PINANGUNAHAN ni Mayor Ruffy Biazon ang distribusyon ng libreng school supplies para sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan sa Muntinlupa bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa July 29.
“Gusto nating matulungan at mabigyan ng motivation ang mga bata na mag-aral. Gusto din nating matulungan ang kanilang pamilya lalo’t mataas ang presyo ng bilihin ngayon,” ayon kay Biazon sa turnover ceremony sa Tunasan National High School nitong ika-23 ng Hulyo.
Nasa 98,000 ang bilang ng mga mag-aaral mula sa Early Childhood Education, Kindergarten hanggang Grade 12 na makatatanggap ng libreng Balik Eskwela Package ngayong taon.
Ang mga estudyante ng Early Childhood Education ay makatatanggap ng school bag, 2 notebook, mga lapis, isang set ng krayola, at water bottle; ang mga nasa Kindergarten hanggang Grade 12 ay mabibigyan naman ng school bag, notebooks, ballpen o pencils, pad paper, isang set ng krayola, at “MUNwalk” sneakers na nakatakdang ipamahagi sa susunod na mga linggo.
“Ang distribution na ito ay higit pa sa pagbibigay ng mga gamit sa paaralan; pinapakita rin nito na ang pamahalaang lungsod ay narito para suportahan ang mga mag-aaral sa kanilang edukasyon. Naniniwala tayo na ang bawat bata ay dapat may mga kagamitang kinakailangan para maging matagumpay, at gusto nating maisakatuparan ito,” dagdag pa ni Biazon.
Ang edukasyon ay kabilang sa prayoridad ng administrasyon ni Mayor Ruffy Biazon sa ilalim ng kaniyang 7K Agenda. Mahigit 80,000 estudyante ang kasalukuyang iskolar ng lungsod.