NAGBUKAS noong Hunyo 15 ang taunang exhibit sa Ayala Mueum ng ‘Ang Ilustrador ng Kabataan’ (o Ang INK), isang organisasyon ng mga ilustrador ng aklat pambata sa bansa. Taon-taon, ang Ang INK ay walang palyang nagdadaos ng exhibit ng kanilang mga miyembro sa mga pangunahing venues sa bansa. Ngayong taong ito, sa kanilang ika-33 taon nang pagkakatatag bilang pangunahing organisasyong laan sa sining pambata, nakatambal ng Ang INK ang Ayala Museum. Matagal-tagal na rin nang huling makabisita ako sa Ayala Museum. Nakatutuwang muling makita ito habang binibisita ko ang kabubukas na INK exhibit.
Pagpasok ko pa lamang sa gallery sa ikalawang palapag ng museo, sinalubong agad ako ng display ng mga aklat pambata na nakasabit sa isang lugar ng museo. Kinilig ako nang makitang nandun ang libro kong ‘Ngiii, ang Kati-Kati ng Ulo Ko’ (na iginuhit ni Abi Goy para sa OMF-Hiyas) at ang ‘Yakkk, Bulutong-Tubig!’ (na iginuhit ni Mark Salvatus para sa OMF-Hiyas). Ang kaibigan kong awtor na si Augie Rivera ay natuwa rin nang makita ang kanyang aklat na ‘Ang Alamat ng Ampalaya’ (iginuhit ni Kora Dandan-Albano para sa Adarna House). Sa mismong exhibit area, bumulaga sa amin ang isang higanteng bangkang papel na kulay dilaw. Sa paligid nito ay nakasabit naman ang mga naka-frame na piling artworks ng mga miyembro ng naturang organisasyon.
Agad mapapansin ang maraming masasaya at makukulay na artworks na nakapinta sa dingding. Ito ang nagsilbing backdrop para sa mga painting na nakasabit sa dingding. Talagang pinaglaanan ng panahon ng mga miyembro ng Ang INK ang pagtungo sa museo upang igayak ito para sa kanilang ika-33 taong anibersaryo.
“Paano kapag natapos na ang exhibit, tatanggalin din ba ang mga magagandang artworks na nakapinta sa dingding?” gayon ang tanong ko kay Liza Flores, ang dating Pangulo ng Ang INK.
Tumango siya. “Oo. Kasi’y bahagi lamang ‘yan ng aming ‘World Within Worlds’ exhibit. Kahit ayaw namin, siyempre wala naman kaming magagawa.”
Naanyayahan nila si Karina Bolasco, dating publishing manager ng Anvil at dating director ng Ateneo De Manila University Press, upang mag-cut ng ribbon noong opening ng exhibit. Binanggit ni Bolasco ang mahalagang papel na ginampanan ng Ang INK sa paglago ng industriya ng panitikang pambata sa bansa. Matatandaang si Bolasco ay dating kabilang din sa Philippine Board on Books for Young People (PBBY) na ang layon ay isulong ang paglago ng ating lokal na panitikang pambata.
Si Danielle Florendo, isang award-winning children’s book illustrator, ay bumaba pa mula sa Baguio City upang daluhan ang pagbubukas ng ANG INK exhibit. Kasama niya ang ilang estudyante niya sa UP Baguio College of Fine Arts, kung saan siya nagtuturo, upang maeengganyo rin niyang gumuhit ang mga ito ng sining para sa mga bata’t kabataan. Si Florendo ang ilustrador ng aklat kong ‘Maselan ang Tanong ng Batang si Usman’ (OMF-Hiyas) at ng bagong labas na ‘Si Burnay, ang Batang Palayok’ (na kuwento ni Augie Rivera at inilathala ng Lampara Books). Noong nakaraang taon, ang aklat nila ni Glory Moralidad na pinamagatang ‘The Perfect Tree’ ay napasama sa listahan ng White Ravens List ng International Youth Library sa Munich, Germany.
Pinamagatang ‘Worlds Within Worlds,’ ang naturang exhibit ay nag-aanyaya sa atin na tingnang maigi ang mga bagay na nakapaligid sa atin. Ang kanilang mga obrang sining ay wari bang nagpapahiwatig ng isang daigdig ng ‘multiverse,’ kung saan ang mga bagay na pangkaraniwan ay nagpapanibagong-anyo at nagiging kagila-gilalas o pambihira.
