27.9 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Gatchalian muling itinulak ang energy transition habang mataas pa rin ang paggamit ng coal sa bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING itinulak ni Senador Win Gatchalian ang energy transition lalo na’t nangunguna pa rin ang coal sa mga pinagkukunan ng enerhiya ng bansa. Sa katunayan, nalagpasan na ng Pilipinas ang Indonesia at China sa pagiging dependent sa coal.

Larawan kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

“Mahalaga ang energy transition dahil ito na rin ang direksyon ng bansa pagdating sa maaasahan at mas murang halaga ng kuryente,” sabi ni Gatchalian, habang binibigyang-diin ang pangangailangang mabawasan ang paggamit ng coal-fired energy sa bansa.

Kasunod ng datos mula sa energy think tank na Ember, sinabi ni Gatchalian na mahalagang magkaroon ng hakbang para sa panukalang batas na energy transition na siyang magtutulak sa bansa patungo sa layunin nitong green energy. Ipinakita ng datos ng Ember na nalagpasan na ng Pilipinas ang Indonesia at China sa pagiging dependent sa coal-fired power. Patunay dito ang pagtaas ng share ng coal sa electricity generation sa nakalipas na labing limang taon noong 2023 sa kabila ng target ng bansa na bawasan ang paggamit nito ng mas mababa sa kalahati ng kabuuang output ng kuryente pagsapit ng 2030.

Sinabi ni Gatchalian na mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, ang average generation charge ng Meralco sa coal ay P7.4 per kilowatt hour kumpara sa P4.18 per kWh sa solar, o rate difference na humigit-kumulang 44 porsyento.

“Importante na magkaroon ang bansa ng maayos na plano para sa mas malawak na paggamit ng renewable energy at bumaba ang presyo ng kuryente,” ani Gatchalian.

Nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 157 o ang Energy Transition Act na bubuo ng isang Energy Transition Plan upang makamit ang phaseout ng fossil fuel plants at net zero emissions pagsapit ng 2050.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang isang panukala para sa energy transition ay makakatulong sa bansa na makamit ang layunin nitong tanggalin na ang coal sa energy mix pagdating ng 2050.

Binigyang-diin din niya na ang isang energy transition plan ay makatutulong upang mapabilis ang paggamit ng renewable energy sources. Ito naman ang magiging daan upang bumaba ang presyo ng kuryente at maproteksiyunan ang bansa laban sa mga pandaigdigang kaganapan na maaaring makaapekto sa halaga ng enerhiya sa merkado.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -