26.8 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Pinag-usapan namin ang takot na tumanda

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin mula sa Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

NATATALO na si Morrie sa kanyang laban. May nagpupunas na ng kanyang puwet.

Hinarap niya ito sa tipikal niyang matapang na paraan. Hindi na niya maabot ang kanyang puwet nang ginamit niya ang kubeta, kaya’t sinabi niya kay Connie ang pinakahuli niyang limitasyon.

“Mahihiya ka bang gawin ito para sa akin?”

Ang sagot niya’y hindi.

Tipikal kay Morrie na magtanong muna, kahit sa bagay na ganito.

Matagal bago siya nasanay dito, pag-amin ni Morrie, dahil isa itong kumpletong pag-surender sa kanyang sakit. Ang pinakapersonal at simpleng bagay ay tinangay na mula sa kanya—pagpunta sa kubeta, pagpunas ng kanyang ilong, paghugas ng mga pribadong bahagi ng kanyang katawan. Maliban sa paghinga at paglunok ng kanyang pagkain, naka-depende siya sa ibang mga tao sa halos lahat na ng mga bagay.

Tinanong ko si Morrie kung paano siya nananatiling positibo sa harap ng mga ito.

“Mitch, nakakatawa,” sabi niya. “Isa akong malayang tao, kaya ang inklinasyon ko’y labanan ang lahat ng mga ito—ang pagtulong sa akin para makapasok sa kotse, ang pagbihis sa akin ng ibang tao. Medyo nahiya ako, dahil ang kultura nati’y nagtuturo sa atin na dapat tayong mahiya kapag hindi natin kayang punasan ang ating puwet. Pero naisip ko, Kailangang kalimutan ang sinasabing kulturang ito. Halos buong buhay kong hindi pinansin ang kulturang ito. Hindi ako mahihiya. Ano ba ang malaking bagay sa isyung ito?

“At alam mo ba? Ang pinaka-kakaibang bagay?”

Ano ‘yun?

Nag-enjoy pa nga ako sa pagde-depende ko sa ibang mga tao. Ngayon, nag-eenjoy na ako kapag pinababaligtad nila ako sa kama para lagyan ng cream ang aking puwet para hindi ito magkaroon ng mga sugat. O kapag pinupunasan nila ang aking mga kilay, o minamasahe ang aking mga mga binti. Natutuwa ako rito. Ipinipikit ko ang aking mga mata at ninanamnam ko ang lahat. At parang pamilyar sa akin ang mga bagay na ito.

“Para akong muling bumabalik sa aking pagkabata. May nagpapaligo sa kin. May bumubuhat sa akin. May nagpupunas sa akin. Alam nating lahat kung paano maging bata. Nasa loob nating lahat ito. Para sa akin, naalalala ko lang kung paano ko ito ikinatutuwa.

“Sa totoo lang, nang tayo’y kinarga ng ating mga nanay, ipinaghele tayo, hinimas ang ating mga ulo—wala naman sa ating nagsabing tama na, sobra na ito. Lahat tayo kahit paano’y umaasang babalik muli sa mga panahong iyon ng tayo’y kumpletong inalagaan—pagmamahal na walang kondisyon, pag-aarugang walang kondisyon. Karamihan sa ati’y kinulang sa mga bagay na ito.

“Alam kong ako’y hindi.”

Tumingin ako kay Morrie at bigla kong naintindihan kung bakit nag-eenjoy siya sa paglapit ko sa kanya at pag-aayos ng mikropono, o pagtutuwid ko ng kanyang mga unan, o pagpupunas ng kanyang mga mata. Haplos ng isa pang tao. Sa edad na pitumpu’t walo, nagbibigay siyang parang isang matanda at kumukuha nang parang isang bata.

 

***

 

Makaraan ang ilang oras ng araw ding iyon, pinag-usapan namin ang pagtanda. O siguro’y dapat kong sabihin, ang takot sa pagtanda—isa pa sa maraming mga isyu na gumugulo sa aming henerasyon. Sa sasakyan ko mula sa airport sa Boston, nagbilang ako ng mga billboards na nagpapakita ng mga bata at magagandang mga tao. May isang guwapong lalaking nakasuot ng sombrero ng isang cowboy, naninigarilyo; may dalawang magaganda at batang mga babaeng nakangiti sa itaas ng isang bote ng shampoo; may isang kaakit-akit na teen-ager na nakabukas ang unang butones ng kanyang maong; at may isang seksing babae na nakasuot ng isang itim na damit na velvet, katabi ng isang lalaking naka-tuxedo, at may dala silang tig-isang baso ng scotch.

Ni minsa’y wala akong nakitang lalagpas sa edad na tatlumpo’t lima. Sinabi ko kay Morrie na ang pakiramdam ko’y palaos na ako, kahit na ano pa man ang gawin ko para maging nasa itaas. Lagi naman akong nagtratrabaho. Binabantayan ang aking kinakain. Inaayos ang aking buhok sa salamin, para masigurong hindi pa ako makakalbo. Nagsimula ako sa pagiging mayabang kapag sinasabi ko ang aking edad—dahil marami na akong nagawa kahit na bata pa lang ako—pero ngayo’y hindi ko na sinasabi kung ilang taon ako, sa takot na malapit na ako sa edad na apatnapu, at pababa na sa aking propesyon.

Mas maganda ang perspektiba ni Morrie tungkol sa pagtanda.

“Ang lahat ng atensyong nakatutok sa kabataan—hindi ko ‘yan pinaniniwalaan,” ang sabi niya. “Alam ko kung ano ang mga hirap na dinaraanan ng isang bata, kaya’t huwag mong sabihin sa akin kung gaano ito kasaya. Ang lahat ng mga kabataang nagpunta sa aki’y dala ang kaniang mga paghihirap, pakiramdam ng kakulangan, paniniwalang miserable ang kanilang mga buhay, na sa sobrang sakit ay gusto na nila itong wakasan. . .

“At, dagdag pa sa lahat ng mga paghihirap, ang mga bata’y hindi naman maalam. Hindi pa nila naiintindihan ang buhay. Sino naman ang gustong mabuhay kung hindi mo alam kung ano ang nangyayari sa iyong buhay? Kung ang mga tao’y niloloko ka lang o ginagamit, sinasabihan kang bilhin ang pabangong ito at magiging maganda ka, o ang maong na ito para ika’y maging seksi—at naniwala ka naman! Malaking kahunghangan!”

Kahit na minsan lang  ba’y hindi ka natakot tumanda?

“Mitch, niyakap ko ang pagtanda.”

Niyakap mo ito?

“Simple lang ito. Habang tumatanda ka, mas marami kang natututunan. Kung hindi ka na lumagpas sa edad na dalawampu’t dalawa, lagi ka na lang magiging kasing-ignorante mo nang ika’y nasa edad na dalawampu’t dalawa. Ang pagtanda’y hindi pagkabulok, alam mo ba ‘yun? Ito’s isang pagtubo. Hindi lang ito ang negatibong ika’y mamamatay rin, ito ri’y ang positibong naiintindihan mo na ika’y mamamatay , at mas magiging mahusay ang buhay mo dahil naiintindihan mo ito.”

Oo, sabi ko, pero kung may halaga ang pagtanda, bakit ang laging sinasabi ng mga tao’y “Oh, sana’y bata uli ako.” Wala ka namang naririnig na nagsasabing, “Oh, sana’y animnapu’t limang taong gulang na ako.”

Ngumiti siya. “Alam mo ba ang sinasalamin nito? Mga buhay na hindi masaya. Mga buhay na hindi nabuo. Mga buhay na walang halaga. Pero dahil nakita mo ang halaga ng iyong sariling buhay, ayaw mo nang bumalik. Gusto mo na lang umabante. Gusto mong mas marami pang makita, mas marami pang magawa. Hindi ka na makagpahintay pa bago ka umabot ng animnapu’t lima.