Sa exhibit na ito, ang mga INKies ay lumikha ng mga daigdig na bagama’t pamilyar ay waring may kakaiba, na para bang may lihim na mabubunyag kung magiging mausisa o mabusisi. Ang mga eksenang nasa canvas ng bawat artist ay nag-aanyaya na tuklasin ang posibilidad ng ‘co-existence’ sa iba na ang kanilang daigdig ay nag-o-overlap sa atin. Sa madaling sabi, ang mga artworks na nakadispley ay inaanyayahan tayong paganahin ang ating imahinasyon.
Taong 1991 nang maitatag ang ‘Ang INK.’ Nagkaroon ng isang malaking workshop noon sa mga illustrators sa Goethe Institut (sa Quezon City pa noon) sa pangunguna ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY). Inanyayahan ang German illustrator na si Reinhard Michl para magsagawa ng 2-week workshop sa Goethe. Dito natuklasan ng mga unang miyembro ng INK ang kanilang common passion for children’s book illustration. Dito nabuo ang grupong Ang INK na si Mel Silvestre, isang UP professor ng College of Fine Arts, ang unang pangulo. Kasama sa mga founding members sina Bernie Solina (+), Ruben ‘Totet’ De Jesus (+), Beth Parrocha, Robert Alejandro, Joanne De Leon, at Beaulah Taguiwalo.
Kabilang sa kanilang mga naging mentors noong nagsisimula ang INK ay sina Larry Alcala (National Artist for Visual Arts), Virgilio S. Almario (National Artist for Literature), Neni Sta Romana-Cruz, at Marcy Dans-Lee. Lalo silang na-encourage nang anyayahan silang magdaos ng exhibit ng Metropolitan Museum of Manila.
Matatagpuan ang INK exhibit sa second floor gallery ng Ayala Museum. Free admission ito kaya kung nasa area lang din kayo ng Makati, magandang dumaan na kayo rito at saksihan ang mga pambihirang obra ng mga pinakamahuhusay na ilustrador na pambata sa ating bansa.
Kabilang sa mga INK members na nakibahagi sa eksibit na ‘Worlds Within Worlds’ ay ang mga sumusunod: Aaron Asis • Abi Goy • Abi Joson • Aldy Aguirre • Alyssa Babasa • Ana Maria Luciano • Angela Taguiang • Ara Villena • Arantxa Maccine Orig • Arli Pagaduan • Arvi Delos Reyes • Ben Reyna • Beth Parrocha • Blooey Singson • Ce Manalang • China Bianca Palanas • CJ Reynaldo • Clarisse Alfonso • Cy Vendivil • Cyrill Aldrin Acuña • Dani Go • Danielle Florendo • Dasig • Dee Saballa • Dione Kong • Domz Agsaway • Eli Estella • Elisha Marcela Felix • Fern Bautista • Fran Alvarez • Frances De Guzman • Gab Madrid • Galera Fernandez • Gervin Angelo Andres • Giuzel Filoteo • Guia Anne Salumbides • Harry Monzon • Henrick Dulin • Iana Laurel • Ige Trinidad • Iori Espiritu • Isa Nazareno • Ivan Reverente • Jamie Bauza • Jandy Carvajal • Jap Mikel • JC Galag • Jeannelle Pita • Jemielou Delos Reyes • John Ronnel Popa • Jomer Haban • Jomike Tejido • Jonathan Rañola • Jovan De Ocampo • Joza Nada • Juno Abreu • Kempis Ang • Kevin Roque • Kim Alexis Santiago • Kulas Jalea • Leo Alvarado • Liz Rañola • Liza Flores • Luce Domini Melegrito • Lui Buan • Marc Lemuel Gonzales • Marcus Nada • Mariko Nakamura • Marx Fidel • Mikhaella Norlin Magat • Neal Andrew Lim • Patricia Ramos • Paul Eric Roca • Pergy Acuña • Popi Ozaeta • Rebecca Yu • Renee Yzabelle Jose • Rev Cruz • Rommel Joson • Ruth Jacob • Sid Gonzales • Tin Javier • Tinsley Garanchon • Viel Vidal • Wika Nadera • Yas Doctor • Yeda Porcalla • Ynez Gonzalez.
Magtatagal ang INK exhibit hanggang sa Hulyo 28, 2024. Mabuhay ang ‘Ang Ilustrador ng Kabataan’ sa kanilang di-nagmamaliw na pagpapayabong sa sining ng ilustrasyon at disenyo para sa mga aklat pambata ng ating bansa!