Juan, nakinig ka ba sa SONA ng ating Pangulo?
Uncle, nagkatrapik trapik nga ako sa paguwi. Dahil daw sa SONA? Ano ba yun?
Ang SONA o ang State of the Nation Address ay ginagawa ng Pangulo kada taon tuwing Hulyo bago magbukas muli ang Kongreso.
Juan, ang SONA ay ang paglalahad ng mga nagawa ng Pangulo at ang kanyang Kabinete tungkol sa mga polisiya at programa na makakapagbigay ng magandang buhay sa bawa’t Pilipino.
Ito ay mahalaga sa ating mga mamamayan para alam natin kung may pag-asa ba tayo sa pagbangon sa kahirapan at kung ang kinabukasan ba natin ay lumiliwanag o lalo lang dumidilim sa mga mali at mapuwerwisyong kalakaran ng ating pamahalaan.
Uncle, ano ba ang mga sinabi ng Pangulo?
Marami, Juan. Natural, lahat ng sinabi nya ay natatangj’t magagandang bagay na ginawa nya para sa ekonomiya at sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan.
Ang tunay na magpapatotoo nyan ay tayong bayan pa rin, Juan. Tayo at ang pakiramdam natin sa buhay dito sa bayan nating Pilipinas ang tanging ebidensya kung tama ba ang kuwento ng ating Pangulo.
Parang sa pinansyal mong buhay, Juan. Gusto mo bang magpakatotoo? Ano bang sarili mong SONA sa iyong financial health o kalusugan sa aspeto ng pananalapi?
Dapat taon-taon ay gumagawa tayo ng sarili nating SONA para malaman natin kung nasan na tayo sa ating mga pangarap sa buhay. Ito at para masuri natin kung sapat na ba ang ginagawa natin para tayo ay makabuo ng stable na pinansyal na sitwasyon, kung may pagkukulang ba sa dapat pa nating ginagawa para mas guminhawa pa tayo, at kung may mga malaking pagbabago sa ating buhay na nakaapekto sa mga pinansyal nating mga desisyon.
Ang karaniwang batayan kung tayo ay may magandang kalusugan sa pinansyal nating buhay ay kung meron tayong pumapasok na steady income, kung hindi tayo gumagastos ng sobra sa ating kinikita, kung hindi tayo lubog sa utang, kung maganda ang kita ng ating mga investments o kung lumalaki ang cash balance natin.
May mga basic din na mga tanong tulad ng:
- Gaano ka ba kahanda sa mga biglaang mga pangyayari? May emergency fund ka ba?
- Ano ba iyong net worth? Positibo ba o negatibo?
- Meron ka na ba ng lahat ng pangangailangan sa buhay? Paano ang iyong mga luho?
- Anong porsiyento ng utang mo ang may mataas na interest rate tulad ng credit card?
- Nag-iipon ka ba para sa iyong retirement?
- May sapat ka bang insurance para sa kalusugan o sa buhay ?
Bibigyan kita ng mga hakbang kung paano mo gagawin ang personal mong SONA tungkol sa iyong financial health. Tawagin natin itong SONATA ng iyong buhay.
S- uriin mo ang mga naging pagbabago sa buhay mo nung nakaraang buong taon. Nagpalit ka ba ng trabaho? Bagong kasal ka ba o bagong hiwalay? May bago ka bang anak? Nakatanggao ka ba ng mana? Bumili ng bagong bahay? O nagretire ka ba? Kahit anong pagbabago ay may epekto sa iyong pinansyal na pamumuhay.
O- k pa ba ang financial goals mo? Mula sa pagkakaroon ng retirement fund, pag-iipon sa pambili ng house and lot o pagtayo ng bagong negosyo, pagbuo ng emergency fund, o kahit ano sa mga pinapangarap mo na nangangailangan ng pera para matupad mo Ito. Kung nagawa mo na, tannggalin mo na sa listahan ng goals mo at palitan mo ng bago mong minimithi.
N-eed mong gumawa ng budget para malaman mo kung lumalabis ba ang iyong paggastos sa iyong kinikita. Kung positibo ang resulta at meron kang savings, maganda yan para sa pagtupad ng financial goals mo. Kung negatibo ang resulta at may utang ka pa para mapunuan ang iyong gastos, delikado yan sa financial health mo.
A-no na ba ang lebel ng mga utang mo? Tingnan mo ang progreso mo sa pagbabayad ng utang mo, mula sa iyong amortization sa mga nakasanla sa bangko o di kaya’y credit card o sa mga pawnshops. Kung tumataas ang interest rate, lalong mas mahirap bumaba ang balanse mo at matatagalan pa lalo na mabayaran mo Ito ng buo.
T-rack mo ang savings goals mo- sa retirement fund, emergency fund, health fund, investment, travel fund, at iba pa. Mahalaga na alam mo kung may naitatabi ka sa mga pondong para sa kinabukasan.
A-ngkop pa ba ang life at health insurance mo at ang kita ng mga pinansyal na investments mo? Habang tumatanda ka at umaakyat ang iyong kinikita at naiipon, dapat tingnan mo kung tama pa ba ang value ng life at health insurance na meron ka. Pati yung mga investment mo sa mga financial assets tulad ng bonds, stock market o mutual funds, dapat alam mo kung kumikita ba ang mga Ito. Pag may kita, puwede mong itabi yung kita at i-invest ulit sa iba.
Pag ginawa mo ang iyong SONATA, magiging malinaw ang kalagayan o estado ng iyong pinansyal na situwasyon sa mga bahaging ito:
- Income
- Expenses
- Savings
- Insurance
- Investments
- Loans
Juan, padinig nga ng SONA mo? Paşado ka ba?