SA isang pagdinig ng Committee on Health and Demography ng Senado nitong Martes, July 30, 2024, dinetalye ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang mabilis na disbursement ng pondo para sa Health Emergency Allowance (HEA) ng mga health care workers na bahagi ng apela ng standing committee.
“Kung maaalala n’yo po, nagkaro’n po tayo ng hearing two months ago that you [Sen. Bong Go] requested us po, the DBM and the DOH, to coordinate and fast track po if possible yung release po ng balance nung ating health emergency allowance,” pambungad ni Secretary Mina sa nasabing pagdinig.
Hinarap ng Budget Secretary ang Senate Panel, na pinangungunahan ni Senator Go, kung saan kanyang binalangkas ang release process ng pondong inilaan para mabayaran ang outstanding HEA arrears.
“The DoH requested an amount of more than PhP27 billion, so the DBM, under SARO No. BMB-B-24005240 dated July 5, 2024, as well as the corresponding cash requirement issued under NCA-BMB-B-24-009106 to cover the payment for public health emergency benefits allowance of eligible health care workers and non-health workers was released,” paliwanag ni Secretary Pangandaman.
“Nailabas na po namin nung July 5 ‘yung SARO at yung NCA para po mai-distribute na po ‘yung balanse. Naka-address po ito sa Department of Health dahil sila po ang mag-i-implement po ng distribution,” pagtatapos ng Kalihim.
Gaya ng hinihiling ng Department of Health, in-isyu ng DBM ang Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na P27.453 billion upang mabayaran ang 4,283 COVID-19 Sickness and Death Compensation claims ng mga eligible healthcare at non-healthcare personnel, kabilang na ang 5,039,926 na validated subalit hindi pa nababayarang Health Emergency Allowance.
“Nagpapasalamat po kami kay Sec. Amenah dahil nagawan nila ng paraan na mailabas ang pondo para sa HEA. Ini-expect po namin 2025 pa pero nagawan po nila ng paraan na mailabas na ang pondo ngayon,” pahayag ni United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHPAP) Spokesperson Ronald Ignacio.
Ang pagsasaayos ng lahat ng unpaid arrears para sa HEA ay iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. Binibigyang-diin ng direktibang ito ang dedikasyon ng administrasyon para sa inisyatibo na “Bagong Pilipinas,” na naglalayong ituwid ang mga isyu sa healthcare sector, at siguruhin ang ang maagap at sapat na suporta para sa healthcare professionals ng bansa.