UMAABOT na sa halagang ₱1.6 milyon na mga luma, sirang perang papel at mga barya ang napalitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) simula ng magkaroon ito nga tanggapan sa Puerto Princesa.
Ayon kay BSP-Puerto Princesa Area Director Ronaldo O. Bermudez, sa media information session kamakailan dito, ang pagpapalit ng mga luma, sirang papel at mga barya ay isinasagawa sa pamamagitan ng Piso Caravan sa iba’t ibang munisipyo sa Palawan maging sa Puerto Princesa katuwang ang mga bangko.
Dagdag ni Bermudez na sa kasalukuyan, ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga bangko ay sa Mindoro, kung saan sa bilang na 328 na mga bangko sa Mimaropa Region, 144 dito ang nasa Oriental Mindoro habang pinakamarami namang universal at commercial banks ang nasa Palawan na katuwang nila sa pagsasagawa ng Piso Caravan.
Ayon pa sa kanya, ang pinakahuli nilang Piso Caravan ay isinagawa noong Baragatan sa Palawan Festival 2024 na maraming mga Palawenyo ang nakinabang dito.
Inihayag din nito na unti-unti nang nare-resolba ang problema sa kakulangan ng pera at barya sa Palawan, habang tiniyak din nito na sa pagkakaroon ng sangay ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa lunsod ay magpapatuloy ang sirkulasyon ng mga barya at perang papel.
Isa sa nakikita na dahilan kung bakit nagkaroon ng kakulangan sa barya noong wala pang BSP-Puerto Princesa ay ang pagho-hoard nito para ibenta o kaya naman ay pinapapalitan sa malalaking tindahan dahil sa insentibong kanilang natatanggap na kung minsan ay mag dagdag pang kape o kaya ay burger.
“Ngayon nandito na si BSP, pupunuin natin ng supply ng coins ang ating mga bangko at magkakaroon na ng supply ng coins sa kani-kanilang mga kliyente para matigil na iyong pag-iipon o pagtatago ng mga barya,” pahayag ni Bermudez. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)