BICOLANO ako, at sa sinilangan kong bayan ng Calolbon sa Catanduanes, ang nakagisnan kong kahulugan ng “Maisug” ay “matapang” o “mabangis”. Bilang Bicolano, malaking kabiguan ang naging dating sa akin ng huling rally ng Maisug sa Angeles, Pampanga. Mantakin nyo ba naman. Bantog nang pamilya Duterte ang may pakana sa Maisug, na ang matingkad na panawagan ay magbitiw na sa pwesto bilang presidente si Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Maliwanag na simpleng one plus one lang, layunin ng kilusang Maisug na ngayon pa lang ay iluklok na bilang Pangulo si Bise Presidente Sara Duterte. Bilang Pangalawang Pangulo, awtomatikong hahaliling presidente si Sara oras na bumaba ng panguluhan si Bongbong.
Kaya naroroon ang siste. Pababain si Bongbong para maging presidente si Sara.
Subalit kakatwa ang nangyari sa Angeles noong nakaraang linggo. Pagbungad ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa entablado pagkaraang ipakilala upang magsalita, masigabong hiyawan ang isinalubong sa kanya ng karamihan sa mga tagapakinig: “Marcos, Marcos, Marcos kami.” Bawat isa ay nagtataas ng plakard na naleletrahan ng “BBM.”
Kung meron mang isang bagay na nangibabaw sa hiyawan, iyun ay ang kalmado na pagtanggap dito ni Mayor Baste. Maliwanag na nahihiya pa nga at hindi malaman ang gagawin, habang mahaba rin ang sandaling ginugol bago sinimulan ang talumpati.
“Tama na po,” sa wakas ay namutawi sa kanyang mga labi.
Kung baga sa boksing, ibinato na ang tuwalya, tanda na suko na ang kalaban.
Kamot ang batok, nakiusap ni Baste, “Tama na. Maupo na po kayo “
Kinabukasan, laman ng mga balita, ang Maisug rally sa Angeles ay hindi pinigil. Sa isang video, ipinaliwanag ni Mayor Baste na layunin ng kilusang Maisug na linawin sa bayan ang mga problemang kinakaharap. Aniya’y malungkot na sa halip na ito ay pakinggan, ang Maisug rally ay sinupil sa pamamagitan halimbawa ng panghaharang ng mga naglalakihang dump truck, kagaya ng nangyari sa Iloilo at Dumaguete.
Sa pagpapatuloy sa wakas ng rali sa Angeles, pinapurihan ni Mayor Baste ang mga Pampanguenyo at tinawag ang okasyon bilang siyang tunay na “Maisug Rally.”
Kung pag-uusapan ang tapang at bangis ng kalakhan sa rali na humihiyaw ng “Marcos, Marcos, Marcos kami!,” angkop nga ang turing na “maisug” ang pagtitipon. Talaga namang walang maipagkakamali sa kagustuhang inihihiyaw – na huwag bumaba ng pwesto si Bongbong. Subalit kung pagbabatayan ang di-maikubli na pagkapahiya ng mayor ng Davao City, ang ipinangangalandakang “maisug” ay naging “maurag” lamang.
Ano ang “maurag”? Salitang Bikol din na maaaring isalin sa “magaling,” “maporma,” “hambog,” “mapamaraan” at kung anu-ano pang katangian ng pagiging mahina subalit mapangahas at mapagkunwaring angat sa karaniwan.
Saan patungo ang diskusyon na ito?
Kung susuriing mabuti, ang “Maisug” ay pangalang inangkin ng kilusang biglang binuhay ng hidwaang namagitan kina Presidente Marcos Jr. at dating Presidente Rodrigo Roa Duterte oras na sinang-ayunan ni Bongbong ang pag-imbestiga ng International Criminal Court (ICC) sa extrajudicial killings (EJK) na ibinintang kay PRRD kaugnay ng kanyang giyera kontra iligal na droga. Noon nasaksihan ang pagguho ng dati’y ipinagpalagay na matibay na moog ng pagkakaisa ng Uniteam na pinapagwagi ng 31 milyong botante sa halalang pampanguluhan ng 2021. Ang Uniteam ay lumitaw na di matitinag sa simula ng Bongbong administrasyon. Kung sa maraming pagkakataon sa nakaraan ay halos dekorasyon lamang ang bise presidente ng Pilipinas, sa panahon ni Bongbong aktibong naging bahagi si Bise Presidente Sara Duterte ng gabinete bilang kalihim ng Departamento ng Edukasyon. Kabilang sa mga biyayang pampagaan sa trabaho ng kalihim ay ang P125 milyon lihim na intelligence fund (ibig sabihin, hindi kailangang kwentahin kung paano ginasta).
Biglang bulaga ang desisyon ni Bongbong na payagan ang ICC na imbestigahan ang mga ibinibintang na EJK kay Duterte. Dito nakitaan si PRRD ng biglang pagpatutsada ng diumano’y kasugapaan ni Bongbong sa droga.
“Bangag noon, bangag ngayon,” bintang ng Digong.
Isang nabulgar na dokumento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kinilalang totoo ng isang dating ahente ng ahensya.
Samantala, ang Sonshine Media Network International (SMNI) na pag-aari ni Apollo C. Quiboloy, Punong Ministro ng Kingdom of Jesus Christ, ay naging masugid na tagapagtanggol ni PRRD sa kaso nito sa ICC at ng imbestigasyon ng Kongreso sa confidential intelligence fund ni Bise Presidente Duterte.
Ang dalawang nabanggit na kontrobersya ay naging tuluyang laman ng mga komentaryo nina dating Spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Dr. Lorraine Badoy at dating cadre ng Communist Party of the Philippines (CPP) Ka Eric Celis kaugnay ng imbestigasyon ng Kongreso sa prankisa ng SMNI, partikular sa motibo hinggil dito ni House Speaker Martin Romualdez. Dalawang araw ding ikinulong ng Kongreso sina Badoy at Celis bunga ng kanilang mga komentaryo.
Sa paglala ng kontrobersya, tuluyan nang tinanggalan ng prankisa ang SMNI at si Quiboloy ay inisyuhan ng warrant of arrest kaugnay ng mga kasong kriminal na iniharap sa kanya sa korte.
Hanggang sa sinusulat ang kolumn na ito, nakukubkob pa ng Philippine National Police (PNP) ang “kaharian” ng Kingdom of Jesus Christ na pinaniniwalaang pinagtataguan ni Quiboloy — na sumumpang hindi susuko at magpapahuli lamang na patay.