27.4 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Panandang pangkasaysayan sa Kapitolyo ng Tarlac pormal nang inilagak

- Advertisement -
- Advertisement -

PORMAL nang inilagak ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang panandang pangkasaysayan sa Kapitolyo ng Tarlac.

Pinangunahan ni Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas Patnugot Tagapagpaganap Carminda Arevalo (ika-apat mula sa kaliwa) at Gobernador Susan Yap (ikalawa mula sa kanan) ang paglalagak ng panandang pangkasaysayan sa Kapitolyo ng Tarlac.(Gabriela Liana S. Barela/PIA 3)

Ito ay bilang pagkilala sa ambag ng pampamahalaang gusali sa kasaysayan ng lalawigan at ng bansa.

Ayon kay Patnugot Tagapagpaganap Carminda Arevalo, inihandog ang panandang pangkasaysayan upang pagyamanin, protektahan at pangalagaan ang kapitolyo para sa susunod na henerasyon.

Ani Arevalo, inilipat ang sentro ng pamahalaang panlalawigan sa mas estratehikong pook na kasalukuyang kinatatayuan nito matapos masunog ang Casa Real o Casa Gobierno noong Marso 1906.

Itinayo ang Kapitolyo na yari sa konkreto at kahoy sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Manuel Leon noong 1909, at inilarawan bilang “The Most Commanding Capitol” ng Bureau of Public Works noong 1914.

Ang Kapitolyo ay nagsilbing himpilan ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig matapos makubkob ang Tarlac.

Pahayag pa ni Arevalo, nasira ng digmaan ang gusali ngunit sa bisa ng Philippine Rehabilitation Act of 1946 ay muli itong naisaayos noong 1950.

Samantala, malugod namang tinanggap ni Gobernador Susan Yap ang gawad at pagkilala ng komisyon sa makabuluhang bahagi ng Tarlac sa pambansang kasaysayan.

Giit ni Yap, ipagpapatuloy ang pagkalinga at pag-aalaga hindi lamang sa panlabas na katayuan ng Kapitolyo, maging sa mga kuwentong magpapaalala sa nakaraan, pinagmulan at pinagdaanan ng probinsya.

Dagdag niya, tanda ng matatag, matibay at matayog na pagkakakilanlan ng lalawigan ang Kapitolyo nito. (CLJD/TJBM, PIA Region 3-Tarlac kasama si Ivan Harey G. Torcadilla- intern)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -