IMINUNGKAHI ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagsali ng Department of Labor and Employment (DoLE) at Department of Budget and Management (DBM) sa panukalang paglikha ng bagong Cabinet Cluster na nakatuon sa edukasyon.
Ito ay bahagi ng isinumite na panukala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) noong June 27, 2024 kung saan nagsisilbing co-chairperson si Cayetano.
Ang hakbang na ito ay naglalayong tugunan ang patuloy na krisis sa pag-aaral sa bansa sa pamamagitan ng pagtiyak ng malakas na koordinasyon sa pagitan ng mga pangunahing departamento at ahensya na nakatuon sa edukasyon at sa pag-unlad ng manggagawa.
Sa pamamagitan ng Republic Act 11899 noong July 2022, inatasan ang Edcom 2 na magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas at magmungkahi ng mga transformative policies upang matugunan ang mga hamon sa edukasyon at labor market.
Binibigyang-diin ng panukala ang pangangailangan para sa isang dedikadong Cabinet Cluster upang agarang harapin ang krisis sa pagkatuto at bumuo ng isang national education and workforce development plan.
Itinutulak ni Cayetano, na siya ring chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ang pagsali ng DoLE at DBM sa cluster upang matiyak ang patuloy na pagpopondo sa pagpapatakbo nito alinsunod sa workforce development goals.
Binigyang-pansin ng Edcom 2 ang ulat ng Edcom noong 1991 na humantong sa mga makabuluhang reporma, kabilang ang pagtatatag ng Commission on Higher Education (CHEd) at ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).
Ang kasalukuyang panukala ay alinsunod sa nakaraang pagsisikap na ito sa pamamagitan ng pagtataguyod ng koordinadong pagpaplano, pag-monitor sa educational outcomes, pagpapabuti ng teacher education, at pagtukoy sa pangangailangan ng job market.
Upang makamit ang makabuluhang pagbabago sa edukasyon sa bansa, umaasa sina Cayetano at ang Edcom 2 na ang panukala ay makatanggap ng kinakailangang suporta.