BUWAN pa lang ng Mayo ay nagsimula nang magsagawa ng monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga presyo ng school supplies sa mga bayan sa Oriental Miondoro.
Ang monitoring ay pinangunahan ng Consumer Protection Division ng DTI at ng mga Negosyo Center. Ito ay bilang paghahanda sa pagbukas ng klase sa Hulyo 29.
Ayon sa Department of Education (DepEd), kasama ang mga school supplies sa itinuturing na seasonal items na minomonitor ng DTI ang mga presyo at suplay bago magpasukan. Ito ay ayon sa Department Order No. 20-86, series of 2020 (DO20-86) o ang “Guidelines for the Conduct of Price and Supply Monitoring of Basic Necessities and Prime Commodities pursuant to the Mandate of the Department of Trade and Industry.
Sa monitoring report ng DTI sa probinsya, mayroong sapat na suplay at kumpleto ang mga kagamitang pang eskwelahan ang mga establisyemento, ngunit hindi pa nagsisimulang mamili ang mga magulang, kaya posible rin na bumaba pa ang presyo sa mga susunod na araw dahil may ilan ng tindahan ang nagbababa na ng kanilang paninda.
Kabilang sa mga gamit pang-eskwela na ininspeksyon ay ang mga notebook, pad paper, pencil, ballpen, crayola, pantasa, pambura, ruler at marami pang iba.
Ang ginawang pagbisita sa mga establisyementong nagtitinda ng school supplies ay alinsunod na rin sa mandato ng DTI na siguraduhin na tama ang presyo at sapat ang suplay ng mga pangunahing pangangailangan. (DN/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)