26.7 C
Manila
Biyernes, Setyembre 20, 2024

HIV/AIDS Awareness campaign ipagpapatuloy sa mga paaralan sa Occidental Mindoro

- Advertisement -
- Advertisement -

IPAGPAPATULOY ng Provincial Health Office (PHO) ang pagdaraos ng mga aktibidad sa mga paaralan upang itaas ang kamalayan ng mga kabataan sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) bilang tugon sa tumataas na bilang ng mga kaso ng HIV sa lalawigan.

Ayon kay HIV/AIDS Provincial Coordinator Catherine Ogsimer, nakababahala ang halos pag-doble ng kaso ng mga positibo sa HIV sa probinsya. Mula 113 na indibidwal noong 2023, umabot na ito ngayon sa 198 kaso. Sa nasabing bilang, lima ang babae at 193 ang lalaki.

Ipinaliwanag ni Ogsimer na bukod sa pagtaas ng bilang, higit na nakababahala na dumarami ang mga kabataan sa lalawigan na nasusuring positibo sa nasabing virus.

Batay sa talaan ng PHO, may 107 kaso ang nasa 25 – 34 taong gulang habang 61 kaso naman sa edad 15–24.

“Kaya target ng ating HIV/AIDS Awareness Symposium ay mga nasa Grade 10 hanggang 12,” ayon pa kay Ogsimer.

Sinabi pa ng HIV/AIDS Provincial Coordinator na isa sa nakikita nilang dahilan ng pagdami ng mga kabataang infected ng HIV ay ang hindi mapigilang kuryosidad ng mga ito sa pakikipagtalik, “kaya talagang kailangan na mabigyan sila ng mga tamang impormasyon.”

Kabilang sa mga itinuturo sa symposium ng PHO ay ang ABCDE method of prevention. Ito ay nangangahulugang: (A) Abstinence o hindi pakikipagtalik, (B) Be faithful o pagiging tapat sa iisang partner, (C) Consistent use of condom o paggamit ng condom, (D) Don’t do drugs o pag-iwas sa ipinagbabawal na gamot, at (E) Edukasyon.

Samantala, sa nakaraang Kapihan sa Bagong Pilipinas, binigyang-diin ng Department of Health (DoH) Mimaropa, sa pangunguna ni Regional Director Dr. Mario Baquilod, na sinuman ay maaaring magpatingin sa mga HIV Treatment Hubs na matatagpuan sa mga lalawigan sa rehiyon.

Ayon kay Baquilod, libre ang pagpapasuri gayundin ang isasagawang treatment o paggamot sakaling magpositibo sa HIV, kasama na ang pagtiyak na hindi nabubunyag kanino man ang pagkakakilanlan at iba pang impormasyon tungkol sa mga nagpo-positibo sa nasabing virus.

Sa Occidental Mindoro, ang Aruga Treatment Hub na matatagpuan sa provincial hospital sa Mamburao ang nangangalaga sa mga HIV-positive sa lalawigan. (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -