INUMPISAHAN na ng Provincial Local Government Unit ng Nueva Vizcaya ang pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga magsasakang nasalanta ng El Niño phenomenon sa lalawigan.
Ayon kay Governor Jose Gambito, ang tulong pinansiyal na P50 million ay mula kay President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ibinigay nito noong bumisita sa Ilagan City sa Isabela noong nakaraang buwan.
Ayon kay Gambito, 5,000 na mga magsasaka base sa listahan ng mga Municipal Agriculture Office mula sa 15 bayan sa lalawigan ang mabibigyan ng P10,000 bawat isa upang makabangon silang muli sa pagkalugmok dahil sa mahabang tagtuyot na naranasan sa Nueva Vizcaya.
Kamakailan lamang, pinangunahan ni Governor Gambito ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka sa bayan ng Diadi, Bagabag at Kasibu upang maihatid din ang mensahe ni Pangulong Marcos, Jr sa mga magsasaka na isa sa mga parayoriad ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng tulong at suporta sa mga magsasaka sa bansa upang maisulong ang tuloy-tuloy na Food Security Program.
Ayon pa kay Governor Gambito, malaking tulong ang ibinigay ng pondo ni Pangulong Marcos,Jr. sa mga magsasaka sa lalawigan dahil makakatulong ito para sa kanilang pamilya at makabawi muli mula sa hagupit ng El Nino Phenomenon. (OTB/BME/PIA NVizcaya)