin ang mga ito sa mga gawain ng school heads. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)
Larawan sa taas mula sa DepEd MIMAROPA