26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Poverty incidence bilang isa sa pinakamahalagang economic indicator

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANO ang poverty incidence ng Pilipinas? Bumaba na ba ito pagkatapos umahon sa pandemya? Anu-ano ang mga salik na naka-influence sa pagtaas at pagbaba nito? Paano maihahambing ang performance ng Pilipinas sa mga kapitbansa sa Asean?

Ang poverty incidence ay isa sa mga pinakamahalagang economic indicators na binabantayan ng mga policymakers sa mga emerging economies. Sinusukat nito ang bahagdan ng populasyon na nasa ilalim ng per capita income threshold level na sapat para hindi magutom ang tao at mabibili niya ang pagkain na kailangan para mabuhay. Itinatalaga ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang per capita income threshold level  bawat taon at ito ay nasa lebel na P33,296 noong 2023. Ang pagbaba ng poverty incidence ay malaking patunay na may kaunlaran sa isang bansa at ang pag-unlad ay nakapagbibigay  benepisyo sa karamihan sa mga mamamayan.

Sa mga pag-aaral na ginawa ng Department of Finance (DoF), ang mga pinaka-significant na salik ng poverty reduction ay mataas na GDP growth. Kapag ang annual GDP growth ay mas mataas sa 5%, bumababa ang poverty incidence. Dumarami ang nalilikhang trabaho at nababawasan ang mga walang hanapbuhay. Ang kawalan ng hanapbuhay ay isa sa mga dahilan ng kahirapan. Kapag bumababa ang GDP growth sa 5%, tumataas o hindi gumagalaw ang poverty incidence.

Mataas ang economic growth kapag:

Una, fair o patas ang trade at tariff policy. Ang import substitution policy na pinagtibay ng Pilipinas noong 1950s at 1960s ang naglipat ng income mula sa rural economy (kasama ang mga magsasaka sa mga bukirin) patungo sa industrial sector na minamaneho ng mga mayamang mamumuhunan. Pinataas ng estratehiyang ito ang presyo ng mga produktong ginagawa ng mga may-ari ng paktorya habang binabaan naman ang presyo ng agrikultura at ng exports. Dahil dito’y malakas ang GDP growth rate noong 1950s ngunit nagsimula itong humina noong 1960s. Halos hindi gumalaw sa 50-60% ang poverty incidence noong panahong ito.  Nang tinanggal ang matataas na tariffs  at ginawang market-oriented ang exchange rate, naging export-oriented ang ekonomiya at natigil ang anti-agriculture bias ng ekonomiya.


Ikalawa, may malawak na fiscal space para masustentuhan ng pamahalaan ang mga programa sa kalusugan, edukasyon at inprastruktura na malaki ang kontribusyon sa paglago ng ekonomiya at ma-empower ang mga mahihirap para makibahagi sa mga benepisyo ng GDP growth. May social services na matatanggap ang mga mahihirap kapag may mga delubyo at sakuna. Dahil sa ayudang galing sa pamahalaan,  sila ay mabigyan ng pagkakataon na magsimula muli. Ngunit mas mababa sa 10% ang revenue effort ng Pilipinas hanggang 1985. Napakasikip ng fiscal space at pinakamababa ang infrastructure spending ng Pilipinas sa Asean 5. Nang umakyat ang infrastructure spending sa 5% ng GDP (kasama ang public-private partnerships) noong 2015-2019, umakyat ang GDP growth sa 6.6% at bumilis ang pagbaba ng poverty incidence sa 12.1% noong 2018, ang pinakamababang naabot ng bansa bago ang pandemya.

Ikatlo, may abot-kayang pautang para sa mga maliliit na negosyo at may proteksyon sa mga vagaries ng kalikasan. Bago 1997, umasa ang Pilipinas sa kinang ng directed credit programs (DCPs) ngunit ginamit lang ito sa pulitika at lalong nalugmok ang mga rural banks sa kalugihan dahil hindi nagbayad ang mga benepisyaryo ng programa.  Di rin gumanda ang pamumuhay ng mga benepisyaryo dahil nalustay naman ito sa mga proyektong walang kita. Ang microfinance program na pinatupad noong 1997 na walang subsidiya ng pamahalaan ay may malaking naiambag sa pagdami ang maliliit na negosyo na karamihan ay pag-aari at minamaneho ng mga nasa ilalim ng poverty line. Dito nagsimulang maging mas inclusive ang GDP growth. Ang microinsurance program ay malaki rin ang naiambag lalo na’t palaging nahahagupit ng delubyo ang Pilipinas. Kapag may bagyong hahaplit sa mga bukirin at mga maliliit na negosyo, nakatatanggap ng mga biktima ng halagang tutulong para maayos nilang muli ang kanilang mga buhay, maitayo muli ang kanilang mga bahay at muling simulan ang kanilang  kabuhayan. Kaya akmang-akma ang tawag sa produktong microinsurance na “bahay-buhay-kabuhayan.” Bawat 1 milyong household na masakop ng microfinance, bumababa ang poverty incidence ng 2%.

Ang ikalawang mahalagang salik ay ang manageable na inflation o katanggap-tanggap na pagtaas ng mga presyo lalo na sa pagkain at basic commodities. Ang inflation rate ay dapat nasa gitna ng 2 to 4%, ayon sa programa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Kapag tumaas ang food inflation ng 1%, tumataas ang poverty index ng 1.3%. Ayon sa pag-aaral ng Department of Finance, base sa populasyon ngayong taon na 115 milyon, bawat 1% na pagtaas ng ptesyo ay nagpaparami ang mga taong nasa ilalim ng poverty line ng 1.34 milyon.  Ngunit nababawasan ito kapag tumaas ang GDP growth. Sa bawat 1% na pagtaas ng GDP, bumababa ang nasa ilalim ng poverty line ng 0.01% o 1.15 milyong pamilya base sa populasyon ngayong taon.

Dahil sa pandemya, noong 2021, ang poverty incidence ng Pilipinas ay umakyat sa 18.1% base sa populasyon at 13.2% base sa pamilya mula sa 16.7% at 12.1%, respectively, noong 2018. Ngunit ito’y bumaba sa 15.5% at 10.9%, respectively, noong 2023. Ang pagbaba ay dahil umakyat ang GDP growth rate sa 7.6% noong 2022 at sinundan ng 5.7% noong 2023. (Table 1)

- Advertisement -

Gumanda man ang performance ng ekonomiya noong dekada ng 2010s, naungusan ang Pilipinas ng mga kapitbansa sa Asean na Indonesia at Thailand sa poverty incidence. Noong 2021/23, gamit ang national poverty thresholds ng 4 na bansa sa ASEAN kabilang ang Pilipinas, Indonesia, Thailand at Vietnam, ang Pilipinas ay may pinakamataas na poverty incidence. Nasa 15.5% sa populasyon ng Pilipinas ay may kitang mas mababa sa poverty threshold kumpara sa 9.5% ng Indonesia,  6.8% ng Thailand at  4.2% ng Vietnam. Ang Vietnam na dati ay mas mataas ang poverty incidence noong 1993/94 ay mas mababa na ngayon sa Pilipinas. (Table 2)

Mas mabagal ang pagbaba ng poverty incidence sa Pilipinas dahil mas mas mababa ang average GDP growth rate natin, maliban sa Thailand,  noong 2000-2023 at mas mataas ang ating inflation rate lalo na sa pagkain. (Table 3) Kailangan pa ng mas maraming taon na magandang GDP growth at pagpapahusay ng food production para maabot natin ang narating ng ating mga kasamahan sa Asean.

 

Table 1. POVERTY INCIDENCE, 2018-2023
2018 2021 2023
Population (Millions) 17.67 19.99 17.4
    % of Total 16.70% 18.10% 15.50%
Families (Millions) 3.0 3.5 3.0
    % of Total 12.10% 13.20% 10.90%
Source: Philippine Statistics Authority

 

Table 2.  POVERTY INCIDENCE (% OF POPULATION), ASEAN 4
Using national threshold methodologies
Philippines Indonesia Thailand Vietnam
1993/94 40.6% 17.7% 13.0% 50.9%
2000 39.4% 19.1% 14.2% 37.0%
2015 23.6% 11.2% 7.2% 7.0%
2021/23 15.5% 9.5% 6.8% 4.2%
Source: ASEAN Statistical Yearbook

 

Table 3. GDP GROWTH AT INFLATION SA ASEAN 4, 2000-2023
Average Average
GDP Growth Consumer

Inflation

PHILIPPINES 4.9% 4.5%
INDONESIA 5.3% 2.5%
THAILAND 3.8% 1.9%
VIETNAM 6.7% 2.9%
Source: ASEAN Statistical Yearbook

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -