26.7 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

Bawat wika, mahalaga: Nagkakaisang pahayag ng pagtutol sa Senate Bill No. 2457

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGKAKAISA ang Sentro ng Wikang Filipino, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Departamento ng Linggwistiks, at Kolehiyo ng Edukasyon Larang ng Edukasyong Pangwika ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa mariing pagtutol sa Senate Bill No. 2457 na nagpapahinto sa paggamit ng unang wika bilang midyum ng pagtuturo, na naestablisa sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 74, serye 2009 ng Kagawaran ng Edukasyon [Institutionalizing Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE)] at pormal na iniatas ng Batas Republika Blg. 10533 [Enhanced Basic Education Act of 2013]. Ang hakbang na ito ng Senado ay nagdadala ng maraming panganib at salungat sa adhikain ng isang edukasyong ingklusibo, makamamamayan, at makabansa.

Ngayong nasa panahon tayo ng Pandaigdigang Dekada ng Katutubong Wika (2022-2032) na idineklara ng United Nations General Assembly, paurong na pagkilos ang pagpapatigil sa paggamit ng unang wika bilang midyum ng pagtuturo. Isa itong anyo ng opresyon na lumalabag sa prinsipyo ng pantay-pantay na pagkakataon sa edukasyon ng kabataang Pilipino. Bilang multilingguwal na bansa, higit na marapat na maging direksiyon ng Pilipinas ang pagtataguyod ng mga katutubong wika na pangunahing nagpapayaman sa wikang Filipino sang-ayon sa Konstitusyong 1987.

Sa agos ng kasaysayan mula pa man noong ikadalawampung dantaon (1900s), iba’t ibang eksperimento at pananaliksik, at mismong ang pamahalaan sa ulat ng Edcom 1 at Kagawaran ng Edukasyon, susugan pa ng Unesco, ang nagpapatunay na ang mabisang midyum sa pagtuturo ay ang unang wika ng mag-aaral (Department of Education 2016; Ocampo et al., 2009, ph. 27; The Second Congressional Commission on Education, 2024, ph. 123; United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization, w. p.). Partikular, sa saliksik nina Walter at Dekker (2011), naipahayag na ang paggamit ng unang wika bilang wikang panturo sa primaryang antas ng edukasyon ay nagpapabuti sa pagkatuto ng mga bata at nagiging pundasyon sa kanilang pag-aaral ng ibang wika. Gayundin, ayon kina Malone (2007) at Thomas at Collier (1997, ph. 15-16), ang mga estudyanteng natuto sa kanilang unang wika ay mas nagiging matagumpay sa kanilang akademikong paglalakbay.

Nakapanghihinayang din ang pagsisikap ng mga guro at eksperto sa wika, maging ng Kagawaran ng Edukasyon, na maisama sa nirebisang 2023 K to 10 Matatag Curriculum ang isang progresibong balangkas sa wikang panturo na gamitin ang unang wika ng mga bata bilang pangunahing Medium of Teaching and Learning (MOTL) sa Kinder hanggang Baitang 3 at maging wikang pantulong sa instruksiyon hanggang Baitang 10. Binibigyang-diin ng kalalabas lamang na Kautusang Pangkagawaran Blg. 010, serye 2024 [Policy Guidelines on the Implementation of the Matatag Curriculum] noong  Hulyo 23, 2024 ang pagpapatupad ng isang ingklusibo at konstruktibistang edukasyon na nakasalig sa batayang karapatan ng mga mag-aaral at gurong gamitin ang wikang nauunawaan nila sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Ang biglaang pagpasá ng Senate Bill No. 2457 na nagpapahinto sa ganitong hakbang ay hindi lamang nagpapakita ng kawalan ng konsultasyon ng mga mambabatas sa mga guro at opisyal ng DepEd, kundi tahasang pagtalikod sa batayang prinsipyo ng edukasyon (DepEd, 2024, ph. 41).

Samantala, ang sinasabing pagbabalik sa bilingguwal na patakaran ng Filipino at Ingles ay, sa katotohanan, pagpoposisyon lamang sa patuloy na pamamayagpag ng wikang Ingles at ng kaisipang maka-Ingles na tumitingin sa nasabing wika bilang higit na intelektuwal at sopistikado kompara sa pambansa at mga lokal na wika. Kaugnay ng ganitong sitwasyon, higit na dehado ang mga batang Pilipino dahil pilit nang itinuturo ang mga asignaturang gaya ng Agham at Matematika sa Ingles habang inaaral pa lamang ang wikang ito. Sinasalamin ang pagkadehadong ito ng pagbagsak ng ating kabataan sa pagsusulit na kinukuha sa wikang Ingles habang sa ibang bansa ay nasa sarili nilang wika, tulad sa Southeast Asia Primary Learning Metrics o SEA-PLM at Programme for International Student Assessment o PISA (The Second Congressional Commission on Education, 2024, ph. 101-102).

Sa halip na itigil ang MTB-MLE, higit na makabubuti na tasahin at solusyonan ang mga isyu sa kasalukuyang polisiya (Monje et al., 2019). Dapat na paigtingin ang suporta sa mga institusyon para sa paggamit ng ating mga katutubong wika sa edukasyon at lumikha ng mga mekanismo na makapagbibigay ng mas epektibong tulong sa mga guro at mag-aaral. Napatunayan na ng mga inisyatibang sama-samang binuo ng mga akademikong institusyon, pamahalaan, organisasyon, at katutubong pamayanan na hindi imposibleng maisakatuparan ang mga proyekto para sa mga katutubong wika. Maibibigay na mga halimbawa ang pagbuo ng Buhid Dictionary para sa pagdodokumento ng wika ng Buhid Mangyan sa Mindoro (Bacolod, Or, at Tugas, 2022), ang dokumentasyon ng wikang Ibatan sa Babuyan Claro, na magbubunga ng mga materyal para sa pamayanan (Gallego, 2019), ang pagtutulungan ng iba’t ibang institusyon para sa pagbubuo ng ortograpiya ng wikang Bugkalot (Asuncion, 2024), at ang Project Marayum, na naglilinang ng mga online na diksiyonaryo upang makatulong sa preserbasyon ng mga nanganganib na wika sa Pilipinas (Sadural, 2021).

Ang aming mariing pagtutol sa Senate Bill No. 2457 ay nakaugat sa pagkilala sa lingguwistikong karapatan ng mga Pilipino at sa mayamang kultura ng Pilipinas. Tumitindig kami sang-ayon sa prinsipyo ng Patakarang Pangwika ng Unibersidad ng Pilipinas na kumikilala sa mga lokal na wika bilang bukal ng wikang Filipino at kung gayon, marapat na patuloy na itaguyod at paunlarin sa akademya. Kailanman, ang unang wika ay hindi hadlang sa pagkakaisa, bagkus isang tulay sa mas malalim na pagkakaunawaan at pagkatuto para sa paghubog ng mga epektibong mamamayan at matatag na bayan.

Ibasura ang Senate Bill No. 2457!
Isulong ang ating mga katutubong wika para sa malaya at mapagpalayang edukasyon! Mula sa Facebook page ng Sentro ng Wikang Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -