NAKATUTOK sa lagay ng ekonomiya, pag-aangat sa kalagayan ng mga mamamayan, kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga ang laman ng State of the Nation Address (SONA) ngayong araw na ito, ayon sa Malakanyang.

Matapos ang dalawang taon simula nang mahalal si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ilalahad niyang muli, sa ikatlong pagkakataon, ang lagay ng bansa sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) noong 2022, nangako si Pangulong Marcos na pauunlarin niya ang Pilipinas nang 6.5% hanggang 8% sa loob ng anim na taon nyang termino bilang pangulo.
Nananatili ang target na ito, ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan bagama’t para sa taong ito, ibinaba sa 6%-7% ang target mula sa dating 6.5% hanggang 7.5% ang GDP (growth domestic product) ng bansa.
Sinalo ni Pangulong Marcos ang mga suliranin ng bansa na umaahon mula sa pandemya nang siya ay maupong presidente noong 2022.
Lugmok na ekonomiya,tumataas na presyo ng mga bilihin, at matataas din unemployment at poverty rate ang kaniyang kinakaharap.
Ayon kay Dr. Alvin Ang, chairman ng Economics Department ng Ateneo De Manila University, sa kanyang pahayag sa DZBB, sinabi niyang bagamat positibo ang lagay ng ekonomiya ngayon, dapat palakasin ang lokal na industriya upang makasabay sa pag angat ng maliliit na sektor.
Aniya, Hindi nagkulang sa istratehiya kung titingnan ang Philippine Development Plan patungkol sa plano at mga dapat gawin. Subalit, aniya, nasa pagsasakatuparan nito ang kakulangan.
“Unang una di sya national problem lang may trabaho yan ng local may trabaho din ng business-private sector. Hindi yan pupwedeng isa lang ang kilos. May epekto yan eh. Ano ba yung meron kang mai-ooffer sa isang lugar. Ayusin natin ang business opportunity ng isang lugar o ng isang city,” pahayag ni Ang.
Layunin ni Pangulong Marcos, sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas, na iahon mula sa kahirapan ang 14 milyong Pilipino bago matapos ang kaniyang termino sa 2028.
Sa pahayag ng Department of Finance (DoF), sinabi ni Secretary Ralph Recto ang plano ng pamahalaan na ibaba ang taripa sa bigas mula sa 35%, pababain ito ng 15 % na magreresulta ng pagbaba ng presyo ng bigas ng limang piso kada kilo na magsisimula nang maramdaman agad sa susunod na buwan.
Malaking kawalan ito sa kaban ng bayan, ayon kay Recto. Aniya, aabot sa P9.2 bilyon ngayong taon ang mawawalang kita ng gobyerno ngunit mas mahalaga, aniya, ang kapakanan ng mga tao, lalo na ang mahihirap.
Kung mayroong short-term na plano para maibsan ang dinaranas ng mga mamamayan, mayroon ding long-term goal ang gobyerno na maaari ring ibida ni Pangulong Marcos sa SONA gaya ng mga isinasagawang tulong sa sektor ng agrikultra upang palakasin ang produksyon ng pagkain gaya ng pagpapalaki ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at puhunan sa agrikultura upang makagawa ng maraming irrigation system, farm-to-market roads, makabili ng makabagong makinarya at matutukan ang research and development.
Ayon nga kay Finance Secretary Recto, kailangan maging moderno ang sektor ng agrikultura upang maging malakas na tagapagsulong ito ng pag-unlad ng bansa.
Ang efficiency ng paniningil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang isa pa rin sa inaasahang mababanggit sa SONA. Dahil ang dalawang ahensyang ito ang mga pangunahing tagasingil ng ilalaman sa kaban ng bayan, kinakailangan na mapalakas ang koleksyon sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan gaya ng digitalization, at paghihigpit sa mga nakalulusot sa pagbabayad ng tax.
Walang bagong buwis, ngunit ayon kay Secretary Recto sa isang pahayag, maaaring makapagdala ng P42 bilyon taon-taon mula 2025 ang mga repormang magtatakip sa mga butas sa sistema ng pagbubuwis.
Pangunahing popondohan ng gobyerno, ayon kay Recto, ang kalusugan, edukasyon, agrikultra, mga kalsada at infrastraktura, teknolohiya at tulong sa mga mahihirap.
Ayon naman kay Ibon Foundation executive director Sonny Africa, tiyak na ipapaksa ang ekonomiya pero sana sa halip na mga dayuhang mamumuhunan ang hinihikayat sa SONA, dapat aniya, na mga domestic investor ang pinapalakas ng ekonomiya.
Umaasa naman si Senador Win Gatchalian na babanggitin ng Pangulo na ipinatitigil na nito ang operasyon ng mga POGO sa bansa.
Marami ang nananawagan na ipasara na ang mga POGO dahil sa di magandang dulot nito sa lipunan sa kabila ng kakayahan nitong makapagdala ng malaking pondo sa kaban ng bayan.
Nakiusap maging ang embahada ng China sa pamahalaan na ipatigil ito sa bansa, bukod pa sa panawagan ni Senador Win Gatchalian at maging ng iba pang opisyal ng gobyerno.
Nadiskubre sa isinagawang mga raid sa mga POGO hub na nagiging pugad ito ng mga ilegal na gawain gaya ng human trafficking, kidnapping, prostitusyon, at mga pambubudol o scam.