SA mga nakaraang linggo, tinalakay sa kolum na ito ang pangangailangan ng katatagan upang mapanatili ang patuloy na paglaki ng isang ekonomiya. Nanganganib ang patuloy na paglaking ekonomiko kapag ang isang ekonomiya ay nakararanas ng malawak na desempleyo at inflation. Isa pang mahalagang isyu sa paglaking ekonomiko ay kung anong uri ng paglaki itataguyod- mabilis na paglaki o mapagpantay na paglaki?
Sa harap ng kakapusan ng yaman at dumaraming tao sa mundo ang pananaw ng neo-liberal na ekonomiks ay dapat itaguyod ang mabilis na paglaking ekonomiko. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng paglikom ng pondo upang magamit sa pangangapital, episyenteng paggamit ng yaman at paglikha ng mga makabagong teknolohiya.
Sa pagpapalawak ng capital, ipinahihiwatig ng ilang ekonomista na dapat itaguyod ang di timbang na distribusyon ng kita at yaman dahil pinapaboran ng pananaw na ito ang pagpapataas ng kita ng mga mayayaman. Naniniwala ang mga ekonomistang neo-liberal na ang mga mayayaman sa isang lipunan ay may matataas na antas at porsiyento ng pag-iimpok bunga ng mataas nilang kita. Bunga nito dapat silang bigyan ng mga insentibo upang lalo pang tumaas ang kanilang pag-iimpok upang makalikom sila ng malalaking pondong magagamit sa pagdaragdag ng istak ng capital sa kanilang mga kompanya at sa buong ekonomiya. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagpapataw ng mababang epektibong buwis sa kita at yaman ng mga mayayaman. Halimbawa, marami sa kanilang ginugugol sa pagkonsumo ay hindi binubuwisan o ang mababa lamang ang buwis. Samantala, ang mga ordinaryong mamamayan ay sumasailalim sa matataas na porsiyento ng buwis.
Idagdag pa rito, maraming korporasyon na pagmamay-ari ng mga mayayaman ay pinapayagang hindi magbayad ng buwis sa mga inaangkat na makinarya, makina at teknolohiya. Samantala, ang mga ordinaryong mamamayan na walang kompanya ay pinapatawan ng matataas na buwis sa mga inaangkat na kagamitan. Ang mga korporasyon ay pinapayagan ding ibawas ang bahagi ng kanilang ginastos sa pagsasanay ng kanilang manggagawa ngunit ang mga ordinaryong pamilya ay hindi pinapayagang ibawas ang ginastos sa pagpapaaral sa kanilang mga anak sa binabayarang buwis. Pinapayagan din ang mabilis na depresasyon ng mga makina at iba pang capital upang makalikom ng pondo ang mga korporasyon upang lalong lumawak ang kanilang pondong magagamit sa pangangapital.
Ang pagkiling sa mga mayayaman at epekto nito sa di timbang na distribusyon ng kita ay naipahiwatig sa pag-aaral ni Simon Kuznets. Ayon sa kanyang pagsusuri sa mga unang antas ng paglaki ng mga ekonomiya lumalabas ang di pantay na distribusyon ng kita at nagiging mas pantay lamang ito sa mataas na antas ng kaunlaran. Nagpapahiwatig ito na may pagkiling sa mga mayayaman ang mga patakaran ng pamahalaan upang makalikom ng malaking pondo sa pangangapital nang magamit sa dagdag na capital na nagpapabilis sa paglaki ng ekonomiya.
Subalit, may ilang kritisismo sa pananaw na ito. Hindi lahat ng dagdag na kitang nalilikom ng mayayaman bunga ng pagbibigay sa kanila ng insentibo ay nauuwi sa pangangapital. Bagkus, ito ay maaaring mauwi sa maluhong pagkonsumo na may makitid na ambag sa paglaki ng ekonomiya dahil marami sa mga produkto at serbisyo kinukonsumo nila ay inaangkat. Kung hindi naman ginagamit sa maluhong pagkonsumo, ang dagdag na kita at pag-iimpok ay ginagamit sa pagbili ng mga yamang pananalapi sa labas ng bansa sa halip na gamitin sa tuwirang pangangapital sa loob ng bansa.
Ang paglaki ne ekonomiya ay maaari ding maisulong sa pamamagitan ng pantay at timbang na distribusyon ng kita. Sa halip na paboran ang mga mayayaman upang makalikom ng pondo mahalaga din ang pagpapahusay at pagpapataas ng produktibidad ng mga ordinaryong mamamayan sa paglaki ng ekonomiya sa pamamagitan ng mapagpantay na distribusyon ng kita at yaman. Sa pananaw na ito kailangang taasan ang buwis sa kita at yaman ng mga mayayaman upang makalikom ng malaking pondo ang pamahalaan na magagamit upang maipatupad nito ang programang makapagbibigay ng malawak at mataas na uri ng serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay sa mas nakararaming mamamayan. Ang pondong nalikom ng pamahalaan ay maaari ding gamitin sa pagpapatayo ng mga imprastruktura. Sa ganitong pamamaraan nagiging mapagpantay ang distribusyon ang mga biyaya ng paglaking ekonomiko.
Ang malawak na gugulin ng pamahalaan sa mga panlipunang serbisyo ay makapagtataas din sa produktibidad ng mga manggagawa na nakapag-aambag sa mabilis na paglaki ng ekonomiya. Ang pagbibigay ng mataas na pasweldo sa mga mangggawa sa pamamagitan ng pakikibahagi nila sa tubo ng mga korporasyon ay hindi lamang mapagpantay ngunit nagpapabilis din sa paglaking ekonomiko. Dahil sa mataas na kita, maraming manggagawa at kanilang pamilya ay nakapagkokonsumo ng maraming produkto at serbisyong nakapagpapataas sa kanilang yamang tao at di na kailangan pang umasa sila sa pamahalaan.
Samakatuwid sa pagpili ng tatahaking layunin ng paglaking ekonomiko kinakailangan ang timbang na pananaw. Kinakailangan ang pondo sa pangangapital ngunit hindi ito dapat pasanin ng mga manggagawa at pamahalaan na nauuwi sa makitid na sebisyong panlipunan. Kailangan ang mapagtanggap ng paglaki kung saan ang mabilis na paglaki ng ekonomiya ay tinatamasa ng mga manggagawa na nagpapataas sa kanilang kagalingan at pakikisangkot sa produksiyon bunga ng kanilang matataas na produktibidad.