“May dapat kang malaman. Ang lahat ng mga nakababatang tao’y may dapat malaman. Kapag lagi mo na lang pipigilan ang iyong pagtanda, lagi ka na lang magiging malungkot, dahil hindi naman ito mangyayari.”

“At Mitch?”

Binabaan niya ang kanyang boses.

“Ang katotohanan, isang araw ay mamamatay ka rin.”

Alam ko.

“Pero sana,” sabi niya, “ay matagal na matagal pang mangyari ito.”

Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mukha siyang panatag, at pagkatapos ay sinabihan niya akong pakiayos  ko ang mga unan sa likod ng kanyang ulo. Ang katawan niya’y lagi’t lagi na lang kailangang i-adjust para siya maging kumportable. Siya’y nakahiga sa isang silya na may mga puting unan, dilaw na foam, at bughaw na mga tuwalya. Sa isang biglang tingin, akala mo’y inihahanda na si Morrie para ilagay sa karton at ibiyahe sa barko.

“Maraming salamat,” sabi niya habang inaayos ko ang mga unan.

Walang problema, sabi ko.

“Mitch. Ano ang iniisip mo?”

Tumigil muna ako bago magsalita. Okay, ang sabi ko, iniisip ko kung hindi ka ba naiinggit sa mga taong mas bata at mas malusog kaysa sa iyo?

“Oh, sa palagay ko’y oo naman.” Ipinikit niya ang kanyang mga mata. “Naiinggit ako sa kanila dahil nakakapunta sila sa health club, o nakakapaligo. O nakapagsasayaw. Mas madalas sa kanilang abilidad pa para magsayaw. Kapag dumarating sa akin ang pagka-inggit, dinarama ko ito, at pagkatapos ay pinapakawalan ko na lang. Naalala mo ang sinabi ko sa paglayo? Pakawalan mo na lang. Sabihin mo sa iyong sarili, “’Yan ang inggit. At ihihiwalay ko na ngayon ang sarili ko diyan.’ At talikuran mo na lang ito.”

Umubo siya—isang mahaba at ma-plemang ubo—at inilapit niya ang tisyu sa kanyang bibig at mahinang dumura rito. Habang nakaupo ako, pakiramdam ko’y sobrang mas malakas ako kaysa sa kanya, na para bang kaya ko siyang buhatin at iitsa sa aking likod tulad ng isang sako ng arina. Ikinahiya ko ang pakiramdam na ito, na mas mataas ako, dahil hindi naman talaga ang pakiramdam ko sa kanya.

Paano mo napipigilang hindi kainggitan ang . . .

“Ano?”

Ako?

Ngumiti siya.

“Mitch, imposible para sa mga matatanda na hindi mainggit sa mga bata. Pero ang isyu ay ang pagtanggap mo sa iyong sarili at ang pagnamnam sa pagtanggap na ito. Ito ang panahon mo para maging treinta. Nagkaroon naman ako ng panahon na dumaan sa aking pagka-treinta, at ngayo’y panahon ko naman para maging pitumpu’t walo.

“Kailangan mong malaman kung ano ang matino at maganda at totoo sa iyong buhay sa ngayon. Naghahambing ka lamang kapag ika’y nagbabalik-tanaw. At ang edad ay hindi naman isang isyu nang paghahambing.”

Huminga siya at tumingin pababa, na para bang pinanonood niya ang kanyang hiningang kumakalat sa hangin.

“Ang katotohanan ay, ang isang bahagi ko’y katumbas ng bawat edad ko. Ako’y tatlong taong gulang, ako’y limampu’t limang taong gulang. Dumaan na ako sa lahat ng mga edad na ‘yan, at alam ko ang pakiramdam diyan. Natuwa ako sa pagiging bata nang ako’y bata pa. Natuwa ako sa pagiging isang matalino at matandang lalaki, nang ako nama’y tumanda. Isipin mo ang lahat nang maaari mong maging! Ako’y lahat ng edad, nang naaayon sa aking sarili. Naiintindihan mo ba ako?”

Tumango ako.

“Paano ako maiinggit sa iyo—nang nagdaan na rin ako sa edad mong iyan?”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -