KAHAPON, Agosto 1, ginugunita ng bansa ang ika-80 anibersaryo ng kamatayan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, o mas kilala bilang “Ama ng Wikang Pambansa.”
Nagsilbing haligi si Quezon sa pagsulong na magkaroon ng isang lingua franca o pangunahing wika tungo sa pagkakabuklod-buklod ng bawat Pilipino.
Itinatag ang Institute of National Language (INL) noong 1939 sa bisa ng Commonwealth Act No. 184 upang simulan ang mga hakbangin sa pagbuo ng isang Wikang Pambansa. Ito ay kilala na ngayon bilang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na may layuning patuloy na paunlarin at linangin ang Wikang Filipino alinsunod sa Republic Act. No. 7104.
Hindi maitatanggi na ang Wikang Filipino ay sumasalamin sa diwa ng pagiging isang Pilipino. Isa itong makapangyarihang instrumento na may kakayahang pagyamanin ang ating kultura at kasaysayan mula sa kasalukuyang panahon hanggang sa mga susunod na henerasyon.
Paano na kapag nawala ang ating wika?
Ayon sa mga nakalap na datos ng United Nations Permanent Forum on Indigenous Issues (UNPFII), tinatayang nasa 95 porsyento ng mga lenggwahe sa buong mundo ang nanganganib na mawala sa pagtatapos ng 21st century.
Kada dalawang linggo, may isang wika rin na namamatay at tuluyang nawawala sa sisidlan ng kaalaman ng pamayanan. Karamihan dito ay mga katutubong wika.
Sa kasalukuyan, mayroong 135 na katutubong wika ang Pilipinas na maaari ring tuluyang mabaon sa limot kung ipagsasawalang bahala ang kahalagahan ng wika.
“Nakakabahala ang mga datos na ito dahil ang pagkamatay ng isang wika ay hindi lamang nangangahulugan ng pagkawala ng kultura. Nangangahulugan din ito ng pagkawala ng isang buong sibilisasyon, kabilang na rito ang bahagi ng kasaysayan, kaalaman, karanasan, at pagkakaintindihan ng mga tao,” wika ni Alkalde Joy Belmonte ng Lungsod Quezon sa Pambungad na Programa para sa Buwan ng Wikang Pambansa 2024.
Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay ipinagdiriwang ng mga Pilipino tuwing Agosto bilang tugon sa mga suliraning kinakaharap ng bansa patungkol sa preserbasyon ng Wikang Filipino. Ito rin ay nagsisilbing pagkilala sa mga naging pagsisikap ni dating Pangulong Manuel L. Quezon sa pagsusulong ng Wikang Pambansa.
Paano na ginagamit ang Wikang Filipino?
Malayo na ang narating ng mga Pilipino sa aspeto ng pakikipag-ugnayan. Maraming mga salita na rin ang nabuo bunga ng makulay na pakikipagtalastasan ng bawat isa.
Ang paggamit ng mga slangs o mga pamilyar na kataga ay isa sa mga sentro ng patuloy na ebolusyon ng Wikang Filipino.
Tuwing may pagsasalo, ang mga katagang “tara, kain na!,” ay napalitan na ng ekspresyong “tara, tsibog!”
Ang katagang sumisimbolo sa “tiwala sa kakayahan” o “pagsang-ayon” ay hindi na maririnig ng wala ang salitang “keri.”
Naging parte na rin ng popular na kultura ng mga Pilipino, partikular na ng mga kabataan, ang pagbabaliktad ng mga salita gaya ng “petmalu” (malupit) at “dehins” (hindi) sa pagbuo ng mas malalim na koneksyon sa isa’t isa.
Keri ba ito kay Quezon?
“Sa tingin ko hindi naman magiging problema sa kaniya. Unang una kasi, si Quezon, marunong mag-Kastila, marunong mag-English, marunong mag-Tagalog. Hindi naman iba sa kanya ‘yung ibang wika at salita,” pahayag ni Emilio Quezon Avancena, isa sa mga apo ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Ayon pa kay Avancena, magandang indikasyon ang paggamit ng mga pamilyar na salita halaw sa wikang Filipino para sa patuloy na ebolusyon ng Wikang Pambansa.
“Sa tingin ko, importanteng maintindihan natin na ‘yung wika, organic ‘yan. Nage-evolve ‘yan base sa mga karanasan natin, base mga nararamdaman natin. Sign ‘yan ng kalusugan ng isang wika pag nage-evolve siya. Ibig sabihin, nadadagdagan, lumalalim, dumadami,” aniya.
“It’s a sign of good health for a language to be evolving. Nage-evolve ‘yan kasi ang nagpapalit doon sa language ay ‘yung mga gumagamit. So kapag maraming pagbabago, ibig sabihin, maraming gumagamit at pang-araw-araw talaga,” dagdag pa ni Avancena.
Tunay nga na nagiging praktikal na ang gamit ng Wikang Filipino na siya ring nagiging tulay sa pagkakabuklod-buklod ng mga Pilipino.
Ang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taong 2024 ay may temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya.” Sinasalamin nito ang makabuluhang ugnayan ng wika at kasaysayan na parehong may malaking bahagi sa pagkakakilanlan ng bawat Pilipino. (JMP/PIA-NCR)
CAPTION
Kuha mula sa panayam ng Philippine Information Agency-National Capital Region kay Emilio Quezon Avancena, apo ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Binigyang diin ni G. Emilio Quezon Avancena na wika ang nagsisilbing diwa ng paggiging isang Pilipino tungo sa pagtatag ng isang malaya, matibay at makataong sambayanan sa kanyang mensahe para sa Pambungad na Programa ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024.